Aranguren, Capas, Tarlac

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Gawin kung ano ang mabuti
sa paningin ng Diyos

Gawin kung ano ang mabuti sa paningin ng Diyos

ORDENASYON AT PAGGUNITA SA ANIBERSARYO NG MGA LOKAL
TEMPLO CENTRAL, QUEZON CITY, PHILIPPINES
DISYEMBRE 26, 2020

SA HALOS BAWAT SITWASYON, gumagawa ng desisyon ang tao batay sa kung ano ang inaakala niyang mabuti o kaya ay kung ano ang sinasabi ng iba na mabuti. Ngunit, ano ba ang tunay na mabuti na dapat gawin ng tao?

Maliwanag sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ang mabuti na siyang dapat gawin ng tao ay ang mabuti sa paningin ng Diyos. Ito ay ang pagsunod sa Kaniyang mga utos at kalooban na nasusulat sa Biblia. Sumasampalataya sila na sa pamamagitan nito’y pagpapalain Niya sila sa buhay na ito at mananatili sila sa pag-asa sa pagtatamo ng kaligtasan sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo o sa Araw ng Paghuhukom. Ito ang dahilan kaya anuman ang kanilang sitwasyon, ipinagpapauna ng mga tunay na kaanib ng Iglesia kung ano ang nakapagbibigay-kasiyahan sa Panginoong Diyos.

Ito ang mensaheng binigyan-diin ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, sa pagsambang kanilang pinangasiwaan noong Disyembre 26, 2020 sa Lokal ng Templo Central, Distrito Eklesiastiko ng Central. Kasamang dumalo, sa pamamagitan ng livestreaming, ang 20 lokal na nagdiwang at magdiriwang ng kanilang milestone anniversaries. Sa okasyon ding iyon, inordenahan ng Namamahala ang 26 na regular na manggagawa upang maging mga ministro sa Iglesia.

Ang sumusunod ay ilan sa mga karanasang ibinahagi ng mga kapatid mula sa mga lokal na nagdiwang ng anibersaryo tungkol sa kung paano nila ipinagpauna ang paggawa ng mabuti sa paningin ng Diyos ayon sa natutuhan nila sa pagtuturo ng Pamamahala ng Kaniyang mga aral:


Sinulat ni Elvie Dimatulac

DALAWANG DAAN at apatnapung kilometro sa kabuuan ang halos araw-araw na binabagtas noon ni Kapatid na Godofredo Briones, taga-Capas, Tarlac, upang patuloy niyang magampanan ang kaniyang tungkulin sa kanilang lokal. Ito’y sa kabila ng pagsubok na naranasan ng kaniyang sambahayan. Taong 2003, nang siya’y 60 taong gulang na, nang matuklasan nilang may sakit sa puso ang kaniyang asawa.

Kinailangang dalhin ni Kapatid na Godofredo ang kaniyang maybahay sa Philippine Heart Center sa Quezon City, Metro Manila. Pahayag niya, “Malaking halaga ang kinailangan namin para sa operasyon sa puso ng aking asawa. Nagtulung-tulong na lamang kami ng aking mga anak. Lahat ay ginawa namin dahil nais naming makasama pa ang ina ng aming sambahayan.”

Sa kabila ng gayong sitwasyon ay hindi nahadlangan si Kapatid na Godofredo sa pagtupad ng kaniyang tungkulin. “Umuuwi ako mula sa ospital sa mga araw ng mga pagpupulong at pagtupad. Nagtataka ang iba dahil napakalayo pa ng aking pinanggagalingan ngunit di ako pumapalya sa pagtupad ng tungkulin,” pahayag niya.

Puyat, pagod, at pag-aalala ang noo’y madalas na nararanasan ni Kapatid na Godofredo sa bawat pagkakataong pansamantala niyang iniiwan ang kaniyang asawa sa pagamutan. Gayunman, iyon ay buong katatagan niyang tiniis. Ang kaniyang pag-asa: “Kapag sa Diyos tayo nagtiwala, hindi Niya tayo pababayaan lalo na kung isinasabuhay natin ang Kaniyang mga utos. Siya lamang ang makatutulong sa atin sa panahon ng mga pagsubok.”

Dininig ng Panginoong Diyos ang dalangin ni Kapatid na Godofredo at ng kaniyang pamilya. Nabuhay pa ng 12 taon ang kaniyang asawa na si Kapatid na Marina matapos itong maoperahan. Bukod doon, ang kanilang pamilya ay pinagpala rin ng Panginoong Diyos nang higit pa sa dati nilang kalagayan sa buhay.

