PARA SA MARAMING mga tao dito sa mundo, ang lumulubhang kahirapan, matitinding kalamidad, at mabibigat na suliranin sa buhay, ay ilan lamang sa mga nagpapabigat ng pagdadala ng kanilang buhay. Idagdag pa rito ang mga nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng mga wildfire, refugee crisis, digmaan, at civil unrest.
Paano ba dapat harapin ng tao ang mga pagsubok at suliranin sa kaniyang buhay at ano ang lunas sa mga ito?
Ipinagpauna ng Biblia na “sunud-sunod na sakuna ang darating” sa mga tao. Maghahanap sila ng sagot mula sa mga mangangaral ng relihiyon nila ngunit “mawawala ang kautusan mula sa mga pari at payo mula sa mga nakatatanda” at ang masusumpungan nila ay pagluluksa, takot, at kawalan ng pag-asa dahil sila ay hahatulan ng Panginoon (Ezek. 7:26–27 Unlocked Literal Bible).*
Marami ngayon ang naghahanap ng solusyon sa kanilang suliranin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paniniwalang labag naman sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ganito rin ang ginawa ng mga tao noon, kaya nagalit ang Panginoon at nagtakda Siya ng Araw ng Paghuhukom, na siyang kakila-kilabot na wakas at dumarating nang napakabilis (Zef. 1:14, 18). Tiniyak ng Biblia na ang lahat ay nanganganib sa parusang ito at kahit ang mayayaman, mga makapangyarihan, at malalakas ay hindi makaiiwas sa galit na ito ng Diyos.
Ngunit, may ipinakilala si Apostol Pablo na mga taong mahal ng Panginoon kaya maliligtas sa Kaniyang parusa:
“Mga kapatid, mahal kayo ng Panginoon. Hinirang kayo ng Diyos mula pa sa pasimula upang maligtas. Kaya dapat namin Siyang laging pasalamatan alang-alang sa inyo. Ligtas kayo sa pamamagitan ng Espiritu na pinapagiging banal kayo at sa pamamagitan ng inyong pananampalataya (pagsampalataya) sa katotohanan. Tinawag kayo ng Diyos upang magkaroon ng kaligtasang iyon. Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa Mabuting Balita na ipinagbigay-alam namin sa inyo. Tinawag kayo ng Diyos upang makabahagi kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.” (II Tes. 2:13–14 Easy-to-Read Version)*
Ang mga taong mahal ng Panginoon ay hindi yaong basta sumampalataya lamang kundi ang may kahalalan mula sa Diyos sapagkat hinirang Niya sila. Tinawag sila ng Diyos upang magtamo ng kaligtasan sa paraang pinangaralan sila ng mga aral na itinuro ng mga apostol, na mga sugo ng Diyos, na kanilang sinampalatayanan. Sila ang tinutukoy sa Biblia na makababahagi sa kaluwalhatian ni Cristo. Sila ang mga tinawag sa iisang Iglesia na katawan ni Cristo (Col. 3:15 Expanded Bible) o mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation).
Ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na ito ay bunga rin ng gawain ng Sugo ng Diyos—ang Kapatid na Felix Y. Manalo—at sa Iglesiang ito natupad ang mga hula ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Kaya, sila rin ay tinawag ng Diyos upang makabahagi sa kaluwalhatian ni Cristo at magtamo ng kaligtasan pagdating ng dakilang araw (II Tes. 2:13–14). Kung gayon, ang sinumang nagnanais na mapabilang sa mga minamahal ng Diyos at makasiguro ng pagtatamo ng kaligtasan ay dapat umanib sa Iglesia Ni Cristo.
Gayunman, tulad ng nalalaman ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, hindi sapat ang pag-anib lamang sa Iglesia. Kailangang makapamalagi sila sa kanilang kahalalan. Upang magawa ito sa harap ng mga hirap at tiisin, sila ay inaasahan ng Diyos na hindi papayagang “mawala itong mapagtitiwalaang pananalig sa Panginoon, anuman ang mangyari” (Heb. 10:35–36 New Living Translation).* Dapat ay lagi silang nakatutok sa dakilang gantimpala na ipinangako sa kanila ng Diyos. Upang makamit nila iyon, kailangan nila ang matiyagang pagbabata o pagtitiis na may pagtatagumpay.
Ipinagdiriinan ito ng Pamamahala sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sapagkat ipinagpauna ng Biblia na ang kalaban ng Diyos, si Satanas, na ang nais ay huwag maligtas ang tao, ay liligligin sila tulad ng sa trigo. Kaya, kailangang ang kanilang “pananampalataya ay huwag manghina” sapagkat ang Panginoong Jesucristo mismo ang mananalangin sa Diyos para sa kanila upang sila ay palakasin (Lucas 22:31–32 New International Version).*
Ang diablo ay gumagamit ng maraming taktika upang alisin sa daan ng kaligtasan ang mga hinirang ng Diyos. Kaya, laging ipinaaalala sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na huwag bigyan ng pagkakataon ang diablo na magawa ang mga bagay na ito. Sa Awit 34:1–3, ganito ang itinuturo ng Biblia upang manatili ang mga salita ng Diyos sa kanilang puso:
“Pupurihin ko ang Panginoon anuman ang mangyari. Lagi kong sasalitain ang kaniyang mga kaluwalhatian at biyaya. Ipagmamapuri ko ang lahat ng kaniyang kabutihan sa akin. Hayaang magpakatatag ang mga nawawalan ng pag-asa. Sama-sama nating purihin ang Panginoon, at dakilain ang kaniyang pangalan.” (Living Bible)*
Kaya, gayon na lamang ang pagsisikap at pagtatalaga ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na dumalo sa kanilang mga pagsamba kung saan bukod sa naisasagawa nila ang pagpupuri sa Diyos, ay itinuturo rin sa kanila ang Kaniyang mga aral na dapat nilang isakatuparan. Makatitiyak sila na hindi sila mawawalan ng lakas sapagkat sa pagsamba ay sagana itong ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila.
Napapansin din ng marami na napakasigla ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa mga gawain at kilusang inilulunsad ng Pamamahala, kahit pa mahirap ang pamumuhay ngayon. Bagama’t nagsisikap din sila sa paghahanapbuhay, sa pag-aaral, at sa pagharap sa iba pang mga alalahanin sa buhay na ito ngunit priyoridad pa rin nila ang pagiging aktibo sa lahat ng gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Diyos. Ito ay dahil maliwanag sa kanila na “anumang bagay ang maaaring mangyari, dapat [silang] magpatuloy na mamuhay para kay Cristo” at “gawin ang lahat ng bagay na dapat gawin ng mga taong kay Cristo” (Fil. 1:27 EasyEnglish Bible).*
Sa halip na malungkot o ma-depress sa mga pangyayari sa kanilang paligid, isinasapuso ng mga kaanib ng Iglesia ang itinuturo ng Biblia para magawa nila ang lahat ng inaasahan sa kanila ng Diyos:
“Subalit nais ko na mamalagi kang kalmado anuman ang mangyari. Huwag kang susuko kapag ang mga panahon ay mahirap. Gumawa ka at ipalaganap ang mabuting balita. Gawin mo ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa iyo ng Diyos.” (II Tim. 4:5 New International Reader’s Version)*
Itinuturing ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na sila ay napakapalad sapagkat ang Diyos ay nasa kanilang panig. Kaya, hindi nila pinababayaan kundi lalo nilang pinagtatalagahan ang taimtim na pananalangin sa Kaniya. Alam nila na pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang kanilang mga paglapit. ❑
*Isinalin mula sa Ingles