
GAANO MAN KATINDI ang mga pagsubok sa buhay na maaaring maranasan ng mga lingkod ng Diyos, Siya ay maaasahan na magbibigay sa kanila ng lakas upang malampasan nila ang mga iyon. Ganito ang pananalig ng mga tunay na kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Lubos silang sumasampalataya at nagtitiwala sa Diyos na anuman ang mangyari ay hindi Niya sila pababayaan.
Muling napagtibay ang pananalig nilang ito sa pagsambang pinangasiwaan ng Kapatid na Eduardo V. Manalo noong Nobyembre 28, 2020. Ipinaunawa ng Tagapamahalang Pangkalahatan na ang mga pagsubok na nararanasan ng mga lingkod ng Diyos ay hindi sa ikasasama kundi sa ikabubuti kung ito ay haharapin nila nang tama.
Anuman ang pagsubok at pag-uusig na dumating, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay dapat na matiyagang magpatuloy sa paggawa ng mabuti at tama na naaayon sa kalooban ng Diyos. Mahalaga ito lalo na’t ang mga nangyayari sa kasalukuyan ay naghahayag na malapit na ang araw ng kanilang kaligtasan.
Kaya, ang mga tapat na kaanib ng Iglesia ay nagpapatuloy sa masiglang paglilingkod sa Diyos anuman ang kanilang maranasan. Ito ay dahil may kumpiyansa sila sa Kaniyang magagawa. Ganito ang patotoo ng mga kapatid na nakatala sa mga lokal na nakasaksi sa pinangasiwaang pagsamba ng Namamahala:
Dacanlao, Batangas
Sinulat ni Genely Dimayuga
“Enero 2015, naaksidente ang aking asawa habang pabalik siya sa kaniyang trabaho bilang isang pulis sa Camp Crame. Umuuwi siya linggu-linggo para makatupad ng kaniyang tungkulin sa aming lokal,” paglalahad ni Kapatid na Evangeline Tolentino, isang diakonesa, tungkol sa isa sa mabibigat na pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya.
Hindi maipaliwanag ang lungkot na naramdaman ni Kapatid na Evangeline sa nangyari sa kaniyang asawa na si Kapatid na Jessie Tolentino. Sabi niya, “Akala ko ang pagkakaaksidente na sa kaniya ang pinakamatinding naranasan namin, ngunit lalo kaming nalungkot dahil kinailangan pang putulin ang kaniyang binti para siya ay mabuhay.”
Sa kabila ng pangyayaring ito sa pamilya ni Kapatid na Evangeline ay hindi sila pinanawan ng pag-asa. Nagpatuloy sila sa pananalangin sa Diyos at inilagak nila sa Kaniya ang kanilang buong tiwala at pag-asa para sa kagalingan ng ama ng kanilang tahanan. Sinasampalatayanan nilang hindi sila pababayaan ng Diyos. At dininig naman ang kanilang panalangin. Muli nang nakatutupad ng tungkulin si Kapatid na Jessie, ngayon bilang miyembro ng Society of Communicators and Networkers International (SCAN).
Sa halip na magdamdam sa Diyos at manghina ay itinuring ni Kapatid na Evangeline at ng kaniyang pamilya na ang pagsubok na kanilang naranasan ay paraan ng Diyos upang lalong patibayin ang kanilang pananampalataya sa Kaniya. “Bilang Iglesia Ni Cristo, itinuturing natin na kapag sinusubok tayo ng Ama, lalo Niya tayong pinatitibay,” pahayag ni Kapatid na Evangeline.
Tunay na sa panahon ng kagipitan ay nakahandang sumaklolo ang Diyos sa Kaniyang mga lingkod na naglalagak ng buong pagtitiwala sa Kaniya. Higit sa lahat ay gagantimpalaan Niya sila ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ganito ang kumbiksiyon ng mga tapat na kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Maninindigan sila sa kanilang banal na kahalalan anuman ang mangyari.
Sa pinagdaanang pagsubok ng kanilang pamilya ay ganito ang pahayag ni Kapatid na Evangeline: “Kami ay nangangako na sa kahit anong sitwasyon ng aming buhay, patuloy kaming tutupad ng aming tungkulin at hinding-hindi namin iiwan ang aming kahalalan.”
Naga, Zamboanga
Sinulat ni Lory May Larios
Kapansin-pansin sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang pagtatalaga sa mga gawain ng Iglesia. Karanasan na nila na naitatanong sa kanila ng kanilang mga kamag-anak o kakilala, dahil sa pagtataka ng mga ito, kung bakit laging nasa mga aktibidad ng Iglesia ang mga kaanib nito at kung mayroon pa ba silang panahon para sa kanilang sarili. Isa sa mga nakaranas nito ay si Kapatid na Teddy Gandinao, pangulong diakono at guro sa Pagsamba ng Kabataan sa Lokal ng Naga.
