Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Ang pagbabagong
inaasahan ng Diyos

BANAL NA HAPUNAN:
BAESA, QUEZON CITY, PHILIPPINES
PEBRERO 22, 2020

Sinulat nina SHAINA GIGANTE at DEMI MENDIOLA

KAPAG NAKARATING ANG TAO sa tamang pagkaunawa, siya ay nakapagpapasiyang ituwid ang mga naging pagkakamali niya noong una at baguhin ang kaniyang buhay tungo sa ikabubuti. Ganiyan ang mga umanib sa Iglesia Ni Cristo nang maliwanagan ng tunay na aral ng Diyos sa Biblia.

Isa rito si Kapatid na Emmanuel Virrey na dating debotong Katoliko. “Isa ako noon sa mga nang-uusig sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Binabatikos ko sila at sinasabihan ng mga hindi magagandang salita. Sinasabi ko sa kanila na mali ang sinasamba nila,” pag-alaala niya.

Napagtanto niyang mali ang ginawa niyang pagharap sa mga problema noong hindi pa siya kaanib ng Iglesia. “Madalas pumupunta ako sa mga kaibigan ko. Sa kanila ako nagkukuwento. Sa huli, hindi rin nasolusyunan ang problema ko, kundi mas naragdagan pa ang kasalanan ko,” sabi niya.

Ngunit dumating ang pagkakataong nabago ang buhay ni Kapatid na Emmanuel. “Mula noong maimbitahan akong dumalo sa pagsamba na isinasagawa sa loob ng Iglesia Ni Cristo, nagbago na ang pananaw ko sa buhay,” pahayag niya.

Dahil sa tinanggap niyang tunay na pananampalatayang Cristiano, iba na kaysa dati maging ang pananaw niya sa mga unos ng buhay. “Natutunan ko na dapat lumapit agad tayo sa Ama kapag may problema na dumating sa ating buhay,” pahayag niya. “Napansin ko na mula noong maging kaanib na ako ng Iglesia Ni Cristo, kapag may mga pagsubok, wala na akong pangamba, bagkus ay panatag ako kasi alam kong kasama ko ang Ama.”

Dama rin ni Kapatid na Jop Guttan, isang guro sa Pagsamba Ng Kabataan at maytungkulin sa Kapisanang Pansambahayan, ang pagkakaiba ng buhay niya ngayon kaysa noong hindi pa siya kaanib.  “Nang maging kaanib ako ng Iglesia Ni Cristo, lagi na akong taimtim na nananalangin sa Ama. Malaki ang ipinagbago ng buhay ko. Dama ko na ang pagtulong ng Ama para masolusyunan ang mga problema ko.”

Tulad nila, nauunawaan ng mga kaanib ng Iglesia ang kahalagahan ng tunay na pagbabago na inaasahan sa kanila ng Panginoong Diyos. “Mahalaga na maging kaanib ng tunay na Iglesia Ni Cristo, pero dapat ay lakipan ito ng gawa. Ang isa rito ay ang pagbabagong-buhay,” wika ni Kapatid na Jop.

Ang pagkakaroon ng tungkulin sa Iglesia ay mahalaga rin upang lalong maihandog ng mga kaanib ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos. Sa ngayon, si Kapatid na Emmanuel ay isa nang diakono at katiwala ng purok. “Noong tumanggap ako ng tungkulin, mas nailalaan ko ang panahon ko sa paglilingkod sa Ama. Ang tungkulin ay nagsisilbi ring bakod para malayo tayo sa paggawa ng kasalanan,” sabi niya.

Para maisagawa ang tunay na pagbabago, kailangan ang pagsisiyasat ng sarili—kung namamalagi sa pagsunod sa mga aral ng Diyos na itinuturo ng Pamamahala ng Iglesia. Mahalaga ito upang laging matiyak na karapat-dapat pa rin sila sa pagiging tunay na lingkod ng Diyos. “Bilang isang maytungkulin sa Iglesia Ni Cristo, sa tuwing matatapos ang sanlinggo, binubulay ko sa sarili ko kung nagampanan ko ba ang aking tungkulin, kung nakalugod ba sa Ama ang ginawa kong paglilingkod sa Kaniya, at kung may nagawa ba akong hindi naaayon sa kagustuhan Niya,” wika ni Kapatid na Emmanuel.

Sa ginagawang pagsisiyasat ay makikita ng isang lingkod ng Diyos kung naitutuwid ba niya ang kaniyang mga pagkakamali o kung nababago ba niya ang mga maling pag-uugali. “Lagi kong isinasagawa ang self-evaluation para makita ko ang mga pagbabago sa aking buhay. Sa pagiging maytungkulin naman ay araw-araw din ang self-evaluation ko, para malaman kung nakatutugon ako sa tungkulin,” paliwanag ni Kapatid na Jop.

Sa Banal na Hapunan na isinagawa sa Lokal ng Baesa, Distrito Eklesiastiko ng Quezon City noong Pebrero 22, 2020, ay itinuro ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang aral ng Biblia na bago tumanggap ng bahagi sa Banal na Hapunan ay dapat magawa ng isang tunay na Cristiano ang pagsiyasat sa sarili. Kapag ito aniya ay nagawa niya at nakabuo siya ng pasiya na magbabagong-buhay, tatanggap siya ng awa at biyaya ng Diyos sa ikapananatili niya sa Iglesia.

“Ito po ay malaking biyaya para sa akin, at nagpapasalamat ako at ang aking buong sambahayan dahil patuloy kaming nakatatanggap ng Banal na Hapunan. Dulot nito ay kapatawaran sa mga kasalanan at pagpapala,” wika ni Kapatid na Emmanuel.

Dahil sa mga biyayang dulot ng Banal na Hapunan sa mga tunay na lingkod ng Diyos, tulad ng kalakasang espirituwal at katatagan ng pananampalataya, maitataguyod nila hanggang sa wakas ang kanilang paglilingkod at mga pagsamba sa Kaniya.

Taglay ang matibay na inspirasyon at pananalig, ganito ang pahayag ni Kapatid na Emmanuel, “Ibayong kasiglahan at pagtatalaga ang iuukol ko sa aking tungkulin hanggang sa dulo ng aking buhay.”

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

The official website of Pasugo: God’s Message magazine of the Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ), contains religious articles, Church news, and photos