Si Kapatid na Godofredo ngayon ay 77 taong gulang na at isang pangulong diakono sa Lokal ng Aranguren, Distrito Eklesiastiko ng Capas, Tarlac. Sa piling ng kaniyang tungkulin, masaya niyang inaakay ang kaniyang sambahayan sa masiglang paglilingkod sa Diyos, na tunay na nagdulot sa kanila ng ligaya at kapayapaan. Lahat ng kaniyang mga anak ay mga maytungkulin sa Iglesia. Ngayong maraming taon na ang lumipas sa buhay niya, namamalagi pa rin ang alab ng pananampalataya niya. Pangako niya, “Ako at ang aking buong angkan ay patuloy na maglilingkod sa Diyos at pasasakop sa Kaniyang Pamamahala.”

 


Sinulat ni Irish Gail Santiago

SI KAPATID NA GIBSON Campo ay isang maytungkulin sa Lokal ng Sabang, Distrito Eklesiastiko ng Cavite South.

“Bilang isang maytungkulin sa Iglesia, priority ko ang pagtupad ng aking tungkulin. Ipinagpapauna ko iyon at lagi kong panalangin sa Panginoong Diyos na patnubayan Niya ako at loobin Niyang walang maging hadlang sa aking pagtupad,” pahayag niya. “Nagpapapalit ako ng schedule sa trabaho—nagpapalipat ng shift—upang lagi kong magampanan ang mga tungkulin ko sa Iglesia.”

Kaugnay ng ganitong sitwasyon, dumating ang pagkakataong nasubok ang pananampalataya ni Kapatid na Gibson. Pahayag niya, “Tinanong ako ng isa sa mga nakatataas sa akin sa trabaho kung bakit daw ako naglalaan ng malaking oras sa Iglesia. Pinapili niya ako kung alin sa akin ang higit na mahalaga—trabaho ba raw o Iglesia. Pinili ko ang Iglesia.”

Mula noon, ani Kapatid na Gibson, tila hinahadlangan na siya sa bawat pagkakataong siya ay sasamba. Kapag pupunta na siya sa pagsamba, inaatasan siyang mag-overtime sa trabaho bagaman natapos na niya ang mga pananagutan niya para sa araw na iyon. Ang ginagawa niya’y nakikiusap na lamang nang maayos na hindi muna mag-overtime upang makadalo ng pagsamba. Ngunit, dumating ang pagkakataong sinabihan siya ng nakatataas sa kaniya na, ‘Sige, pero huling araw mo na ito sa trabaho’.”

Sa tagpong iyon, nalungkot nang husto si Kapatid na Gibson sapagkat mawawalan siya ng panustos sa pang-araw-araw niyang pangangailangan. Gayunman, ang sabi niya, “Higit na nakalulungkot kung di ako makatutupad, kung di ako makasasamba.” Pinili niya ang pagdalo sa pagsamba.

Ayon sa kaniya, noong araw na iyon, inihibik na lamang niya sa Panginoong Diyos ang lahat ng kaniyang mga alalahanin. “Nanalangin ako. Lahat ay sinabi ko sa Diyos sapagkat bigat na bigat na ako,” sabi niya.

Hindi naman siya binigo ng Panginoong Diyos. Isinalaysay ni Kapatid na Gibson na, “Sa sumunod na araw, pumasok ako upang kunin na ang mga gamit ko sa trabaho. Sa pagpasok ko, may nakasabay ako na may kapansanan na papasok din noon sa gusali ng kumpanya. Inalalayan ko siya. Pagkatapos noon, nagpakilala siya sa akin. Hindi ko inaasahan, siya pala ang may-ari ng kumpanyang aking pinapasukan.”

Sa halip na maalis, “Natuwa ang may-ari ng kumpanya. Ginawa niya akong regular sa aking trabaho,” pahayag ni Kapatid na Gibson. “Sumasampalataya akong tulong iyon ng Panginoong Diyos. Lalo po akong naging matibay sa pananampalataya.”

Sa kasalukuyan, si Kapatid na Gibson ang pangulo ng kapisanang KADIWA at kalihim sa Ilaw ng Kaligtasan sa kanilang lokal. Ang pagsubok na kaniyang naranasan ay nagpatibay sa kaniyang pananalig na hindi isang kalugihan ang magtanggi ng sarili at magsakripisyo alang-alang sa pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos. Ang paninindigan ni Kapatid na Gibson: “Anuman ang mangyari, mamamalagi akong nagtitiwala at sumusunod sa Panginoong Diyos. Tutulong ako sa lahat ng aktibidad ng Iglesia.”

 


Sinulat ni Junabelle Manaoat

PAWANG IKABUBUTI NG ANAK ang tanging hangad ng isang magulang. Gagawin niya ang buo niyang makakaya, mamuhunan man siya ng hirap, pagod, at maging ng buhay, matiyak lamang na ang kaniyang anak ay magkaroon ng isang maayos at masayang kinabukasan. Gaano katinding sakit at pag-aalala ang mararamdaman ng isang magulang kung biglang makaranas ng isang trahedya ang kaniyang anak?

