Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Huwag ikompromiso ang paglilingkod sa Diyos

Pastoral Visit of the Executive Minister: Veterans Village I, Quezon City, Philippines
December 6, 2019
By Hillary Joyce Dionisio and Angela Arce

LALONG BUMIBIGAT ang pagdadala ng buhay ngayon bunga ng pagdami at paglubha ng mga suliraning panlipunan. Isa na rito ang pagkasugapa ng maraming kabataan sa iba’t ibang bisyo—paglalasing (sa alak o sa ipinagbabawal na gamot), pagsusugal, gaming, at iba pa.

Bagaman lantad sa mga ito maging ang mga kabataang Iglesia Ni Cristo, inaasahan ng Diyos na gagawin nila ang tama. Kaya, sinisikap ni Kapatid na Hazel Acala, 21, isang mang-aawit, na ang lakad ng kaniyang buhay ay naaayon sa kalooban ng Diyos at maging huwaran sa iba. “Walo sa mga kaklase ko ang naanyayahan ko nang makinig sa mga aral ng Diyos na itinuturo sa Iglesia Ni Cristo,” pahayag niya.

Ang ginagawang ito ni Kapatid na Hazel sa layuning makilala rin ng iba ang tunay na Diyos at magtaglay rin sila ng tunay na pananampalataya ay hindi isang maliit na bagay. Hindi birong sumalungat sa agos sa halip na magpatianod na lamang sa anumang nauuso ngayon kahit masama. Upang huwag itakwil ng barkada o mga kaibigan, marami ang napahihikayat na gawin ang ginagawa ng marami—gaya ng bisyo at kalayawan na kinasasadlakan ng maraming kabataan. Ngunit hindi gayon ang ginawa ni Kapatid na Hazel.

Dagdag pa roon ang katotohanang mayroon pa siyang iba pang mga pagsubok na hinarap—sinikap niyang maipasa ang kaniyang mga aralin sa paaralan habang binabata ang hirap at lungkot na dulot ng sunud-sunod na pagkakaroon ng mabibigat na karamdaman ng kaniyang mga mahal sa buhay. “Dumarating sa buhay natin ang mga pagsubok na halos hindi na natin alam kung kakayanin natin. Noon ay sunud-sunod na pagkakataong kinailangan naming isugod sa pagamutan si nanay. Mismong unang buwan naman ng 2019 ay nagkasakit ang bunsong kapatid namin ng psoriatic arthritis [isang uri ng arthritis na nakaaapekto sa mga taong may psoriasis—isang sakit sa balat na nagiging sanhi ng pamamaga at pagkakaliskis nito]. Halos hindi siya makabangon. Hindi siya makatupad bilang organista sa pagsamba sa loob ng ilang buwan. Kasabay noon, kinailangan namang putulan ulit ng paa si tatay. Ang mga iyon ay nagdulot ng kalungkutan sa buong sambahayan namin,” pahayag niya.

Isa rin sa nagpapabigat sa pagdadala ng buhay ay ang matinding hapis na dulot ng mga kasawian. Ibinahagi ni Kapatid na Ashley Nival, 31, isang diakonesa, ang pangyayaring para sa kaniya ay ang pinakamasakit na pinagdaanan niya sa buhay. Pahayag niya, “Noong namatay si lola, akala ko iyon na ang pinakamasakit na puwedeng mangyari sa akin. Pero noong namatay si nanay, mas masakit palang mamatayan ng ina.”

Hindi naging madali para kay Kapatid na Ashley na umusad mula sa kaniyang naranasan dahil siya’y malapit na malapit sa kaniyang nanay. Pahayag niya, “Nawalan ako ng isa sa mga pangunahing karamay ko sa buhay.” Dahil doon, siya na ang naging pangunahing responsable sa pag-aalaga at pagsuporta sa kaniyang ama, na nasa katandaan na, at sa kaniyang nakababatang kapatid. “Kahit na may sarili na akong sambahayan, alam kong [namamalaging ako’y] anak ng magulang ko kaya’t hindi ko sila kayang bitiwan kahit mahirapan ako,” sabi niya.

Mabigat na dalahin din ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman na nagiging hadlang sa pagsasakatuparan ng mga hangarin sa buhay. Inilahad ni Kapatid na Alicia Siman, 65, isang diakonesa, ang kaniyang naging problema sa kaniyang kalusugan. “Na-mild stroke ako. Sobrang lungkot ko na hindi ako nakatutupad ng tungkulin ko,” pahayag niya.

