Cauayan City, Isabela

Kahayagan ng dakilang
kapangyarihan ng Diyos

ORDENASYON, PAGHAHANDOG NG BAGONG GUSALING SAMBAHAN
PAGGUNITA SA ANIBERSARYO NG MGA LOKAL AT MGA DISTRITO
TEMPLO CENTRAL, QUEZON CITY, PHILIPPINES
MAYO 15, 2021

SA KABILA ng lumulubhang kalagayan ng daigdig, itinataguyod ng Iglesia Ni Cristo ang lahat ng gawain nito. Patuloy ang mga pagsamba sa Diyos, ang pagpapalaganap ng dalisay na ebanghelyo, pangangalaga sa mga kaanib, pag-oordena ng mga ministro, at pagpapatayo ng mga gusaling sambahan.

Muling nahayag ang mga tagumpay ng Iglesia sa mga gawaing ito sa pagsambang pinangasiwaan ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan, noong ika-15 ng Mayo 2021 sa Templo Central, sa Lungsod Quezon, Pilipinas. Sa pagsambang ito, 16 na regular na manggagawa (regular ministerial worker) ang tumanggap ng pagpapatong ng kamay ng Namamahala upang maging ganap na mga ministro ng ebanghelyo. Itinalaga sa Panginoong Diyos ang gusaling sambahan ng Lokal ng Cauayan City sa Distrito ng Isabela East na sinaksihan ng mga kapatid doon sa pamamagitan ng livestreaming. Kasama rin sa pagtitipon, sa pamamagitan din ng livestreaming, ang mga kapatid mula sa mga lokal na nagdaos ng kanilang milestone anniversaries, kabilang ang Lokal ng Tiaong sa Distrito Eklesiastiko ng Bulacan South na sumapit sa ika-105 anibersaryo nito. Ilan lamang ito sa mga tagumpay ng Iglesia na iginawad ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang kamangha-manghang kapangyarihan at kahayagan ng Kaniyang pag-ibig sa Kaniyang bayan sa mga huling araw na ito.

Mangyari pa, hindi lamang ang kabuuan ng Iglesia Ni Cristo ang nakararanas ng pagmamahal at pakikisama ng Diyos. Nararanasan din ng mga indibidwal na kaanib ng Iglesia sa kanilang buhay ang Kaniyang pagkukupkop at pag-iingat na kahayagan ng Kaniyang pag-ibig at kapangyarihan.

Ang pagsambang pinangasiwaan ng Tagapamahalang Pangkalahatan ay sinaksihan ng mga kapatid sa
Distrito Eklesiastiko ng Urdaneta City, Pangasinan sa pamamagitan ng livestreaming bilang paggunita sa
kanilang ika-50 anibersaryo.

Cauayan City, Isabela
Sinulat ni Precious Del Valle

“Nagmula ako sa pamilyang talagang napakahirap ang buhay. Anim kaming magkakapatid. Dumating pa ang pagkakataon na sa murang edad ay kinailangan naming magkakapatid na tumulong sa aming mga magulang sa paghahanapbuhay upang maitawid ang aming pang-araw-araw na pamumuhay,” pahayag ni Kapatid na Nelia Mabuti.

Mahirap man ang buhay nila noon ngunit hindi ito naging hadlang sa matibay na panghahawak nila sa kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo at mga sinumpaang tungkulin. Dagdag pa niya, “Ang tatay ko ay pangulong diakono at ang nanay ko ay diakonesa. Salat man kami sa materyal na pangangailangan, ngunit pinalaki nila kami sa pananampalataya. Kahit naglalakad kami noon nang malayo, dahil wala kaming pamasahe, makarating lang sa gusaling sambahan ng lokal na kinatatalaan, ay ginagawa namin upang makadalo sa pagsamba at makatupad ng aming mga tungkulin.”

Sa tulong ng Diyos, payapa nilang naitawid ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Subalit naging mahirap para sa kanilang mga magulang na matustusan nang sabay-sabay ang pag-aaral nilang magkakapatid. Ayon kay Kapatid na Nelia, “Honor students kaming lahat na magkakapatid. Ngunit noong kami ay sabay-sabay nang nag-aaral, kinailangang magsakripisyo ang iba sa amin.” Napagpasiyahang pagtulung-tulungan ng kaniyang mga magulang at nakatatandang kapatid ang pang-araw-araw na gugulin sa pag-aaral ni Kapatid na Nelia sa kolehiyo.

Abala man sa mga pang-araw-araw na gawain ngunit mas pinagtalagahan ni Kapatid na Nelia ang higit na mahalaga—ang pagtupad ng kaniyang mga pananagutan sa Diyos. Pahayag niya, “Pagod man sa maghapon, hindi ako pumapayag na hindi ko matupad ang aking mga tungkulin. Kapag oras na ng pagtupad ng tungkulin at pagsamba, pakiramdam ko ay bumabalik ang lakas na nawala sa akin. At sa loob ng gusaling sambahan ay tunay na nararamdaman ko ang kapayapaan at kapanatagan ng loob.” Si Kapatid na Nelia ay mang-aawit at maytungkulin sa pananalapi sa Lokal ng Cauayan City, Distrito Eklesiastiko ng Isabela East.

