Ang lunas sa kahirapan

Sinulat ni BIENVENIDO A. SANTIAGO JR.

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

ANG KAHIRAPAN ay parang isang epidemiya o salot na lumalaganap sa daigdig at bumabagabag sa tao. Bagaman pinag-iibayo ng mga lider ng pampribado at pampublikong sektor ang pagsisikap na lunasan at sugpuin ang suliraning ito, gayunman ang kahirapan ay narito pa rin at patuloy ang paglala. Ang kalahati ng 7.8 bilyong tao sa mundo ngayon ay nabubuhay sa matinding kahirapan. Lalong tumitindi ang kagutom at malnutrisyon. Idagdag pa rito ang milyun-milyong walang hanapbuhay, kapuwa sa mahihirap at mauunlad na bansa.

Ngunit, hindi nangangahulugang wala nang lunas sa kahirapan. May solusyon dito. At upang mailapat ang wastong lunas, kailangan munang alamin kung ano ang naging sanhi ng problema, ayon sa pagtuturo ng Biblia.

Ang ugat ng problema
Walang suliraning pangkabuhayan ang mga unang tao noong simula. Lahat ng pangangailangan nila’y ipinagkaloob ng Diyos. Kailangan lamang nilang sundin ang iniutos Niya upang manatili sila sa gayong magandang kalagayan. Ngunit, sumuway ang mga unang tao. Kaya ang sabi ng Diyos:

“… Kaya susumpain ko ang lupa, at kakailanganin mong magpagal nang husto para sa iyong pagkain. Sa hirap, kakain ka ng pagkain mula roon sa lahat ng araw ng iyong buhay. Pagpapawisan at pagpapagalan mo ang para sa iyong pagkain …” (Gen. 3:17 at 19 New Century Version)*

Kung gayon, ang kahirapang dinaranas ng tao ay resulta ng kasalanang nagawa niya laban sa Diyos dahil nilabag niya ang ipinag-utos sa kaniya. At sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12), tiyak na magdaranas ang sangkatauhan ng matinding paghihirap (Job 5:7 Living Bible).

Ang lunas sa kahirapan
Paano malulunasan ng tao ang kahirapang tiyak na masasagupa niya sa buhay na ito? Sa Awit 113:7 at 1 ay itinuturo ang lunas:

“Itinataas niya ang mahihirap mula sa alabok; inaangat niya ang mga nangangailangan mula sa kanilang matinding paghihirap … Purihin ang Panginoon! Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin ang kaniyang pangalan!” (Good News Bible)*

Ang Diyos ang pag-asa ng mga taong nasa matinding paghihirap. Bagaman sinumpa ng Diyos ang buhay ng mga nagkasala, gayunman, dahil sa Kaniyang pag-ibig, itinuro rin Niya ang lunas sa paghihirap ng tao: kailangan siyang maging lingkod Niya.

Ang lunas sa kahirapan

Sino ang makapaglilingkod sa Diyos, ayon sa Biblia? Para maging lingkod ng Diyos, kailangang ang tao ay linisin muna ng dugo ni Cristo (Heb. 9:14, 22). Ang tinubos o nilinis ng dugo ni Jesus ay ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*

Dito dapat umanib ang tao para makapaglingkod sa Diyos at malunasan ang kaniyang paghihirap.

Pinatutunayan ba ng Biblia na ang Iglesia Ni Cristo ang tatanggap ng mga pagpapalang ipinangako ng Diyos? Ito ang tiniyak ng mga apostol. Nakasulat sa Efeso 3:6 ang ganito:

“Ang katotohanang nahayag ngayon ay ito: ang mga Gentil ay maaaring maging kapuwa mga tagapagmana ng Diyos na kasama ng Israel. Sila ay karapat-dapat na magkasama-sama sa iisang katawan—ang Iglesia Ni Cristo. Silang lahat ay makatatanggap na ngayon ng mga pagpapalang ipinangangako ng Diyos sa Dakilang Balita tungkol kay Cristo.” (Last Days Bible)*

