Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Matibay na panghahawak sa kahalalan

Pastoral Visit of the Executive Minister: Cabanatuan City, Nueva Ecija
Pebrero 9, 2019
Isinulat nina Kirsteen Ciriaco at Camille Lado

Ikaapat sa panganay na distrito ng Iglesia Ni Cristo, ang Distrito Eklesiastiko ng Cabanatuan City, Nueva Ecija (unang tinawag na Dibisyon ng Nueva Ecija) ay itinatag ng Kapatid na Felix Y. Manalo, Sugo ng Diyos sa mga huling araw, noong 1930. Sa loob ng 89 na taon ay naipagpapatuloy ng mga kapatid sa Nueva Ecija ang kanilang mga paglilingkod sa Diyos at ang pagtulong sa pagpapalaganap ng tunay na pananampalataya. Sa kasalukuyan ang buong probinsiya ng Nueva Ecija ay binubuo na ng apat na distrito: ang mga Distrito Eklesiastiko ng Cabanatuan City; San Jose City; Palayan City; at Sta. Rosa.

Bilang paggunita sa ika-89 na anibersaryo ng distrito, nagsagawa ang mga kapatid ng pagsamba sa Lokal ng Cabanatuan City noong ika-9 ng Pebrero 2019 na pinangasiwaan ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan. Ginugunita rin sa taong ito ang ika-85 taon ng pagkakatatag ng lokal na ito. Sa pagsambang pinangasiwaan ng Namamahala ay kanilang ipinaalala na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia Ni Cristo ang siyang natubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesucristo at napatawad sa kasalanan. Dahil dito ay mayroon na silang kahalalan at karapatang maglingkod sa Diyos at magkamit ng pangakong kaligtasan. Ito rin ang dahilan kaya marapat lamang na panghawakan nilang matibay ang kanilang kahalalan.

Sinabi ni Kapatid na Lara Regina Villante, dating Katoliko, na tumatanggi pa siya noon na umanib sa Iglesia: “Noong una ay napakarami kong dahilan at ayaw ko talagang maging Iglesia. Ayaw rin kasi ng nanay ko. Ang mga kamag-anak at mga kaibigan ko ay saradong Katoliko rin.”

Nang makilala niya ang tunay na pananampalataya, nagpasiya siyang umanib sa Iglesia. At sa kaniyang pag-anib ay nakaranas siya ng pag-uusig. Mahirap man para kay Kapatid na Lara na siya ay layuan ng kaniyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan ay nanghawak pa rin siya sa kaniyang kahalalan. Pahayag niya, “Masakit na layuan ka nila. Pero naisip ko na hindi na baleng magtiis, huwag lang akong iwan ng Diyos.” Nanindigan si Kapatid na Lara sa mga aral ng Diyos. Di nagtagal, natanggap na rin ng mga mahal niya sa buhay ang pag-anib niya sa Iglesia Ni Cristo. Si Kapatid na Lara ay isa nang mang-aawit at kalihim sa Lokal ng Mayapyap.

Itinuro rin ng Kapatid na Eduardo Manalo na ang higit na dapat pahalagahan ay ang pagka-Iglesia Ni Cristo at hindi ang mga bagay na materyal o ukol lamang sa buhay na ito. Kaugnay nito, naalaala ni Kapatid na Angelita Cruz, pangulong mang-aawit sa Lokal ng Cabanatuan City, ang panahong siya at ang mga kapatid niya ay mga bata pa. Inalok sila ng kanilang mga kamag-anak na saradong Katoliko na papag-aaralin sila anuman ang kursong maibigan nila kung aalis sila sa Iglesia. Ngunit nanindigan ang kanilang pamilya sa kanilang kahalalan. Pahayag niya, “Ang sabi ng nanay ko, ‘Hindi na baleng ganito lang tayo at hindi makapag-aral sa matataas na paaralan. Pero ayaw kong kayo ay mahiwalay sa Iglesia’.”

Sa pagharap ng mga kaanib ng Iglesia sa iba’t ibang uri ng pagsubok sa buhay, itinuro ng Kapatid na Eduardo Manalo na napakahalaga ng pagtitiwala sa magagawa ng Diyos dahil Siya ang kikilos para sa Kaniyang mga lingkod. Ang kinakai­langan lamang ay manghawak silang matibay sa Kaniya at sa kahalalan at tuparin nila ang tungkuling tinanggap mula sa Kaniya upang mapagtagum­payan nila ang nasasagupa nilang mga suliranin.

Pangunahing pananagutan sa Diyos ng mga kaanib ng Iglesia ang pagsamba sa Kaniya. Kahit may mabibigat silang pinagdaraanan ay hindi nila pinababayaan ang pagsamba dahil nauunawaan nila ang kahalagahan nito. Pahayag ni Kapatid na Lara, “Sa panahon ng pagsamba ay ipinauunawa sa atin kung paano dapat harapin ang mga pagsubok. Dito natin lalong nararamdaman na hinahango tayo sa kalungkutan at pinalalakas tayo ng Diyos.”

Ang Diyos din ang pinagtiwalaan ni Kapatid na Marcelina dela Cruz nang siya ay magkaroon ng malubhang karamdaman. Pahayag niya, “Iniluha ko ito sa Diyos. Bago sumapit ang araw ng aking operasyon, nagtakda ang aking pamilya ng panata sa Kaniya taglay ang matibay na pagtitiwala sa dakilang magagawa Niya. Nagpapahid ako ng langis bilang pagtupad sa utos ng Diyos. Sa awa ng Diyos, hanggang ngayon ay patuloy ko pang natutupad ang aking tungkulin.” Siya ay isang diakonesa sa Lokal ng Balite.

Bumilang man ng mara­ming taon ang mga tunay na kaanib ng Iglesia sa kanilang mga paglilingkod, hindi sila titigil hangga’t taglay ang buhay at lakas. Ganito nila pinanghahawakang matibay ang kanilang kahalalan. Pahayag ni Kapatid na Angelita na ngayon ay 83 taong gulang na, “Animnapung taon na akong pangulong mang-aawit. Hindi ako humihinto sa pagtupad kahit pa ako’y nagkakaroon na ng karamdaman. Naipagpapatuloy ko ang pagtupad ng tungkulin sa awa at tulong ng Diyos.”

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

Terms and Privacy Policy

We process and collect personal data based on our Terms and Privacy Policy to improve and analyze our service.