Gayon ang naramdaman ni Kapatid na Tony Olipas, isang mang-aawit, at ng kaniyang maybahay noong taong 2001. Paglalahad niya, “Panahon iyon ng aking pagtupad. Nasa koro ako nang magawi ang aking paningin sa aking asawa na nasa kapulungan. Nakita kong balisang-balisa at umiiyak [siya]. Ang lakas ng kutob ko na may nangyaring masama sa aming anak.”

Bagaman nag-alala si Kapatid na Tony sa pagkakataong iyon, tiniyak niyang maitalaga pa rin ang sarili sa kaniyang ginagawang pagtupad. “Anuman ang mangyari, talagang tutupad pa rin ako ng tungkulin. Tuluy-tuloy lang sa pagtupad,” pahayag niya. “Sinabi ko na lang sa sarili ko na anuman ang nangyari, tutulungan kami ng Panginoong Diyos.”

Nang matapos ang pagsamba, sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa na nabundol ng sasakyan ang kanilang anak na si Kapatid na Mary Ann, 19 taong gulang noon. Agad pumunta ang mag-asawa sa isang ospital sa Urdaneta City na kinaroroonan ng kanilang anak. Pahayag ni Kapatid na Tony, “Hindi namin alam noon kung buhay pa ba ang anak namin.” Kaya naman, inihanda na lamang nila ang kanilang damdamin sa maaaring mangyari. Gayunman, namalagi silang umaasa sa tulong ng Diyos. Pahayag ni Kapatid na Tony, “Nanalangin kami nang taimtim sa Panginoong Diyos.”

Sa tulong at awa ng Diyos, buhay si Kapatid na Mary Ann. Bagaman nasugatan at halos maputulan ng paa, wala na siya sa bingit ng kamatayan nang madatnan nila. Ang pananampalataya ni Kapatid na Tony: “Pag-ibig iyon ng Panginoong Diyos. Himala iyon. Talagang Siya lamang ang may gawa noon.” Pagkalipas ng ilang panahon, nakalakad na nang maayos si Kapatid na Mary Ann.

Sa kasalukuyan, si Kapatid na Tony ay 72 taong gulang na at humigit-kumulang 60 taon na sa kaniyang tungkulin bilang mang-aawit sa Lokal ng Tayug, Distrito Eklesiastiko ng Sto. Tomas, Pangasinan. Ang kaniyang buong pamilya ay mga maytungkulin sa Iglesia at nakapagpapatuloy sa masiglang paglilingkod sa Diyos. Handa nilang harapin anumang pagsubok pa ang dumating sa kanilang buhay sapagkat ang kanilang pananalig. “Kahit na ano ang mangyari, makapagtatagumpay tayo kapag kasama natin ang Panginoong Diyos. Magtiwala tayo sa Kaniya at gawin ang mabuti na inaasahan Niya sa atin,” pahayag ni Kapatid na Tony.


Sinulat ni Krizza Myka Malaza

KALIGAYAHAN SA BUHAY ni Kapatid na Girlie Malaza ang pagtupad ng kaniyang tungkulin, lalo na sa panahon ng mga pagsamba. Ayon sa kaniya, napakahalaga ng kaniyang tungkulin na anupa’t kailanman ay hindi niya ito pababayaan.

Mula sa kaniyang kabataan ay iminulat na siya ng kaniyang mga magulang sa pagtatalaga sa pagtupad ng kaniyang mga pananagutan sa Diyos. “Sinanay ako ng aking mga magulang na maglaan ng panahon at magsakripisyo alang-alang sa tungkulin. Sila ay diakono at diakonesa sa Iglesia,” wika niya. Siya naman ay isang organista noon.

Malayo man ang gusaling sambahan sa kanilang tahanan, subalit pinagtatalagahan pa rin nila ang pagtupad ng kanilang mga pananagutan bunsod ng kanilang pananampalataya. “Sinisikap pa rin naming makapunta sa kapilya. Noong kami ay bata pa, alas-tres pa lang ng madaling araw ay gumagayak na kami at naghahanda ng sulo. Iyon ang nagbibigay sa amin ng liwanag sa limang kilometrong madilim na daang nilalakad namin patungo sa kapilya,” pahayag niya.

Ayon kay Kapatid na Girlie, payapa ang kaniyang damdamin sa tuwing siya ay nasa pagsamba. Dahil dito, mahirap man ang kalagayan ng kanilang buhay, taglay pa rin nila ang ligaya at pagiging kuntento. Nang siya’y magkaroon ng sariling pamilya, sa pagtupad rin ng tungkulin iminulat niya ang kaniyang mga anak.

