HALOS IKATLONG bahagi ng populasyon ng mundo—tinatayang 2.38 bilyong katao—ang nagpapakilalang sila ay Cristiano (worldpopulationreview.com). Subalit taliwas sa malaganap na paniniwalang sapat na ang pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kaniyang mga aral para maibilang na Kaniyang tagasunod o Cristiano, itinuro ni Apostol Juan, isa sa mga haligi ng Iglesia Ni Cristo noong unang siglo, na ang pagiging Cristiano ay may kaakibat na pananagutan:
“Maaaring sabihin ng isang tao, ‘Ako ay isang Cristiano; Ako ay nasa daan patungo sa langit; Ako ay na kay Cristo.’ Ngunit kung hindi naman niya ginagawa ang iniuutos sa kaniya ni Cristo na gawin niya, siya’y isang sinungaling.” (I Juan 2:4 Living Bible*)**
Maliwanag na ang pagiging Cristiano ay hindi isang katawagan o designasyon lamang na maaaring ikapit ninuman sa kaniyang sarili. Maaaring ang buong akala ng isang tao ay siya’y Cristiano, subalit kung tumatanggi siya o hindi siya sumusunod sa ipinag-uutos ni Cristo, nahuhulog lamang siya sa pagpapanggap, at gaya ng tahasang pahayag ng Biblia—siya’y isang sinungaling.
Ito ay sa dahilang ang Tagapagligtas mismo ang naghahanap sa mga nagsasabing sila’y kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon na gawin nila ang Kaniyang sinasabi:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Kaya, kung hindi matutugunan ng tao ang pananagutang sumunod sa mga utos ni Cristo, ang kaniyang pagiging tagasunod diumano ni Cristo o pagiging Cristiano ay isang pag-aangkin lamang.
Ang pagiging tunay na Cristiano ay kailangang may pagpapatotoo mismo mula sa Panginoong Jesucristo. Bilang Pastor ng mga tupa, kilala Niya kung sino ang tunay na sa Kaniya:
“Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, … Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:14, 27*)
Ipinaliwanag ni Cristo na ang mga taong hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa, bagama’t kumikilala diumano sa Kaniya, ay hindi tunay na mananampalataya:
“Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.” (Juan 10:26*)
Itinuro ni Cristo kung paano makikilala ang Kaniyang mga tupa at kung saan sila matatagpuan. Sila ang mga taong dininig ang Kaniyang tinig o sinunod ang Kaniyang utos na pumasok sa loob ng kawan:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible*)**
Ang kawan kung saan masusumpungan ang mga tunay na tupa o alagad ni Cristo ay ang Iglesia na Kaniyang itinayo (Mat. 16:18)—ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation*)**
Samakatuwid, ang mga taong wala sa loob, bagkus ay nasa labas ng Iglesia Ni Cristo, sa kabila ng kanilang pagpapahayag at pag-aangkin sa pagiging alagad ni Cristo, ay Cristiano sa katawagan lamang. Sila ay hindi tunay na Cristiano.
Bilang mga tunay na Cristiano, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay inaasahang magtataglay ng “pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman” (Filip. 2:5).
Ang pag-iisip ni Cristo ay ang “kaniyang di-makasariling kababaang-loob” (Filip. 2:5 Amplified Version 2015).** Pinatunayan Niya iyon sa pamamagitan ng walang pasubaling pagsunod sa kalooban ng Diyos, at “siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang sa kamatayan” (Filip. 2:8 New Pilipino Version).
Bilang tao, hindi naging magaan sa kalooban ni Cristo na harapin ang Kaniyang napipintong kamatayan, gayunma’y buong giting Niya iyong tinanggap bilang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Ang sabi ni Cristo, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mat. 26:39).*
Kaya, ang mga tunay na Cristiano sa ating panahon o ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay nag-uukol ng napakataas na pagkilala sa Panginoong Jesucristo bilang kanilang huwaran sa pagiging masunurin sa Panginoong Diyos. Sinisikap nilang tularan ang Kaniyang di-makasariling kababaang-loob sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Ama, sukdulang magtanggi sila ng kanilang sarili at magsakripisyo.
Anuman ang mangyari, sinisikap nilang makapamuhay “nang naayon sa ebanghelyo ni Cristo” (Filip. 1:27 npv). Bagama’t sila ay nasa “gitna ng isang lahing liko at masama,” nagpupunyagi silang makapanatiling “walang malay at malinis bilang mga anak ng Dios, na walang kapintasan” upang “magliwanag … sa gitna nila, tulad ng nagniningning na bituin sa kalangitan” (Filip. 2:15 npv).
Ang pagiging mapanalanginin ni Cristo sa Panginoong Diyos ay isang katangiang itinuturo sa mga kaanib ng Iglesia na sikaping maisabuhay:
“Noong si Jesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba.” (Heb. 5:7 Magandang Balita Biblia)*
Sa pagharap sa mga tukso, tinutularan din ng mga kapatid ang halimbawa ni Cristo, na nang tuksuhin ng diablo, ay nanghawak sa “nasusulat” (Mat. 4:1–11)—mga salita ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan. Kaya, nagagawa nilang pagtagumpayan ang mga pakana ng diablo sa pamamagitan ng mahigpit nilang panghahawak sa mga aral ng Diyos na itinuro sa kanila ng Kaniyang Sugo sa mga huling araw at ng Pamamahala sa Iglesia.
Tunay ngang ibinubuhay ng mga tapat na kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang pagiging tagasunod ni Cristo. Sila ay Cristiano sa isip, sa salita, at sa gawa—hindi sa pangalan lamang. ❑
* Idinagdag ang pagdiriin
** Isinalin mula sa Ingles