Kung gayon, kahit ano pang lahi ang kinabibilangan ng mga tao, kapag magkakasama sila sa iisang katawan—ang Iglesia Ni Cristo (Col. 1:18)—ay tatanggap sila ng mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

Sa kabilang dako, ang nasa labas naman ng Iglesia ay tatanggap ng hatol, gaya ng isinasaad sa I Corinto 5:13:

“Ang Diyos lamang ang hahatol sa kanila na nasa labas. Palayasin ninyo ang masamang taong iyon mula sa gitna ninyo [itiwalag ninyo siya mula sa inyong iglesia].” (Amplified Bible)*

Samakatuwid, upang makamit ng tao ang lunas sa kahirapan, kailangang maging kaanib siya ng Iglesia Ni Cristo. Ito ang dahilan kaya ipinakikilala at ipinag-aanyaya ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa lahat ng tao ang pag-anib dito.

Paano nahahayag sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang mga pagpapala ng Diyos? Hindi ba ang marami sa mga kaanib dito ay mahihirap lamang?

Ang kahayagan ng tulong ng Diyos
Sinadya ng Diyos na ang marami sa tinawag Niya sa Iglesia Ni Cristo ay mga maralita upang hindi makapagmalaki ang mayayaman at matatalino sa sanlibutang ito:

“At pinili rin ng Diyos (sadyang hinirang) ang sa daigdig ay ipinanganak na maralita at hindi mahalaga at siniraang-puri at hinahamak, kahit ang mga bagay na walang kabuluhan, upang maalis Niya at mapawalang-kabuluhan ang mga bagay na mayroon, upang walang taong may kamatayan ang dapat [magkaroon ng kahambugan sa kaluwalhatian at] makapagmalaki sa harapan ng Diyos.” (I Cor. 1:28-29 AMP)*

Sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, nahahayag ang Kaniyang mga dakilang gawa sa Iglesiang ito—bagaman mahihirap lamang ang maraming kaanib nito. Dahil dito, hindi sila mahahadlangan ng anuman—kahit ng kahirapan. Nagawa ng Iglesiang ito ang hindi nagawa ng ibang mga iglesiang higit na marami ang kaanib at mayayaman pa at may mga kapangyarihan.

Ito rin ang napansin ng mga awtoridad ng ibang relihiyon. Tulad ng sinabi ni G. Vitaliano R. Gorospe, isang paring Jesuita, sa aklat niyang Philippine National Problems and Development:

“Ang pinakamatibay na katuwiran na ang Iglesia (Katolika) ay nabigo, ay ang Iglesia ni Kristo [sic], na nakapagbigay sa pangkaraniwang tao ng diwa ng katarungang panlipunan at kaayusang ukol sa moralidad na hindi naibigay ng isang impersonal at mayamang Iglesia. Dapat matuto ang Iglesia Katolika sa mga paraan ng pag-unlad ng INC, na nagtuturo ng kamalayan sa panlipunan at nasyonalismo, na ang mga kaanib ay nagmumula sa mabababang kalagayan, na tumatangging maging isang iginagalang na Iglesia ng mga nasa mataas na kalagayan.” (p. 26)*

Ang ikatatatag ng mga lingkod ng Diyos
Upang hindi nila ikapanghina at ikawala ng pag-asa ang mga suliranin at matinding kahirapan, ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang manindigan sa kanilang relihiyon, manghawak sa mga salita ng Diyos, at laging manalangin sa Kaniya (Job 4:4-6 Common English Bible; 5:7-8 Douay-Rheims). Malulubos pa ang pag-asang ito ng mga lingkod ng Diyos kung hahanapin nila sa Kaniya ang kaligayahan sa buhay at kung itataguyod nila ang malinis na pamumuhay (Awit 37:4-6 New International Reader’s Version).

Samakatuwid, ang lunas sa kahirapan ng tao ay ang Iglesia Ni Cristo. Dito matatanggap ng tao ang mga pagpapala ng Diyos, hindi lamang sa buhay na ito kundi maging sa darating.

*Isinalin mula sa Ingles

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Marso 2015, at ito ay ina-update.

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

The official website of Pasugo: God’s Message magazine of the Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ), contains religious articles, Church news, and photos