
MAHALAGA ANG PAGKAMAMAMAYAN sa isang bansa. Ito ay isang pribilehiyo na nagbibigay sa tao ng layang makapanirahan at makapanatili roon at tamasahin ang iba pang mga benepisyo na makatutulong sa kaniyang pamumuhay. Ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay tinuturuan at laging pinaaalalahanan na itaguyod ang pagiging mabubuting mamamayan saanmang bansa sila naroroon—igalang at sundin ang mga batas at patakarang ipinatutupad ng pamahalaan at tuparin ang mga pananagutang kaakibat ng kanilang pagkamamamayan. Gayunman, itinuturo ng Biblia na ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay may isa pang pagkamamamayan. Yayamang nakalaan sa kanila ang pagpasok sa Bayang Banal, taglay nila ang pagkamamamayan sa langit (Filip. 3:20). Ito ang higit nilang pinahahalagahan dahil sa walang kapantay na pribilehiyong dulot nito. Kaya, habang hinihintay nila ang takdang araw ng paninirahan nila sa Bayang Banal, bilang mga tunay na lingkod ng Diyos ay higit nilang pinagtatalagahan ang pagsunod sa mga utos Niya upang makapamalagi sila sa Iglesia.
Ito ang pinagsisikapan ni Kapatid na Arianne de Vera, mang-aawit mula sa Lokal ng Balintawak, Distrito Eklesiastiko ng CAMANAVA. “Ako ay isang nurse sa isang pribadong ospital sa Lungsod ng Maynila. Ngayong may pandemya, habang ang nakararami ay namamalagi sa kanilang tahanan, patuloy naman ako sa pagtupad ng aking sinumpaang pananagutan sa bansa bilang isang nurse,” sabi niya.
Ang dating walong oras na shift ni Kapatid na Arianne sa trabaho ay naging humigit-kumulang 12 oras na. Sa kabila nito, ang sabi niya, “Hindi ko pa rin pinababayaan ang mga pagsamba. Sa harap ng kasalukuyang sitwasyon, lalo kong pinahahalagahan ang mga gawain sa Iglesia, lalo na ang mga pagsamba sa Diyos.”
Ganito rin ang paninindigan ni Kapatid na Marvin Tobias, diakono mula sa Lokal ng Santiago City, Distrito Eklesiastiko ng Isabela South. Bagaman sinusunod niya ang mga patakaran ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya—tulad ng pananatili sa tahanan—hindi siya napahahadlang sa pagtupad ng kaniyang pananagutan sa Diyos. “Hindi ito nangangahulugan na titigil na kami sa pagsamba sa Panginoong Diyos. Kaya, sinusunod namin ang pasiya ng Pamamahala. Sa tahanan namin ginagawa ang mga pagsamba at pananalangin sa Diyos,” pagdiriin niya.
Bukod sa mga pagsamba, patuloy ring tinutupad ng mga kaanib ng Iglesia ang iba pa nilang pananagutan sa Panginoong Diyos. Pahayag ni Kapatid na Arlene Butalid, maytungkulin sa Lokal ng Guihulngan City, Distrito Eklesiastiko ng Negros del Norte, “Hindi rin kami nakalilimot na tumulong sa gawaing pagpapalaganap. Sa katunayan nga ay mayroon kaming mga Online Pasugo Drive na masaya naming isinasagawa dahil isang paraan iyon upang marami pang tao ang umanib sa Iglesia Ni Cristo at magtamo ng kaligtasan sa nalalapit na Araw ng Paghuhukom.”
Isinalaysay naman ni Kapatid na Arthur San Juanite, pangulong Buklod sa Lokal ng Dapa, Distrito Eklesiastiko ng Surigao del Norte, kung paano siya tumutulong sa gawaing pagpapalaganap sa kabila ng community quarantine: “Kahit hindi ako nakalalabas ng aming bahay ay nagagawa ko pa ring maipamahagi ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng social media at YouTube. Nagsi-share ako ng links ng ating mga programa sa telebisyon sa aking mga kakilala at mahal sa buhay.”