Sa awa at tulong ng Diyos ay nagtagumpay si Kapatid na Nelia sa kaniyang pag-aaral at sa piniling karera, anupa’t di nagtagal ay nakatulong na siya sa pamilya. Mula sa pagiging guro sa pampublikong paaralan, siya ay naging Master Teacher, naging Principal, naging Education Program Supervisor, at ngayon ay tumatayong Assistant Schools Division Superintendent sa Schools Division of the City of Ilagan sa probinsya ng Isabela.

Ang nakamit na tagumpay sa buhay ay hindi inangkin ni Kapatid na Nelia na nagawa niya sa ganang kaniyang sarili lamang. Kinikilala niyang ito’y kaloob ng Diyos—nagbunga ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa magagawa ng Diyos at sa aktibong pagtupad ng kaniyang tungkulin sa Kaniya. “Lahat ng ito ay biyayang galing sa Diyos. Nakamit ko ito sa pamamagitan ng tulong Niya,” kumbiksiyon ni Kapatid na Nelia.

Ang magagawa ng Diyos din ang pinanghawakan ni Kapatid na Oliver Francisco, isang pangulong diakono sa Lokal ng Cauayan City, noong malagay sa alanganin ang buhay niya at ng kaniyang pamilya. Ayon sa kaniya, “Naaalaala ko ang pagkakataon na halos kumitil sa aming buhay. Lumubog ang bangka na aming sinasakyan noon.” Ito ay nang sila ay tumupad ng tungkulin sa isang lokal na nasa tawid-dagat. Subalit dahil sa sama ng panahon ay nangyari ang sakuna.

Bilang tao, nakaramdam ng pangamba si Kapatid na Oliver at ang kaniyang sambahayan. Subalit, bilang kaanib at maytungkulin sa Iglesia na hindi napahahadlang alang-alang sa tawag ng tungkulin, ang sabi niya, “Nakasasagupa man tayo ng mga pagsubok sa buhay ay hindi tayo napadadaig sa mga ito. Ang Diyos ang nagligtas sa aming buhay.”

Ang ganitong mga tagpo sa buhay ng mga kaanib ng Iglesia ay lalong nagpapatatag ng kanilang pananampalataya at ng panghahawak nila sa magagawa ng Diyos sa kanilang buhay. “Kung dumanas man tayo ng mga pagsubok, mayroon tayong Diyos na nakahandang sumaklolo at tumulong upang huwag mapinsala ang ating buhay,” pahayag ni Kapatid na Oliver. “Ipagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan at puprotektahan Niya tayo upang tayo ay makapagpatuloy. Ang kailangan lang ay mamalagi tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin anuman ang dumating na hadlang.”

Lalong nagtumibay sa puso ni Kapatid na Oliver ang kahalagahan ng pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin. Nananalig siya na sa pamamagitan ng mga pananalangin sa Diyos ay “naipahahayag [natin] sa Kaniya ang ating damdamin,” “nasasabi natin kung ano ang ating mga suliranin,” at “naihahabilin [natin] sa Kaniya ang ating mga sarili.”

Bagaman nakasasagupa ng iba’t ibang pagsubok at suliranin ang mga tunay na kaanib ng Iglesia, hindi sila manlalamig sa pagtupad ng kanilang mga pananagutan sa Diyos—na pinananaligan nilang kaloob Niya dahil sa Kaniyang pag-ibig. Pangako ni Kapatid na Oliver, “Anuman ang mangyari, ipagpapauna ko ang pagtupad ng tungkulin. Ano pa man ang aking maranasan sa mundo ay hindi ko bibitiwan ang aking tungkulin.”


Tiaong, Bulacan
Sinulat nina Erika Jane Garcia at Jennifer Sulit

Tulad ng sa maraming tao, matindi ang naging epekto ng pandemya sa sambahayan ni Kapatid na Rica Garcia, isang diakonesa sa Lokal ng Tiaong sa Distrito Eklesiastiko ng Bulacan South. Pahayag niya, “Tatlo sa apat naming anak ang nawalan halos ng kabuhayan. Maging ang maliit naming tindahan ay halos walang naibebenta.”

Nang lumuwag ang quarantine restrictions ay nakabalik sa kanilang hanapbuhay ang kaniyang mga anak. Gayunman, hindi pa roon natapos ang pagsubok sa kanila. “Nagpositibo kaming lahat, liban sa pangatlong anak ko, sa sakit na Covid-19,” sabi niya. “Bilang tao, nakaramdam din kami ng takot. Noong una ay nangamba kami na baka lumala ang sakit namin at hindi rin ako halos makatulog sa pag-iisip tungkol sa mga bayarin namin.”