Panatag man ang kanilang buhay, gayunman, nauunawaan niyang makararanas pa rin sila ng malulungkot na pangyayari. Ang kaniyang mga magulang ay kapuwa pumanaw noong taong 2015 dahil sa karamdaman. Ang kanilang pagkawala ay labis na nagdulot sa kaniya ng kalungkutan. Nakapagdagdag pa sa kaniyang lungkot ang kasunod niyang naranasan sa taon ding iyon: “Ako ay na-stroke,” pahayag niya.

Siya ay 54 taong gulang noon, at halos hindi makalakad dahil sa naging karamdaman. Ngunit sa kabila nito, hindi siya pinanghinaan ng loob. “Ang totoo, dahil sa mga pagsubok, lalo akong tumatag at tumibay.”

Sa halip na sumuko, lalong nanghawak si Kapatid na Girlie sa magagawa ng Panginoong Diyos. Pahayag niya, “Inilapit ko sa Ama na sana ay patuloy Niya kaming ingatan at tulungan upang patuloy kaming makatupad ng tungkulin. Lalo akong sumampalataya sa bisa ng pananalangin sa Kaniya.”

Sa awa at tulong ng Panginoong Diyos, makalipas ang isang taon mula nang siya ay ma-stroke, bumalik ang dating lusog ng kaniyang pangangatawan. Ngayon, isa na siyang diakonesa at maytungkulin sa pananalapi sa Lokal ng Bad-as, Distrito Eklesiastiko ng Surigao del Norte.

Sa kabila ng mabibigat na karanasan sa buhay, ganito ang namamalaging paninindigan niya bilang isang maytungkulin sa Iglesia: “Kailanman ay hinding-hindi ko bibitiwan ang aking tungkulin at ang aking kahalalan. Nangangako kami ng aking sambahayan na patuloy kaming maglilingkod sa Diyos makaranas man kami ng mga pagsubok. Lagi naming gagawin kung ano ang mabuti sa Kaniyang paningin.”


Sinulat ni Rochelle Dalanangbayan

MALAYO ANG GUSALING SAMBAHAN mula sa tahanan nina Kapatid na Joan Arceño at walang masasakyan sa kanilang lugar, kaya naglalakad lamang siya patungo roon. Masukal at mabato ang daan, at bukod dito, ang sabi niya, “Kinakailangan ko pang lumusong sa isang ilog upang makarating sa gusaling sambahan.” Si Kapatid na Joan ay isang mang-aawit sa Lokal ng Carabalan, Distrito Eklesiastiko ng Kabankalan City, Negros Occidental.

Ayon sa kaniya, may mga pagkakataong tumataas ang tubig sa ilog na kaniyang tinatawid, lalo na kung may malakas na bagyo. Gayunman, hindi kailanman sumagi sa isip niya na huwag nang tumuloy sa pagpunta sa gusaling sambahan sa tuwing may mga pagsamba. Pahayag niya, “Mahal ko ang aking tungkulin.”

Sa tuwing umaawit siya ng mga awit ng pagpupuri sa Panginoon sa panahon ng pagsamba, nakadarama siya ng kaligayahan at lalong tumitibay ang kaniyang pananalig sa Diyos. Kaya, hindi niya kailanman tatalikuran ang sinumpaan niyang tungkulin. Ang kaniyang pinanghahawakan sa harap ng mga kahadlangan ay ang magagawa ng Diyos sa kaniyang buhay, kaya hindi siya bumibitiw sa pananalangin: “Panata. Iyan ang aking ginagawa upang mapagtagumpayan ang mga hadlang,” pahayag niya.

Hindi siya nabibigo sa kaniyang mga pananalangin sapagkat nararanasan niya sa kaniyang buhay ang pagtulong ng Diyos. “Delikado ang dinadaanan ko patungo sa kapilya, lalo na kapag bumabagyo. May pagkakataon pang muntik na akong maanod ng tubig sa ilog na tinatawid ko. Ngunit, sa tulong at awa ng Diyos, hindi ako napapahamak. Nakatatawid akong ligtas,” pagsalaysay ni Kapatid na Joan.

Ayon pa rin sa kaniya, patuloy niyang nararanasan ang pagliligtas ng Diyos sa lahat ng pagkakataon. Kaya naman buo ang kaniyang loob na mamalagi sa pagtupad ng kaniyang tungkulin at hindi niya iiwan ang Iglesia.

Pahayag niya, “Hindi ako titigil sa paglilingkod. Iiwanan ko kahit pa ang aking trabaho kung ito’y hahadlang sa aking pagtupad. Kahit malayo sa kapilya ang aming tahanan, kahit mainit, kahit maulan, at kahit datnan pa ako ng bagyo sa ilog na aking dinaraanan ay lalakad pa rin ako patungo sa kapilya upang makatupad ng tungkulin hanggang sa wakas upang makatiyak ako ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.”

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

The official website of Pasugo: God’s Message magazine of the Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ), contains religious articles, Church news, and photos