Ang kahulugan ng ‘Iglesia’

Totoo kaya ang malaganap na paniniwalang
hindi ito mahalaga at hindi kailangan
sa ikapagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom?

Ni JENSEN DG. MAÑEBOG

ANG SALITANG “IGLESIA” ay mahigit 100 beses na binanggit sa Bagong Tipan (biblestudytools.com). Iba-iba ang pakahulugan sa terminong ito. May mga nagsasabing ang “iglesia” (sa English ay “church”) ay tumutukoy sa “gusaling ginagamit para sa pampublikong pagsamba” (lexico.com) habang naniniwala naman ang iba na ang iglesia ay “binubuo ng lahat ng mga nananampalataya kay Hesu Kristo” (gotquestions.org).

Subalit ano ang sinasabi at ibinibigay na pakahulugan ng Biblia tungkol sa “iglesia”? Ano ang kahalagahan nito? Totoo kaya ang malaganap na paniniwalang hindi ito mahalaga at hindi kailangan sa ikapagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom?

Itinayo ng Panginoong Jesucristo

Ang Panginoong Jesucristo ang nagtatag ng tunay na Iglesia:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18 Magandang Balita Biblia)

Hindi makapananaig sa Iglesia ang kapangyarihan ng kamatayan. Dumating man ang pagkalagot ng hininga sa kaanib nito, may ganitong pangako ang Tagapagligtas: “bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya” (Juan 11:25)—upang magtamo ng maluwalhating buhay na walang hanggan sa Bayang Banal (Apoc. 21:1–4).

Kung hindi mahalaga ang Iglesia, bakit ito itinayo ni Cristo at pinangakuang hindi pananaigan ng kamatayan?

Iisa lamang ang tunay na Iglesia

Ang Iglesia ay binubuo ng mga tunay na nagsisampalataya (Gawa 2:44, 47 New King James Version). Ang tunay na sumasampalataya ay hindi yaong basta nagpahayag lamang na tinanggap niya si Cristo bilang Panginoon at pansariling Tagapagligtas, kundi yaong sumampalataya sa dalisay na ebanghelyo na ipinangaral ng mga sinugo o may karapatang mangaral (Mar. 16:15–16; Roma 10:14–15) at binautismuhan sa “isang katawan” (I Cor. 12:13).

Nilinaw ni Apostol Pablo kung alin ang “isang katawan” na kinapapalooban ng tumanggap ng tunay na bautismo:

“At siya [si Cristo] ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia …” (Col. 1:18).

Mangyari pa, sa “isang katawan” o Iglesiang ito ay may “isang pananampalataya, isang bautismo, Isang Dios at Ama ng lahat” (Efe. 4:4–6). Mali, kung gayon, ang paniniwala na ang tunay na Iglesia ay binubuo ng iba’t ibang pananampalataya o pangkating panrelihiyon. Hindi rin totoo, kung gayon, na ang Iglesiang kay Cristo ay binubuo ng mga diumano’y sumasampalataya sa Kaniya kahit saang pangkatin sila kabilang; bagkus, ang mga tunay na sumasampalataya ay nasa iisang organisasyon o Iglesia lamang.

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.”

Mateo 16:18

magandang balita biblia

Ang may kaugnayan kay Cristo

May mga nagsasabi na hindi raw mahalaga ang Iglesia; ang mahalaga raw ay magkaroon ang tao ng relasyon kay Cristo. Subalit, sino ba ang pinatutunayan ng Biblia na may relasyon o kaugnayan kay Cristo? Ganito ang sagot ng Biblia:

“Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito—ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko.” (Efe. 5:32 mb)

Kaya kung nais ng tao na magkaroon ng relasyon kay Cristo, hindi niya maiiwasang umanib sa tunay na Iglesia. Katawan ni Cristo ang Iglesia (Col. 1:18) at ang mga kaanib nito ay mga sangkap ng Kaniyang katawan (I Cor. 12:27; Roma 12:4–5) at tinawag Niyang Kaniyang mga sangang nakakabit sa Kaniya (Juan 15:1, 4–5).