Sa kabila ng matinding pagsubok sa kanilang buhay, hindi nawalan ng pag-asa ang sambahayan ni Kapatid na Rica. Itiniwala nila sa Diyos ang kanilang buhay. Ang sabi niya, “Lalo naming isinagawa ang aming mga pagpapanata. Sa aming mga pagpapanata at pagsambang pansambahayan ay dama ng aming pamilya ang pakikisama ng Diyos.”

Hindi nabigo ang kanilang pag-asa. Pahayag ni Kapatid na Rica, “Sa awa ng Diyos, makalipas ang ilang linggo ay gumaling na kami sa aming karamdaman at nakabalik nang muli sa mga pagsamba at pagtupad ng tungkulin sa kapilya. Unti-unti ring bumalik at naging maayos ang aming kabuhayan.”

Bago pa man sumapit ang pandemya sa buong mundo ay karanasan na ng mga kaanib ng Iglesia kung paanong ipinadarama ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa kanila. Naranasan ni Kapatid na John Bryan Palileo, pangulo sa Pagsamba ng Kabataan at maytungkulin sa kapisanang KADIWA sa Lokal ng Tiaong, kung paano sila nakalampas sa hadlang at pagsubok dahil sa tulong ng Diyos. “Noong bago pa lamang kaming kaanib ng Iglesia Ni Cristo, mula sa pagiging Katoliko, ay hindi naging madali ang mga pagsubok sa aming sambahayan. Dahil sa pasiya naming umanib sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay hindi rin kami nakaiwas sa matinding pag-uusig. Mismong kamag-anak namin ang umuusig sa amin, na kaya raw kami naghihirap ay dahil umanib kami sa loob ng Iglesia Ni Cristo,” pahayag niya.

Sa halip na panghinaan ng loob dahil sa matinding pag-uusig at pagsubok na sumapit sa kanilang sambahayan ay naglagak sila ng pag-asa sa Diyos. Nagpatuloy sila sa masiglang pagsamba at pagtanggap ng tungkulin. Dagdag pa niya, “Noong nasa gitna kami ng pagsubok ay hindi kami nag-alinlangan sa pangako ng ating Panginoong Diyos. Sa bawat araw na iyon ay lakip sa aming panalangin na itawid Niya kami sa pang-araw-araw naming pangangailangan. Tunay nga na kamangha-mangha ang Kaniyang kadakilaan at ang Kaniyang kapangyarihan. Sa ngayon ay tatlo na kaming magkakapatid na naka-graduate na sa kolehiyo at ang isa ay nakapagpapatuloy rin sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Nakabalik din sa matatag na paghahanapbuhay ang aking ama, at ang aking ina ay mayroon nang sariling patahian.”

Dahil sa pamamalaging matatag sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig, at sa matibay na pagtitiwala sa Diyos, hayag na hayag sa buhay ng pamilya ni Kapatid na John Bryan ang Kaniyang pagmamahal sa Kaniyang mga hinirang. Kaya, sa harap man ng mga hadlang ay hindi panghihinaan ng loob ang mga tunay na kaanib ng Iglesia. “Tunay nga na sinusubok at dinadalisay ng ating Panginoong Diyos ang ating pananampalataya upang lalo tayong maging karapat-dapat sa Kaniyang mga biyaya,” pahayag niya.

Nahahayag din ang pag-ibig ng Diyos sa mga kaanib ng Iglesia sa pamamagitan ng patuloy na pagmamalasakit ng Pamamahala, katuwang ang mga ministro, manggagawa, at maytungkulin, upang mamalagi silang matatag sa pananampalataya. “Hindi kami titigil sa pagmamalasakit sa mga kapatid. Aming ibabahagi sa mga kapatid na aming nasasakupan ang mga aral na itinuturo ng Pamamahala sa Iglesia upang sila ay mamalaging matatag sa kanilang kahalalan. Pangako ko sa Diyos at sa Pamamahala na anuman ang maging suliranin at hadlang na aking masasagupa ay magpapatuloy ako sa pagtupad ng tungkuling aking tinanggap,” buong paninindigang pahayag ni Kapatid na Jhun Aries Ponciano, isa sa inordenahan bilang ministro noong May 15, 2021.

Marami man ang mga hindi pangkaraniwang bagay na nagaganap sa kasalukuyan, namamalaging matibay ang pananalig ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na kung sila ay makapanatili sa loob ng kawan, kailanman ay wala silang dapat ipangamba anuman ang dumating sa kanilang buhay. Ito ay sapagkat kamangha-mangha at dakila ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos na handa Niyang ipagkaloob sa Kaniyang mga tapat na lingkod ang kanilang mga pangangailangan, lalo na ang nauukol sa paglilingkod sa Kaniya.