
ANG USIGIN DAHIL sa pananampalataya ay hindi maiiwasan ng mga tunay na Cristiano. Sa Biblia, ipinagpauna na ng Panginoong Jesucristo na mararanasan ito ng mga alagad Niya dahil sa Kaniyang pangalan o dahil sa kanilang pagiging kaanib sa Kaniyang Iglesia.
Bagaman nararanasan ng mga tunay na kaanib ng Iglesia ang pag-uusig, desidido pa rin silang magtiis at magsakit dahil sa paninindigan sa pananampalataya at pagsunod sa mga aral ng Diyos na itinuturo sa kanila sa mga pagsamba. Isang mabuting halimbawa nito ang mga naninirahan sa pamayanan ng Iglesia Ni Cristo sa Barangay Maligaya, Nueva Ecija, lalo na ang mga nakaranas ng pag-uusig sa isang hacienda sa Tarlac.
“Labing-anim na taong gulang pa lamang ako noon. Nagprotesta ang mga taga-unyon (samahan ng mga obrero) ng hacienda laban sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Kaya, hindi kami makapaghanapbuhay at nahirapan kaming magkaroon ng makakain araw-araw,” kuwento ni Kapatid na Rosalino Andaya, 74, pangulong diakono, isa sa mga kapatid na nagmula sa hacienda.
Labag sa aral ng Biblia na ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, bilang mga sangkap ng katawan ni Cristo, ay sumangkap pa sa iba (I Cor. 12:27; 6:15; Col. 1:18), tulad ng pagsapi sa mga organisasyong may mga patakarang sasalungat sa kanilang pananampalataya. Dahil sa paninindigan sa aral na ito, ayon kay Kapatid na Rosalino, inusig sila noon para pilitin silang umanib sa unyon. Kung sila ay tumanggi ay sinabihan silang umalis na lamang sa hacienda.
Kabilang din sa mga nakaranas ng pag-uusig doon sina Kapatid na Milagros Ingel, 79, at ang kaniyang asawa na si Kapatid na Ricardo, 80.
“Isang taon iyon. Kung magtitinda kami, ayaw bilhin ng mga tao sa hacienda ang itinitinda namin. Maging ang mga pananim namin, hinuhukay nila. Bukod doon, kinukutya pa nila kami,” sabi ni Kapatid na Milagros.
“Kapag alam nilang Iglesia ka, hindi ka rin nila pagbibilhan ng paninda nila. Kapag pupunta ka sa bayan at alam nilang Iglesia ka, hindi ka nila pasasakayin,” dagdag pa ni Kapatid na Ricardo.
Mahirap man ang kanilang naranasan, lalo silang nanghawak sa pananampalataya at nagtalaga sa kanilang mga pagsamba sa Diyos.
“Mayroon tayong tuntunin sa Iglesia na ang sinumang Iglesia Ni Cristo ay hindi dapat umanib sa unyon dahil labag iyon sa aral ng Diyos. Dahil doon, lalong nag-aklas ang mga unyonista sa hangarin nila na mapatalsik kami,” sabi ni Kapatid na Rosalino.
“Isa sa mga dahilan kaya nila kami inusig ay para sumali kami sa kanila. Pero hindi namin ginawa iyon,” sabi naman ni Kapatid na Milagros.
Dahil sa paninindigan sa aral Cristiano, nahayag sa mga kaanib ng Iglesia ang pagtulong ng Diyos. Salaysay pa ni Kapatid na Rosalino, “Nalaman ng mga kapatid sa iba’t ibang dibisyon (ngayon ay distrito) ang nangyayari sa amin sa hacienda. Bilang pagsunod sa aral ng Diyos hinggil sa pag-ibig sa kapatiran, agad silang tumulong. Dumating ang mga trak na may dalang bigas, pagkain, at iba pang pangangailangan. Maraming tulong ang dumating sa amin mula sa Pamamahala.”
Tunay na hindi pinabayaan ng Diyos ang mga kapatid noon sa hacienda. Salaysay pa ni Kapatid na Rosalino, “Humanap na pala ang Pamamahala ng dakong paglilipatan sa amin. Pinulong ang lahat ng kapatid sa hacienda. Tinanong kaming lahat kung handa naming iwan ang lahat sa hacienda para magkaroon kami ng mapayapang pamumuhay at malayang paglilingkod sa Diyos.”