Dahil sa kaniyang kasipagan sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay naging tampulan ng pangungutya ng mga taong malapit sa kaniya. “Sinasabi nila sa akin, ‘Bakit ang mga Iglesia Ni Cristo ay pabalik-balik sa kapilya?’ Wala na raw akong panahon sa kanila,” salaysay ni Kapatid na Teddy.
Subalit hindi siya napaapekto. Hindi naging dahilan iyon upang mawala ang kaniyang alab sa paglilingkod sa Diyos. Para sa kaniya, “Ang mahalaga ay hindi ang sinasabi ng ibang tao kundi ang matupad ko ang ipinagagawa ng Diyos sa akin.”
Kahit nang dumating ang pagkakataon na muling sinubok ang kaniyang paninindigan noong magkaroon ng conflict ang schedule ng kaniyang trabaho sa pagtupad ng kaniyang tungkulin sa loob ng Iglesia, higit niyang pinahalagahan ang kaniyang tungkulin. Pahayag niya, “Nananalig ako na ang Panginoong Diyos ay handang tumulong sa akin. Kailanman ay hinding-hindi Niya pababayaan ang Kaniyang mga tunay na lingkod.”
Isa si Kapatid na Teddy sa maraming kaanib ng Iglesia Ni Cristo na anuman ang mangyari ay nagpapatuloy sa pagtitiwala sa magagawa ng Panginoong Diyos at sa panghahawak sa pangako Niyang kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Kaya makasagupa man ng iba’t ibang pagsubok si Kapatid na Teddy, matibay ang kaniyang pananalig na: “Ang sandata ko ay ang paghingi ng tulong at lakas sa ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at patuloy na panghahawak sa Kaniyang pangako.”
Atok Gold, Benguet
Sinulat ni Jennilyn Tugad
“Isang taong gulang noon ang pangalawa kong anak nang itakbo ko siya sa ospital. Tinapat na ako ng doktor na wala na raw pag-asang mabuhay pa ang aking anak,” paglalahad ni Kapatid na Jeanie Tugad, mang-aawit at pangulong kalihim ng Lokal ng Atok Gold, Distrito Eklesiastiko ng Benguet.
Napakasakit para sa isang magulang ang marinig iyon. Subalit, sa Diyos niya inilagak ang kaniyang pag-asa at nanghawak siya sa Kaniyang magagawa. “Walang imposible sa Diyos, hindi Niya kami pinabayaan,” dagdag pa ni Kapatid na Jeanie.
“Araw din iyon ng pagsamba. Mahirap man sa aking kalooban na umalis sa tabi ng aking anak kahit saglit, subalit kailangan ko ring umalis ng ospital para tumupad sa pagsamba,” patuloy na paglalahad ni Kapatid na Jeanie. Ang pananalig niya: “Sa pagsamba dinirinig ng Diyos ang daing ng Kaniyang mga lingkod. Kaya anuman ang mangyari ay hindi dapat pabayaan ang pagsamba sa Kaniya.”
Hindi naman binigo ng Diyos ang panalangin ni Kapatid na Jeanie. Pahayag niya, “Pagkatapos ng pagsamba ay agad akong bumalik sa ospital at lubos ang aking pagpapasalamat sa Diyos sapagkat ibinangon Niya ang aking anak mula sa pagka-comatose.” Itinuturing ni Kapatid na Jeanie na iyon ay sagot ng Diyos sa mga panalangin niya at ng kaniyang pamilya.
Makalipas ang dalawang dekada, ang anak niyang iyon ay na-diagnose naman na may sakit na lupus. “Nalungkot kami sapagkat ang kaniyang sakit ay walang lunas.” Pabalik-balik sila sa ospital at may mga pagkakataong namamalagi sila sa ospital ng isang buwan o higit pa. Inilahad ni Kapatid na Jeanie, “Sa mga panahong iyon ay nagsagawa ang aming pamilya ng pananalangin araw-araw para sa kaniyang kagalingan at nagpatuloy kami sa pagtupad ng aming tungkulin. Maging siya ay aktibo ring dumadalo sa mga pagsamba kahit pa noong naging marupok na ang kaniyang mga buto at nahihirapan na siyang lumakad. Wala kaming narinig na daing mula sa kaniya.”
