Ang tunay na naging bago

Magiging tunay na bago lamang ang tao kung siya ay magiging kay Cristo.

Ni LEOPOLDO L. GUEVARRA

“BINAGO NA AKO ni Lord.” Ang pananalitang ito ay palasak na naririnig sa mga taong ang akala ay tunay na nga silang nabago at ang Panginoon ang nagbago sa kanila; nagawa raw nilang iwan ang dati nilang masamang gawain, bisyo, at pag-uugali. At dahil doon, inaakala nilang magiging dapat na sila sa Panginoon at magtatamo ng kaligtasan pagdating ng takdang panahon.

Ang pagbabago mula sa masamang paraan ng pamumuhay tungo sa pagpapakabuti ay mahalaga at hindi maiiwasang gawin ng taong naghahangad na maging katanggap-tanggap sa Panginoong Diyos ang ginagawang paglilingkod at maligtas pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Kaya, ito ay itinuro ni Apostol Pablo sa mga unang Cristiano:

“Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip.” (Efe. 4:22–23 Magandang Balita Biblia)

Subalit, paano nga ba matutupad sa tao ang tunay na pagbabago? 

Hindi sa sarili lamang

Ang pagbabago ba na kailangang matupad ng tao ay magagawa niya sa kaniyang sarili lamang? Tunghayan natin ang sinasabi sa Jeremias 13:23:

“Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo’y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.”

Kung paanong hindi magagawa ng Etiope na makapagbago ng kaniyang balat at ng leopardo ng kaniyang batik ay gayundin hindi kaya ng taong nahulog sa kasamaan na magbago sa kaniyang sarili lamang.

Tiniyak sa Jeremias 10:23 na hindi para sa tao ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang. Paano rin pinatunayan ng Panginoong Jesucristo ang kawalang kakayahan ng tao na magawa ang tunay na pagbabago sa kaniyang sariling paraan? Sinabi Niya:

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. … Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.” (Juan 15:5, 4)

Tiniyak ng Panginoong Jesucristo na ang hiwalay sa Kaniya ay hindi makapagbubunga sa ganang kaniyang sarili. Ang bunga na hindi magagawa ng tao ay bunga ng kabanalan (Fil. 1:11). 

“Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip.”

Efeso 4:22–23

Magandang Balita Biblia


Samakatuwid, anuman ang gawin ng tao na pagpapakabuti kung sa ganang kaniyang sarili lamang ay hindi ibibilang na kabanalan sa kaniya. Bakit anuman ang kaniyang gawin ay hindi magbubunga ng kabanalan? Sa Isaias 59:2 ay ganito ang mababasa:

“Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya’y huwag makinig.”

Inihiwalay ng kasalanan ang tao sa Panginoong Diyos. Kaya, walang paglilingkod na magagawa ang taong namamalaging hiwalay sa Diyos na magiging katanggap-tanggap sa Panginoon. Ang lalo pang masaklap ay itinuring na Niya silang mga kaaway (Col. 1:21).

Ang hatol sa nagkasala

At dahil sa ang lahat ay nagkasala at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos, ang buong sanglibutan ay napasa ilalim ng hatol ng Panginoong Diyos (Rom. 3:19, 23). Ang hatol ng Diyos sa taong nagkasala ay kamatayan (Rom. 6:23).

Ngunit, nangangahulugan ba na kapag ang tao ay nalagutan ng hininga ay bayad na siya sa kaniyang kasalanan na gaya ng inakala ng iba? Hindi. Tangi sa kamatayang pagkalagot ng hininga ay mayroon pang itinakda ang Diyos na ikalawang kamatayan:

“Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8)

Ang kamatayan sa dagat-dagatang apoy ang ipinasiya ng Diyos na maging ganap na kabayaran ng kasalanang nagawa ng tao. Kaya, kahabag-habag ang sinumang hindi magagawa ang pagbabago na itinuturo ng Banal na Kasulatan sapagkat tiyak na masasadlak siya sa parusa sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre. 

“Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya’y huwag makinig.”

Isaias 59:2

Ang tunay na pagbabago

Paano matutupad sa tao ang tunay na pagbabago? Ang sabi ng mga apostol:

“Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” (II Cor. 5:17)

Magiging tunay na bago lamang ang tao kung siya ay magiging kay Cristo. Ang kay Cristo, ayon sa talata, ay bagong nilalang.

Ang mga taong naging kay Cristo at naging bagong nilalang ay nasa “isang taong bago” na nilalang ng Panginoong Jesucristo mula sa dalawa (Efe. 2:15). Ang dalawa na nilalang ng Panginoong Jesucristo na isang taong bago ay Siya na lumugar na ulo at ang Iglesia na ginawa Niyang Kaniyang katawan (Col. 1:18).

Kaya, magiging tunay na kay Cristo lamang ang tao at magiging tunay na bago na kung magiging bahagi ng tunay na Iglesia na pinangunguluhan ng Panginoong Jesucristo. Isang  napakalaking pagkakamali na isiping hindi mahalaga ang Iglesia at ang kailangan na lamang ay sampalatayanan at tanggapin ang Panginoong Jesucristo. Hindi magagawa ng tao ang tunay na pagbabago sa ganang kaniyang sarili o kung wala siya sa Iglesiang pinangunguluhan ng Panginoong Jesucristo. 

Ang kinaroroonan ng nabago

Ano ang isa sa mga madaling ikakikilala sa Iglesiang katawan ng Panginoong Jesucristo? Ang pangalang itinawag dito ng mga apostol ay mababasa sa Biblia:

“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Rom. 16:16 New Pilipino Version)

Ang tunay na Iglesia, dahil sa ito ay katawan ng Panginoong Jesucristo, ay tinawag nang sunod sa Kaniya: Iglesia Ni Cristo. Bagaman, hindi naman pangalan lamang ang pagkakakilanlan sa tunay na Iglesia, ngunit kung sa pangalan pa lamang ay hindi na pasado ang isang iglesia ay nangangahulugang hindi iyon ang tunay at hindi rin pakikinabangan ng tao para matupad ang tunay na pagbabago. Ang mga taong tunay na kay Cristo, at binago na ng Panginoon, ay tinatawag sa Kaniyang pangalan—sila ay Iglesia Ni Cristo (Sant. 2:7; Gawa 4:10–12; Rom. 16:16).

Gaano kahalaga na makasunod ang tao sa tunay na pagbabago? Ano ang pangako ng Panginoong Jesucristo sa itinatag Niyang pagbabago?

“At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama’y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel. At ang bawa’t magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.” (Mat. 19:2829)

Kaya, makatuwiran lamang na pagsikapan ng tao na magawa ang tunay na pagbabago, kahit pa mamuhunan siya ng sakripisyo sa ikatutupad nito.