
DAGLIANG BUMANGON si Kapatid na Jocelyn Salvado nang magising siya dahil sa ingay galing sa labas ng kanilang bahay. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang nakita niya ang makapal na usok mula sa isang mabangis na pagliyab na nagliliwanag sa hatinggabi. May malaking sunog sa mga bahay na kahilera ng sa kanila, kasama ang bahay ng lola niya. Tumakbo siya patungo roon. Hindi raw nakita ng mga kapitbahay kung nakalabas ang kaniyang lola, nag-iisa niyang kapatid na lalake, at kaniyang pinsan. Sinidlan ng matinding takot si Kapatid na Jocelyn.
“Noon nasubok ang aking pananampalataya. Sa isang iglap, nawalan ako ng mahal sa buhay dahil sa nangyaring sunog,” isinalaysay ni Kapatid na Jocelyn. Siya ay isang maytungkulin sa pananalapi at sa kapisanang Buklod sa Lokal ng Taguig. Tandang-tanda pa niya ang hinagpis na naramdaman niya at ng kaniyang pamilya dahil sa nangyari. Upang ito ay maibsan, sabi niya, “Nagpanata kami gabi-gabi upang malampasan namin ang pagsubok na iyon. Bukod kasi sa nasunog ang karamihan sa gamit namin, napakasakit ang pagkasawi ng aming mga mahal sa buhay.”
Kapag nakararanas ng masasaklap na pangyayari, ang iba ay lumalapit sa mga taong inaakala nilang makatutulong sa kanila. Mayroon namang iba na nagtitiwala sa sarili nilang kakayahan, kayamanan, at katalinuhan.
Ngunit para sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, ang lagi nilang pinagtitiwalaan ay ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. “Ang higit naming sinasampalatayanan na tutulong sa amin sa panahon ng pagsubok ay ang Panginoong Diyos,” pahayag ni Kapatid na Jocelyn. Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa kanila, nakabangon sila sa trahedya at hindi napinsala ang masiglang paglilingkod nila sa Diyos. “Nakita namin kung gaano magmahal ang Diyos. Kinasangkapan Niya ang mga kapatid sa loob ng Iglesia upang kami ay matulungan at makapagsimulang muli,” masayang sinabi ni Kapatid na Jocelyn.
Sinabi niya na sa kabila ng mga pagsubok, “Mas lalo akong nagtalaga sa pagsamba dahil ang mga aral ng Diyos na aking napapakinggan sa pagsamba ang nagpapalakas ng aking pananampalataya at pag-asa.” Alam niya na nakalampas sila sa matinding pagsubok na iyon dahil kinaawaan at tinulungan sila ng Diyos.
Tangi sa pagiging mapanalanginin, itinuturo rin sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kahalagahan ng laging pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ipinahayag ni Kapatid na Armando Osorio, 81 taong gulang at 30 taon nang pangulong diakono, kung ano ang pinakamahalaga para sa kaniya: “Ang pinakamahalaga ay ang pagsunod sa kalooban ng Ama upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok, lalo na ang mga pangyayaring sa tingin mo’y hindi mo kaya.”
Nasa murang gulang pa lamang si Kapatid na Armando noong siya ay magpasiyang umanib sa Iglesia. Hinahadlangan siya ng kaniyang ama, na noon ay ayaw pumayag na mabautismuhan siya. Mahirap para sa kaniya ang nangyari dahil napakataas ng paggalang niya sa kaniyang ama. “Dahil sumasampalataya ako na nasa loob ng Iglesia ang tunay na aral, nagpumilit akong kumbinsihin ang tatay ko, maging ang iba pang umusig sa akin, na ang gagawin kong pag-anib sa Iglesia Ni Cristo ay pagsunod sa utos ng Diyos,” sabi niya.
Bukod sa mga sakuna, ang pag-uusig ay isa rin sa mga pagsubok na maaaring makahadlang sa lingkod ng Diyos upang magkamit ng maayos at maaliwalas na buhay. Hindi na ito bagong bagay sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Isa sa may maraming karanasan tungkol sa pag-uusig ay si Kapatid na Jesus “Jess” Manalo, 60 taong gulang, diakono.