Dahil sa nangyari, lalong tumatag ang pagtitiwala ng mga kapatid sa Panginoong Diyos at ang pakikiisa nila sa Pamamahalang inilagay Niya sa Iglesia. Ang sabi ni Kapatid na Milagros, “Hindi kami tumanggi nang magpasiya ang Pamamahala. Desidido kaming sumama kahit saan pa nila kami dalhin. Sabi nila, dadalhin kami sa Laur. Pumayag agad kami. Nagpasalamat kami sa Diyos. Nalampasan namin ang hirap dahil sa tulong at awa Niya.”
Noong Pebrero 22, 1965, ang mga kapatid sa hacienda sa Tarlac ay lumipat sa isang lupa sa Laur, Nueva Ecija na nabili ng Iglesia. Sa kasalukuyan, iyon ay nasasakop na ng Palayan City, Nueva Ecija. Ang dakong iyon ay tinawag na Barrio Maligaya, na hinango sa pangalan ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw—“Felix,” na sa wikang Latin ay nangangahulugang “maligaya.” Dahil doon, nabuo ang isang pamayanan ng Iglesia sa lugar na iyon at naitatag ang Lokal ng Maligaya (ngayon ay Maligaya I). Gunita pa ni Kapatid na Rosalino: “Iyon ay napakasayang sandali. Umaawit kami ng ‘Ako’y Iglesia Ni Cristo’ habang naglalakad kami palabas ng hacienda. Punung-puno ng kagalakan ang aming puso dahil lalayo na kami sa lugar kung saan nanggigipit ang mga tao sa aming ginagawang paglilingkod sa Diyos. Magiging malaya na kami. Iyon ang naghari sa amin. Naglakbay kami mula sa Tarlac hanggang dito, punung-puno ng kasiglahan.”
Pagkalipat sa Maligaya, patuloy na natanggap ng mga kapatid doon ang tulong at paggabay mula sa Pamamahala. Ipinagtayo sila ng iba’t ibang pasilidad na nakatutulong sa kanilang pamumuhay, at, higit sa lahat, ng malaki at magandang gusaling sambahan. Hanggang ngayon, buong pagmamalasakit silang ginagabayan ng Pamamahala, sa pangunguna ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo.
Noong Pebrero 19, 2020, nangasiwa ng pagsamba ang Kapatid na Eduardo Manalo sa Lokal ng Maligaya I, Distrito Eklesiastiko ng Cabanatuan City, Nueva Ecija. Sa banal na pagtitipong iyon, ginunita ang ika-55 anibersaryo ng lokal at ika-90 anibersaryo ng distrito.
Sa pagsambang iyon, itinuro ng Kapatid na Eduardo Manalo mula sa Biblia na ang mga kaanib ng Iglesia ay dapat na receptive o bukas-loob sa pagtanggap ng mga aral na itinuturo sa mga pagsamba, sa paraang pinakikinggan, inuunawa, at pinaninindigan nilang isabuhay ang mga ito. Sa gayon, malalampasan nila ang lahat ng uri ng pagsubok, magkakaroon sila ng lakas, at matatanggap nila ang tulong ng Panginoong Diyos.
Sa paglipat ng mga kapatid sa Maligaya, bagaman nakaranas pa rin sila ng suliranin sa buhay, lalo namang tumatag ang kanilang pag-asa na kapag patuloy nilang ibinuhay ang mga utos ng Diyos ay hindi Niya sila pababayaan. Iyon ay patuloy na nahayag sa kanila sa mga sumunod na taon ng pamumuhay nila sa Maligaya.
Pahayag ni Kapatid na Rosalino, “Ang lahat ng pagsubok na aming napagdaanan ay napagtagumpayan namin dahil ginawa namin ang inaasahan ng Diyos—ang pagpapanata sa lokal. Pati mga anak, laging kasama ng mga magulang. Kaya, laging puno ang kapilya.”
Sa kasalukuyan, namamalaging matatag sa pananampalataya ang mga kapatid sa Lokal ng Maligaya I. Ang kanilang mga karanasan ang humubog sa kanila na maging matitibay at masisiglang kaanib ng Iglesia Ni Cristo, dahil buong puso nilang tinanggap at sinunod ang mga aral ng Diyos.
Buong paninindigang sinabi ni Kapatid na Rosalino: “Hindi ako aalis sa Iglesia. Mamahalin ko ang Iglesia. Sa ibabaw ng lahat, mamahalin ko ang Panginoong Diyos na walang sawang nag-iingat sa akin. Mamahalin ko ang Panginoong Jesus. Gayundin, mamahalin ko ang Tagapamahalang Pangkalahatan.” Pahayag naman ni Kapatid na Milagros, “Susunod kami sa mga tuntunin sa Iglesia at sa mga utos ng Diyos.” Dagdag pa ni Kapatid na Ricardo, “Dito na kami aabutan ng kamatayan. Mananatili kami sa Iglesia.”