Namamalaging positibo ang pananaw sa buhay ng mga kaanib ng Iglesia sapagkat nasa Diyos ang kanilang tiwala. Ibinahagi ni Kapatid na Israel Macabali, pangulo ng Society of Communicators and Networkers (SCAN) International sa Lokal ng Siaton, Distrito Eklesiastiko ng Negros Oriental, kung paano sila namamalaging inspirado sa kabila ng sitwasyon ngayon; “Lagi kaming nagsasagawa ng Family Hour at mga pananalangin sa Diyos. Lagi rin kaming sumusubaybay sa ating mga programa sa telebisyon na nagbibigay-inspirasyon sa amin lalo na’t napapanood namin kung gaano namamalaging matatag ang mga kapatid sa harap ng nangyayari sa mundo.”
Ganito ang pananalig ng mga kaanib ng Iglesia dahil sa mga aral ng Diyos na patuloy na itinuturo sa kanila ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo. Sa pamamagitan ng mga ito’y naihahanda sila sa pagharap sa anumang sitwasyon.
Noong Hunyo 7, 2020, muling nagturo ng mga aral ng Diyos ang Kapatid na Eduardo Manalo sa isang pagsamba, na nasaksihan ng mga kapatid mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng live videostreaming. Mula sa Biblia, itinuro nila na ang mabibigat na pangyayari sa panahon ngayon, tulad ng mga kalamidad at pandemya, ay kahayagan na napakalapit na ng Araw ng Paghuhukom. Kaya, lalong dapat pagtalagahan ng tao ang pagsunod sa mga utos ng Diyos—lalo na ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo sapagkat sa mga kaanib nito nakalaan ang pagkamamamayan sa langit. Dagdag pa rito, ang mga kaanib ng Iglesia, bilang mga hinirang ng Diyos, ang makaaasa sa Kaniyang pagtulong at pagsaklolo sa buhay pa lamang na ito hangga’t namamalagi sila sa pagsunod sa Kaniyang mga kalooban at sa pagbibigay ng kaluguran sa Kaniya.
Nakararanas man ng mabibigat na suliranin, nananalig ang mga kaanib ng Iglesia na hindi sila pababayaan ng Diyos. Ipinahayag ni Kapatid na Igbert Dumpit, isa sa mga pangulong diakono sa Lokal ng Seoul, Distrito Eklesiastiko ng South Korea, “Taos-puso akong nagtitiwala na ang Diyos ang patuloy na magbibigay ng sigla sa akin at ng lunas sa hinaharap kong mga suliranin. Kaya, kahit may mga panganib sa panahon natin ngayon, magbibigay-lugod pa rin ako sa Diyos at patuloy na tutugon sa tawag ng tungkulin.”
Pinanghahawakan ng mga kaanib ng Iglesia ang mga pangako ng Diyos kaya namamalaging buhay ang kanilang pag-asa kahit sa gitna ng mga kapighatian. “Inspirasyon ko ang mga pangako ng Diyos na hindi Niya kailanman pababayaan ang bayan Niya sa mga huling araw,” pahayag ni Kapatid na Frank Marcis Caba, guro sa Pagsamba ng Kabataan sa Lokal ng Dapa, Distrito Eklesiastiko ng Surigao del Norte.
Ipinahayag naman ni Kapatid na Fermin Valdon, katiwala sa Jeju Group Worship Service (GWS), Distrito Eklesiastiko ng South Korea, “Ang amin pong paninindigan: hindi kami papayag na mawala sa amin ang aming kahalalan at ang pag-ibig ng ating Panginoong Diyos. Magtatapat kami at magpapasakop sa Pamamahala sa bawat sandali ng aming buhay. Maglilingkod kami sa ating Panginoong Diyos hanggang sa matapos namin ang aming takbuhin at makapanahan kami sa langit.”