Magkakaiba man sila ng karanasan, ngunit ang mga ito ay pare-parehong mahirap. Maaaring para sa iba ay sapat nang dahilan iyon upang bumaling sila sa mga bisyo at kalayawan—na iniisip nilang magdudulot sa kanila ng panandaliang saya—o kaya ay tuluyan nang sumuko sa buhay. Ngunit, para sa mga kaanib ng Iglesia, ang mabibigat na sitwasyon ay dahilan para lalo silang magpakatatag, hindi lamang para sa kani-kanilang sambahayan, kundi higit sa lahat para sa patuloy nilang paglilingkod sa Panginoong Diyos.

Sa ginawang pagtuturo ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan, sa pagsambang pinangasiwaan nila sa Lokal ng Veterans Village I noong Disyembre 6, 2019, ipinaunawa nila sa mga kaanib ng Iglesia na ang mga pangyayari sa kasalukuyan—pagtindi ng kasamaan at paglaganap ng kahirapan, kaguluhan, karamdaman, kagutom, at kalamidad—ay lalong magpapabigat sa pagdadala nila ng buhay bilang mga Cristiano. Gayunman, hindi nila dapat ikompromiso ang kanilang mga paglilingkod sa Diyos. Dapat, anila, ay nananatiling priyoridad nila ang paglilingkod sa Diyos at ang pagiging kaanib ng Iglesia Ni Cristo upang makaasa sila sa Kaniyang tulong at pagliligtas.

Ganito ang naging pasiya ni Kapatid na Hazel at ng mga kapatid niya: bagaman silang magkakapatid ay kailangan ng tatay nila sa araw ng kaniyang operasyon, ipinagpauna nila ang para sa Diyos. Pahayag ni Kapatid na Hazel, “Noong araw na iyon ay kailangan naming tumupad ng tungkulin na siyang higit na pinili naming gawin. Ganoon kahalaga sa amin ang pagtupad. Kapag tumutupad kasi ng tungkulin, ang lungkot at hirap na nararamdaman natin ay naiibsan. Gumagaan ang lahat—kahit patung-patong o sapin-sapin pa ang mga pagsubok.”

Sa awa at tulong ng Panginoong Diyos, ngayon ay magaling na ang ina ni Kapatid na Hazel. Magaling na rin ang kaniyang bunsong kapatid at masigla na muling nakatutupad ng tungkulin bilang organista. Naging maayos din ang operasyon ng kaniyang ama.

Ang sabi naman ni Kapatid na Ashley, “Lahat ng negatibo ay ipinipihit ng Diyos para maging positibo. Hanapin mo lang ang kaligayahan mo sa pagtupad ng pananagutan sa Diyos. Unahin mo Siya kaysa sarili mo at sasagutin Niya agad ang panalangin mo—higit pa sa hiniling mo.” Sa tulong ng Diyos, siya ay patuloy na nakatutupad ng kaniyang mga tungkulin sa Kaniya, kasama ng kaniyang buong pamilya.

“Nasanay na akong tumupad sa pagsamba, kaya gustung-gusto ko nang gumaling agad. Hiling ko sa Diyos na ibalik ang lakas ko para matupad ko ang sinumpaan kong tungkulin sa Kaniya. Ang Ama ang mahusay sa lahat. Habang ako ay nabubuhay, magpapatuloy ako sa pagsamba. At kung ako naman ay makabalik na sa pagtupad, lalo akong magpapatuloy. Walang makahahadlang sa pagsunod ko, at sa paglilingkod ko sa Diyos,” pahayag naman ni Kapatid na Alicia. Sa ngayon ay unti-unti nang bumubuti ang kalagayan niya.

Tupad na tupad sa buhay ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang mga pangako ng Diyos. Sa pamamalagi nila sa masiglang paglilingkod sa Kaniya, hindi Niya sila pinababayaan gaano man kabigat ang kanilang dalahin sa buhay. Dahil dito, anuman ang mangyari pa sa kanilang buhay, desidido ang mga tunay na kaanib ng Iglesia na hindi nila ikokompromiso ang paglilingkod sa Diyos.

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Terms and Privacy Policy

We process and collect personal data based on our Terms and Privacy Policy to improve and analyze our service.