SA PANAHONG ITO ng kahirapan, ang maraming tao ay ibinubuhos ang kanilang buong panahon sa paghahanapbuhay para matugunan ang pangangailangan nila sa araw-araw.
Subalit, tama kaya na gugulin ang buong buhay at panahon para lamang sa ikabubuhay?
Bilang tao ay may pananagutan tayo sa Diyos na lumalang sa atin—ang kilalanin Siya, maglingkod sa Kaniya, at sumunod sa Kaniyang mga kautusan (Ecles. 12:13). Kapag nabigo ang tao na isagawa ang paglilingkod na hinihingi ng Diyos, darating ang panahong huhukuman siya ng Diyos, at parurusahan nang walang hanggan (II Tes. 1:8−9; II Ped. 3:7, 10). Samakatuwid, kung may dapat na ipagpauna o higit na pahalagahan ang tao kaysa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan, ito ay ang matugunan niya ang kaniyang pananagutan sa Diyos, sa ikapagtatamo niya ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.
Bakit kailangan ng tao ang kaligtasan? Sapagkat ang tao ay naging masama sa paningin ng Diyos dahil sa kasalanan (Roma 3:23).
Ipinasiya ng Diyos na pagbayarin ang tao ng kasalanan sa nagawa niyang kasalanan (Roma 6:23). Subalit, hindi ito nangangahulugan na kapag ang tao ay nalagutan na ng hininga ay iyon na ang kabayaran ng kaniyang kasalanan (Heb. 9:27).
Itinuturo ng mga Banal na Kasulatan ang paghuhukom na gagawin ng Diyos sa tao:
“Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka’t dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig. At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” (Juan 5:28−29)
Batay sa mga talata ng Biblia, ang tao na gumawa ng masama, bagaman nalagutan na ng hininga, ay bubuhaying mag-uli upang tanggapin ang hatol ng Diyos—ang “ikalawang kamatayan” o ang dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14).
Ang mga taong ibubulid sa dagat-dagatang apoy ay “pahihirapan [ng apoy at asupre] araw at gabi magpakailan kailan man” (Apoc. 20:10). Ito ang ganap na kabayaran sa kasalanan na ginawa ng tao.
Kung mahalagang asikasuhin at pag-ukulan ng panahon ng tao ang mga pangunahing pangangailangan niya sa mundong ito lalong dapat niyang paghandaan ang ukol sa ikapagtatamo niya ng kaligtasan. Hindi ito dapat ipagwalang-bahala o iwasan.
Paano tatamuhin ng tao ang kaligtasan? Ito ay sa pamamagitan ng biyayang kaloob ng Diyos:
“Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23 MB)
Ayon kay Apostol Pablo, ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Ito ay matatamo ng tao sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo, sapagkat Siya ang itinalaga ng Diyos upang maging Tagapagligtas (Gawa 5:30–31).
Subalit hindi ito nangangahulugan na para maligtas ang tao ay sapat nang sumampalataya o tumawag lamang sa Pangalan ng Panginoong Jesucristo. Sinabi Niya mismo:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Binibigyang-diin ng Panginoong Jesucristo ang halaga ng paggawa o pagtupad ng mga bagay na Kaniyang sinasabi. Kapag ginawa ito ng tao, ipagkakaloob sa kaniya ng Panginoon ang buhay na walang hanggan (Juan 10:27−28).
Samakatuwid, napakahalagang malaman ng tao kung ano ang ipinagagawa ng Tagapagligtas para ang tao ay maligtas.
Ano ang ipinagagawa ng Panginoong Jesucristo para ang tao ay makasumpong ng buhay na walang hanggan o ng kaligtasan? Ganito ang Kaniyang pagtuturo:
“Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan, at makit-id ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.” (Mat. 7:13−14)
Ang pintuan na tinutukoy ay ang Panginoong Jesucristo mismo (Juan 10:9) at magagawa ng tao ang pagpasok sa Kaniya sa pamamagitan ng pagpasok sa Kaniyang kawan:
“Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Mismong ang Panginoong Jesucristo, na Siyang Tagapagligtas, ang nagpapatotoo na ang mga maliligtas ay nasa loob ng isang kawan. Hindi sila basta nagpahayag lamang ng kanilang pagkilala sa Panginoong Jesucristo ni tinanggap lamang Siya bilang pansariling Tagapagligtas. Ang kawan ay ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Samakatuwid, upang ang tao ay magtamo ng kaligtasan, dapat siyang pumasok o umanib sa Iglesia Ni Cristo. Ito ang ililigtas ng Tagapagligtas.
Bakit ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang nakatitiyak ng kaligtasan, gayong sila ay nagkasala rin? Dahil ang Iglesia Ni Cristo ang binili o tinubos ng Panginoong Jesucristo ng Kaniyang dugo. Bunga nito, natamo ng mga kaanib nito ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan (Efe. 1:7).
Dahil ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos at napatawad sa kasalanan, tiyak na tatamuhin nito ang karapatang maglingkod sa Diyos at ang kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom (Heb. 9:14; Rom. 5:8−9). ❑