
MAHIGIT LABINDALAWANG TAON na ang nakalilipas subalit sariwa pa rin sa alaala ni Kapatid na Nerissa Escoto ang kaniyang mga nasagupang suliranin.
“Noong unang buwan nang ipinagdadalang-tao ko ang aking bunsong anak ay na-detect na ako ay may ovarian cysts. Sinabihan ako ng doktor na kailangan kong magpa-abort dahil kapag pumutok ang mga bukol ay pareho namin itong ikamamatay ng aking anak, pero hindi ako pumayag na magpa-abort at sa halip ay nagtungo ako sa kapilya upang magpapahid ng langis at manalangin,” pahayag niya.
Sa pagbalik ni Kapatid na Nerissa sa doktor ay binigyan siya nito ng isa pang opsiyon. “Maaari akong mag-bed rest at hintaying maging apat na buwan ang aking dinadala upang ako ay maoperahan. Ngunit, dito ay maaaring manganib ang aking buhay at kung makaligtas man, maaaring hindi maging normal ang aking anak.” Ang ikalawang opsiyon ang pinili ni Kapatid na Nerissa. Higit sa lahat, pinili niyang lubos na magtiwala sa Diyos at sa Kaniyang magagawa. “Gabi-gabi akong nagtungo sa kapilya para magpanata,” paliwanag niya.
Hindi lamang iyon ang pagsubok na dumating sa kaniyang buhay. “Sa taon ding iyon ay niloko ako ng aking business partner, na matapos kong pagkatiwalaan ay naglahong parang bula. Naiwan sa akin ang lahat ng obligasyong pinansiyal. Para maisaayos ang mga ito, kinailangan ko ang napakalaking halaga,” pahayag niya.
Matindi man ang pinagdaanan, hindi pumayag si Kapatid na Nerissa na mapabayaan ang kaniyang mga pananagutan sa Panginoong Diyos. “Sa kabila ng lahat ng pagsubok na aking nasagupa ay lalo kong tiniyak na maging malapit ako sa Diyos. Lalo kong pinag-ibayo ang kasiglahan sa pagtupad ng tungkulin at pagsunod sa lahat ng kalooban Niya,” sabi ni Kapatid na Nerissa, na pangalawang pangulong kalihim ng lokal ng Pamplona.
Taglay ang matibay na pananampalataya, siya at ang kaniyang asawa ay hindi nanghinawa sa mga pananalangin sa Diyos. “Sinampalatayanan ko na gagawin Niya ang para sa aking ikabubuti.”
Ang gayon ding masigasig at walang pasubaling pagsunod sa mga kalooban ng Diyos anuman ang mangyari ang pinanindigan ni Kapatid na Mark Erick Pakingan, isang organista, upang maitaguyod ang kaniyang tungkulin.
“Nagkaroon ako ng anxiety disorder. May mga pagkakataon noon na nakararanas ako ng panic attack. Nakararamdam ako ng panlalamig, paninigas ng mga daliri, pagkahilo, at hirap sa paghinga. Ang pakiramdam ko noon ay para akong aatakihin sa puso,” pagsasalaysay niya. Hindi siya pumayag na makahadlang ang karamdaman sa kaniyang pagtupad. “Agad akong nananalangin na malampasan ko ito at huwag nawang mapinsala ang pagtupad ko ng tungkulin. Sa awa ng Diyos ay nagagampanan kong maayos ang aking tungkulin,” dagdag pa niya.
Dumating din ang pagkakataon na si Kapatid na Mark Erick ay kailangang mamili sa dalawa—tungkulin o hanapbuhay. “Madalas na nagkakaroon ng conflict sa pagtupad o ensayo ang trabahong iniaalok sa akin,” paglilinaw niya.
Taglay ang matibay na pananalig sa Diyos, “Palagi kong pinipili na tuparin ang tungkulin sapagkat sumasampalataya ako na ang Diyos ay hindi magpapabaya sa atin kung Siya ang gagawin nating una sa ating buhay,” pahayag niya.
Inaasahan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga lingkod ang masigasig at walang pasubaling pagsunod sa Kaniyang mga kalooban. Ito ay muling binigyang-diin ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan, sa pagsambang kanilang pinangasiwaan noong Pebrero 15, 2020 sa Lokal ng Pamplona, Distrito Eklesiastiko ng Metro Manila South. Ipinaunawa nila sa pamamagitan ng mga katotohanang nakasulat sa Biblia na ang masigasig at walang pasubaling sumusunod sa lahat ng utos ng Diyos ang magkakamit ng kanilang mabubuting hangarin sa buhay.
Bilang magulang, sinasampalatayanan ni Kapatid na Jolito Traje, isang pangulong diakono, na biyaya ng Diyos ang pamamalaging payapa ng sambahayan. “Ipinagpapasalamat namin sa Diyos na namamalaging payapa ang aming sambahayan sa kabila ng mga kaguluhan sa mundo. Sa Kaniyang awa ay naipagpapatuloy namin ang aming masiglang paglilingkod sa Kaniya,” sabi niya.
Nananalig si Kapatid na Nerissa na dahil sa panghahawak sa magagawa ng Diyos at sa masigasig at walang pasubaling pagsunod, kaya hindi Niya binigo ang kaniyang hangarin. Isang araw bago ang kaniyang operasyon noon ay mismong araw ng kanilang Banal na Hapunan. Nagsikap siyang dumalo sa pagsamba at hiniling niya na maipanalangin siya ng ministro. “Kinabukasan ay kailangan na akong i-admit sa ospital at operahan. Sa awa ng Diyos ay naging matagumpay ang aking operasyon at ang aking anak ay labindalawang taong gulang na ngayon,” sabi niya.
Hindi rin nabigo si Kapatid na Mark Erick. Pahayag niya, “Pinagaling ako ng Diyos sa aking karamdaman. Nakasumpong din ako ng mabuting hanapbuhay bilang isang music teacher, angkop sa natapos kong kurso sa musika.”
Subok na ng maraming kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kabutihan ng Diyos sa mga hinirang Niya na masunurin sa Kaniyang mga kalooban. Kaya naman, patuloy silang naninindigan sa pagsunod anuman ang sitwasyon ng buhay upang kamtin ang Kaniyang mga pagpapala. Kumbinsido si Kapatid na Jolito na, “Ang pagsunod natin nang walang pasubali ang kailangan upang lingapin ng Diyos ang ating sambahayan. Ang pagsunod natin ay para sa ating ikabubuti hindi lamang sa buhay na ito, kundi higit sa lahat ay sa buhay na darating. Kami at ang aming buong sambahayan ay mamamalagi sa masigasig at walang pasubaling pagsunod sa lahat ng Kaniyang mga utos.”