Ang Iglesia ay “nasasakop ni Cristo” (Efe. 5:24) sapagkat Siya ang pangulo nito (Efe. 5:23). Nilinis ni Cristo ang Iglesia upang maging banal at walang anumang kapintasan; ito ay Kaniyang minamahal, pinapakain, at inaalagaan; at “inihandog niya ang kanyang buhay para rito [sa iglesya]” (Efe. 5:25–27, 29 mb). Kung hindi mahalaga ang Iglesia, lilitaw na si Jesus ay nagmahal at naghandog ng Kaniyang buhay sa hindi naman pala mahalaga.

Pag-aari ng Diyos
Sa I Pedro 2:9–10 ay may ipinakikilala si Apostol Pedro na mga taong pag-aari ng Diyos:
“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa’t ngayo’y nagsipagkamit ng awa.”
Ang mga taong tinutukoy rito ay hindi ang mga basta sumampalataya lamang kay Cristo kundi ang mga tinubos sa pamamagitan ng Kaniyang dugo (I Ped. 1:18–19)—ang mga kaanib ng Kaniyang Iglesia (Gawa 20:28 Lamsa Translation). Bilang pag-aari ng Diyos, ang Iglesia ay tinatawag din ng Biblia na pinili ng Diyos (Gawa 15:14; Efe. 1:4), “bayan ng Diyos” (Efe. 1:13 mb; II Cor. 6:16), “templo ng Dios” (I Cor. 3:16), pananim ng Diyos (Isa. 60:21; Juan 15:1, 5; Roma 16:16), at  “iglesia ng Dios” (I Cor. 1:2). Kung gayon, isang napakalaking kapalaran ang maging kaanib ng tunay na Iglesia.

“Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito—ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang
tinutukoy ko.”

efeso 5:32

magandang balita biblia

Ito ang ililigtas

Dahil sa kasalanang ginawa ng tao, naging kaaway siya ng Diyos (Col. 1:21) at tinakdaan ng kamatayan (Heb. 9:27; Roma 6:23)—hindi lamang pagkalagot ng hininga, kundi maging ng parusa sa “dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan” (Apoc. 21:8). Ang lahat ng nagkasala, kung gayon, ay nangangailangan ng kaligtasan.

Kaugnay nito, may mga nagsasabing hindi na raw kailangan ang Iglesia sapagkat si Cristo ang Tagapagligtas, hindi naman ang Iglesia. Tama na ang Panginoong Jesucristo ang Tagapagligtas,  subalit mali ang paniniwalang hindi na kailangan ang Iglesia. Ang mga hindi tunay na iglesia ang hindi kailangan ng tao, subalit ang Iglesiang katawan ni Cristo ay kailangan sapagkat ito ang pinatutunayan ng Biblia na ililigtas Niya:

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:23 mb)

Sapagkat ang Iglesia ang tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ang mga kaanib nito ay nilinis o pinatawad na sa kanilang kasalanan (Heb. 9:22) at ligtas na sa poot ng Diyos (Roma 5:9 mb). Sila kung gayon ang nakatitiyak ng kaligtasan:

“Na nangagpupuri sa Diyos, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (Gawa 2:47 nkjv)*

May pangalang sunod kay Cristo

Ganito itinawag ng mga apostol sa mga kaanib ng tunay na Iglesia ang pangalang Cristo:

“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16 New Pilipino Version)

Iglesia Ni Cristo, kung gayon, ang pangalan ng tunay na Iglesia. Itinatag ito ni Cristo at tinawag Niyang “aking iglesia” (Mat. 16:18) kaya makatuwiran lamang na taglay nito ang pangalan Niya. Iglesia Ni Cristo ang pangalan nito sapagkat ito ay katawan ni Cristo (Col. 1:18) at matuwid lamang na ang katawan ay tawaging sunod sa pangalan ng ulo (I Cor. 12:12).

Iglesia Ni Cristo lamang, hindi ang alinmang ibang iglesia, ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang mahalagang dugo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa)*

Dapat umanib ang tao sa Iglesiang ito sapagkat ito ang tunay na pag-aari ng Diyos, may kaugnayan kay Cristo, at ililigtas Niya pagdating ng Araw ng Paghuhukom. ❑

* Isinalin mula sa Ingles