“Mang-uusig ako sa Iglesia noon,” sinabi ni Kapatid na Jess. Naaalala pa niya ang mga ginawa niya bago siya tawagin sa Iglesia: “Saradong Katoliko ang aming pamilya. Maging ang mga kabarkada ko noon ay kinainisan talaga ang mga kaanib ng Iglesia, lalo na kung inaanyayahan nila kami. Naranasan kong maghagis ng mga bato sa bubong ng kapilya. Kapag dumadaan sila, tinutukso namin sila, pinagtatawanan, at pinariringgan ng masasamang salita.”
Lumipas ang mga taon at nagkaroon na ng pamilya si Kapatid na Jess. Isang araw, hinikayat siya ng kaniyang kakilala na kaanib ng Iglesia na dumalo sa pamamahayag ng mga salita ng Diyos. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang nangyari: “Bagama’t wala akong hilig sa mga Bible study noon, hindi ko alam kung bakit nakumbinsi ako ng kakilala ko na dumalo sa pamamahayag. Doon ay natutuhan ko na ibang-iba ang Iglesia Ni Cristo kung ikukumpara sa ibang mga relihiyon.”
Sa kaniyang trabaho bilang tsuper, nakapakinig din siya sa radyo ng mga programang panrelihiyon ng Iglesia Ni Cristo na isa sa mga naging daan upang magpatuloy siya sa pagsusuri sa mga aral ng Diyos. Tinandaan niya ang araw nang nagpasiya siyang umanib sa Iglesia: “Nagtungo ako sa kapilya ng Lokal ng Taguig upang hanapin ang aking kakilala at magtanong kung paano umanib sa Iglesia. Sa desisyon kong iyon, hindi ko inakala na hahadlangan at uusigin ako ng aking mga mahal sa buhay.” Nabaligtad ang sitwasyon ni Kapatid na Jess. Ang dating mang-uusig ay siya nang inuusig.
Kinausap nang masinsinan ni Kapatid na Jess ang kaniyang mga mahal sa buhay. “Umiyak ako sa harap nila nang ipinaliwanag ko na hindi na mababago ang pasiya ko na mag-Iglesia Ni Cristo. Ipinaunawa ko sa kanila na mas pipiliin kong sumunod sa Panginoong Diyos kaysa kaninumang tao. Doon natigil ang pag-uusig ng aking mga kamag-anak,” sabi niya. Dumaan ang panahon at nakumbinsi rin niya ang kaniyang mga magulang, asawa’t mga anak na umanib sa Iglesia Ni Cristo.
Para sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, tulad ni Kapatid na Jess, anuman ang pag-uusig at pagsubok na pagdaanan nila, hindi sila dapat matakot sapagkat alam nila na hindi pababayaan ng Diyos ang mga lingkod Niyang masunurin sa Kaniyang mga utos. Kaya, mahalaga ang pagsunod sa Kaniyang kalooban upang makamit ang inaasam na tagumpay sa buhay na ito at sa buhay na darating. Ito ang ilan sa mga itinuro ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan, sa kanilang pangangasiwa ng pagsamba sa Lokal ng Taguig, Distrito Eklesiastiko ng Metro Manila South, noong ika-24 ng Enero 2020. Sa banal na pagtitipon ding ito, inordenahan ang 30 regular na manggagawa upang maging ministro ng ebanghelyo.
Nakasumpong ng malaking biyaya ang mga kapatid sa Lokal ng Taguig dahil dininig ng Diyos ang kanilang panalangin na sila ay madalaw ng Tagapamahalang Pangkalahatan ilang buwan bago nila ipagdiwang ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang lokal noong ika-15 ng Mayo.
Pagkatapos ng pagsamba, ipinahayag ni Kapatid na Armando na: “Kahit na ako ay matanda na at may karamdaman pa, lalo ko pang pahahalagahan ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Batay na rin sa aking karanasan, at sa laging ipinapaalaala ng Kapatid na Eduardo Manalo, kapag isinuko natin ang ating sarili sa Diyos at buong puso nating susundin ang Kaniyang kalooban, hinding-hindi Niya tayo pababayaan.”