Taong 2019 nang umabot na sa stage 5 chronic kidney disease—ang komplikasyon sa karamdaman ng kaniyang anak—at kailangan na siyang mag-dialysis. Bunsod ng nakikita niyang paghihirap ng kaniyang anak, ayon kay Kapatid na Jeanie, “Inihanda ko na ang aking sarili na anumang araw o oras ay babawian na siya ng buhay ng Panginoon. Alam kong ang Diyos ang nagbibigay ng buhay at Siya rin ang babawi nito.”
Pinagpahinga man ng Diyos ang kaniyang anak, subalit hindi kailanman pinanawan ng pag-asa si Kapatid na Jeanie at ang pamilya niya. “Masakit at mahirap ang naranasan namin. Ngunit nagpatuloy kami sa pagtatalaga sa pagsamba sapagkat dito kami kumukuha ng lakas. Ilang araw makalipas ang pagkamatay ng aming anak, nangasiwa ng pagsamba ang Tagapamahalang Pangkalahatan sa aming distrito noong Disyembre 20, 2019 at kasama ako sa mga tumupad na mang-aawit.”
Ang mga aral ng Diyos ang nagsisilbing gabay at inspirasyon nila upang manatili silang matatag at magkaroon ng positibong pananaw sa mga nangyari. “Hanggang ngayon ay nagpapasalamat ako sa Diyos sa buhay na ibinigay Niya noon sa aming anak at nakapiling namin siya ng 27 taon. Anumang pagsubok ang dumating sa aming buhay ay hindi kami matitinag sa paglilingkod at pagtupad ng tungkulin. Matatag namin itong haharapin.”
Malicboy, Quezon
Sinulat ni Xerenity Mendoza
“Kami ay dating nakatira sa Sitio Madita. Para makarating sa kapilya ay kailangang lakarin ang dalawang kilometrong bukirin. Mahirap ang daan, lalo na’t masukal at ang tanging ilaw ay bunsol, kayakas, o liwanag ng buwan.”
Ganito inilarawan ni Kapatid na Consuelo Mendoza, pangalawang pangulong kalihim sa Lokal ng Malicboy, Distrito Eklesiastiko ng Quezon, ang naranasan ng maraming kapatid sa kanilang lokal noon at may iilan pa ring nakararanas nito hanggang ngayon.
“Kung minsan ay mas mahirap kapag umuulan sapagkat bumabaha at maputik sa nilalakaran,” dagdag pa niya.
Ang kasabikan nilang makasamba sa Diyos at paglingkuran Siya ang dahilan kaya hindi nila alintana ang pagod at hirap sa paglalakbay.
“Nakakapagod at mahirap, lalo’t may kasama akong mga anak pero ayos lang kami. Ang mahalaga ay makasamba kami dahil dito kami humuhugot ng lakas at nakadarama ng kapayapaan,” pahayag pa ni Kapatid na Consuelo.
Kinikilala ng mga lingkod ng Diyos na hindi maiiwasan at dapat harapin ang mga pagsubok sapagkat ang mga ito ay hindi makasasama sa kanila, bagkus ay magbubunga pa ng mabuti kung ito ay haharapin nila nang tama.
“Maraming pagsubok sa buhay, pero ang mga ito ay magpapatatag sa atin. Kailangan lang magtiwala tayo sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan. Kahit mahirap, hindi natin dapat pabayaan ang pagtupad sa tungkulin,” pahayag ni Kapatid na Consuelo.
Ayon pa sa kaniya, sa loob ng maraming taon na pagtupad niya sa kaniyang tungkulin ay hindi na mabilang kung gaano karaming beses naghimala ang Diyos sa kaniyang buhay. Ang lubos na pagtatalaga sa tungkuling kaloob ng Diyos anuman ang sitwasyon ang nais niyang isalin sa kaniyang mga anak bilang isang dakilang pamana.
Kinikilala nilang biyaya na sila’y nakalipat ng tirahan na malapit sa kapilya, para mapag-ibayo pa nila ang pagtatalaga sa pagsamba at pagtupad ng kanilang tungkulin sa Diyos. Para kay Kapatid na Consuelo, “Ito ay tugon ng Ama sa aming mga panalangin.”
Ang mga karanasang ito ng mga kapatid ay kahayagan lamang na ang Diyos ay nakahandang tumulong sa mga lingkod Niya na nagtitiwala sa kaniya. Kaya iba’t iba man ang pagsubok na kanilang naranasan subalit iisa ang kanilang naging pananalig—buong kumpiyansa na nagtiwala sila sa magagawa ng Diyos.