Ang paninindigan
ng mga tao ng Diyos

PAGDALAW-PASTORAL NG TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN:
LIBTONG, BULACAN, PHILIPPINES
PEBRERO 28, 2020

Sinulat nina RHOMEL REVISA at ALENA MOLIT

ANG TATAG NG PANININDIGAN sa pagiging hinirang ng Diyos ay lalong nahahayag sa panahon ng pagsubok. Ito ang napatunayan na sa maraming kaanib ng Iglesia Ni Cristo, tulad nina kapatid na Cecille Sanchez at Girlie Casas na parehong mula sa lalawigan ng Bulacan, Pilipinas.

“Pitong taong gulang pa lang ako nang kaming limang magkakapatid ay naulila sa ina dahil sa isang aksidente. Ang pangyayaring iyon ay lubhang ikinalungkot ni tatay,” salaysay ni Kapatid na Cecille. “Sa kabila nito, sinikap pa rin niya na maitaguyod ang aming pang-araw-araw na pangangailangan at ang pag-aaral naming magkakapatid. Ipinagpatuloy ko pa rin ang buhay kahit wala na ang aking ina.”

Subalit, makalipas ang apat na taon, ang kanilang ama naman ang pumanaw dahil sa malubhang karamdaman. “Doble ang sakit na naramdaman ko nang namayapa na rin si tatay. Hindi namin alam kung papaano na kaming magkakapatid dahil lahat kami ay nag-aaral pa. Iniisip ko kung sino na ang magtataguyod sa amin,” paggunita ni Kapatid na Cecille. Masakit man sa kaniyang kalooban, kinailangang magkahiwa-hiwalay silang magkakapatid dahil magkakaibang kamag-anak ang kumupkop sa bawat isa sa kanila.

Ulila mang lubos, sa paglaki ay naging gabay ni Kapatid na Cecille ang mga aral ng Diyos, na unang natutuhan niya sa mga magulang at pagkatapos ay sa mga pagsamba. “Mang-aawit ako noon sa Pagsamba ng Kabataan (PNK). Sa murang edad ay natutuhan kong pahalagahan at tuparin ang aking tungkulin at panghawakan ang mga aral ng Diyos na itinuturo sa panahon ng mga pagsamba. Iyon ang naging lakas ko. Kaya, ipinagpatuloy ko pa rin ang paglilingkod sa Kaniya at hindi ako bumitiw sa kahalalan sa kabila ng napakasakit na mga pangyayari sa buhay ko,” paglalahad niya.

Matinding pag-uusig naman ang nasagupa ni Kapatid na Girlie Casas. “Pagkatapos ng maraming beses na pagdalo sa mga gawain at pagsasaliksik sa mga aral ng Diyos ay nagpasiya kaming mag-asawa na umanib sa Iglesia Ni Cristo, salaysay niya. Ngunit, hindi iyon naging magaan, lalo na para kay Kapatid na Girlie sapagkat siya ay dating lector sa Iglesia Katolika. “Akala ko noon ay magiging madali lang ang pagpasok sa Iglesia dahil kasabay ko ang aking asawa, pero hindi pala. Nakarinig kami ng masasakit na pananalita mula sa aming mga kaibigan, dating kasama, at kahit sa aming mga kamag-anak pa,” sabi niya.

Ang mga pag-uusig na naranasan ni Kapatid na Girlie at ng kaniyang asawa ang lalong nagpatibay sa kanilang determinasyon na ipagpatuloy ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Paglilinaw niya: “Naalala ko noon—sa panahon ng pagdudoktrina—na itinuro ang leksiyon tungkol sa kahalagahan ng pagtitiis sa mga pag-uusig. Ipinagpauna na sa amin na talagang mararanasan namin ang mga iyon at kahit pa ang mga mahal namin sa buhay ang umusig sa amin ay hindi kami dapat magpahadlang sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Lubos naming nauunawaan na dito lamang sa loob ng Iglesia maisasagawa ang tunay na paglilingkod. Narito rin ang aming kaligtasan.” Sa awa’t tulong ng Panginoong Diyos, nabautismuhan silang mag-asawa sa Iglesia noong 2016.

Ang matibay na paninindigan sa pananampalataya sa harap ng mga pag-uusig at masasakit na pangyayari sa buhay ang inaasahan ng Panginoong Diyos na makita sa Kaniyang mga hinirang. Ito ang isa sa mga itinuro ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, sa isinagawa nilang pagdalaw-pastoral noong Pebrero 28, 2020 sa Lokal ng Libtong, Distrito Eklesiastiko ng Bulacan South. Sa kanilang pagtuturo ng mga salita ng Diyos, binigyang-diin nila kung ano ang tamang reaksiyon kapag dumarating ang mga ligalig sa buhay.

Hindi tulad ng iba, na kapag sunud-sunod ang mabibigat na suliranin at masasakit na pangyayari ay labis na nababahala at hindi na malaman kung ano ang gagawin, ang mga tao ng Diyos ay natitiyak kung paano haharapin nang tama ang mga ito, palibhasa’y naturuan sila kung sino ang una nilang dapat lapitan. “Sa Panginoong Diyos lamang ako nanghahawak at naglalagak ng pag-asa sa pamamagitan ng pananalangin,” pahayag ni Kapatid na Cecille.

Sa tulong ng Diyos ay nakapagtapos siya ng pag-aaral at nakapagtayo ng sariling negosyo. Tumanggap din siya ng tungkulin sa loob ng Iglesia bilang kalihim sa kanilang lokal. Kasalukuyan ding masiglang maytungkulin sa kalihiman si Kapatid na Girlie at nahikayat din niya ang kaniyang sambahayan na umanib sa Iglesia Ni Cristo. Dumaraan man sa maraming pagsubok sa buhay, patuloy na sinisikap nina kapatid na Cecille at Girlie na tuparin ang kanilang mga pananagutan sa Panginoong Diyos.

Samantala, ang gayong paninindigan na hinahanap ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ay pinagsisikapan ni Kapatid na John Elimar Tullao na maisalin sa mga kabataang Iglesia Ni Cristo sa kanilang lokal. Upang maisagawa ito, sa bawat pagtupad niya bilang guro sa PNK ay hinihingi niya ang patnubay ng Panginoong Diyos. “Mahalagang taglayin ng mga kabataan ang matibay na pananampalataya at paninindigan sa kahalalan kahit sa kanilang kamusmusan sapagkat ito ang magiging pundasyon nila sa paglaki at patuloy na paglilingkod sa Panginoong Diyos,” sabi niya.

Katulad ng mga kapatid sa Lokal ng Libtong, na nagdiwang ng ika-88 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang lokal noong Abril 18, 2020, ang maraming kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay naninindigan na magpapatuloy sa mga paglilingkod sa Panginoong Diyos at itataguyod ang banal na kahalalan. Kailanma’t sila ay nagtitiwala sa Kaniyang magagawa, hindi sila papanawan ng pag-asa, panghihinaan ng loob, at labis na mababahala kapag may mga kabagabagan, bagkus ay lalong manghahawak sa kahalalan bilang mga hinirang ng Panginoong Diyos.