Ang dapat tuparin
ng maglilingkod sa Diyos

Ang paglilingkod sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos nang buong puso at buong kaluluwa.

Ni EUGENE G. LISING

MAY IBA’T IBANG paniniwala tungkol sa kung papaano dapat isagawa ang paglilingkod sa Diyos. Para sa iba, sapat na ang kahit anong uri at paraan ng pagkilala at paglilingkod—iyon daw ay tinatanggap na ng Diyos.

Ngunit papaano ba ang marapat na paglilingkod ng tao sa Diyos? At sino ang dapat masunod sa paglilingkod sa Kaniya?

Ang tunay na paglilingkod sa Diyos

Itinuturo ng Banal na Kasulatan ang paraan ng tunay na paglilingkod sa Diyos. Ganito ang pahayag:

“At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo. Na ganapin mo ang mga utos ng Panginoon, at ang kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito sa iyong ikabubuti?” (Deut. 10:12–13)

Ang paglilingkod sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos nang buong puso at buong kaluluwa. Namamalagi ang katotohanang ito hanggang sa panahong Cristiano. Ipinahayag mismo ng Panginoong Jesucristo:

“Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” (Mat. 6:9–10)

Iniutos ng Panginoong Jesucristo na sambahin ang Pangalan ng Ama at gawin o sundin ang Kaniyang kalooban. Kaya, namamalagi na ang maglilingkod sa Diyos ay dapat sumunod sa Kaniyang mga kalooban. Alinmang relihiyon o sinuman na ang uri ng paglilingkod, pagkilala, at pagsamba sa Diyos ay labag sa mga kautusan Niya ay natitiyak nating hindi tunay na naglilingkod sa Kaniya.

“At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo.”

Deuteronomio 10:12

Ang hindi maiiwasan upang makasunod

Nagbigay ng halimbawa ang Panginoong Jesucristo ng wastong pagsunod sa kalooban ng Diyos:

“Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.” (Juan 6:38)

Bagama’t ang Panginoong Jesucristo ay bugtong na Anak ng Diyos, itinanggi Niya ang sariling kalooban upang ang masunod ay ang kalooban ng Diyos.

Si Apostol Pablo na may mataas na pinag-aralan sa kaniyang panahon ay nagtanggi rin ng sarili alang-alang sa pagsunod. Sinabi niyang,

“At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili … kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios …” (Filip. 3:9)

Kaya upang maisagawa ng sinuman ang tunay na paglilingkod sa Diyos, dapat niyang sundin ang kalooban ng Diyos at dahil dito, hindi maiiwasan ang pagpapakababa at pagtatanggi ng sarili.

Ang katunayan ng pagkilala sa Diyos

Maaaring sabihin ng iba na nagpapakasakit naman sila alang-alang sa pagkilala at paglilingkod nila sa Diyos. Ngunit dapat makatawag ng pansin sa kanila ang ipinahayag ni Apostol Pablo:

“Sapagka’t sila’y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa’t hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.” (Roma 10:2–3)

Ano ang ibig sabihin na ang kanilang pagmamalasakit sa Diyos ay hindi ayon sa pagkakilala? Papaano ang pagkilala sa Diyos ayon sa Biblia? Sa pamamagitan ng pagtupad o pagsunod sa Kaniyang mga utos (I Juan 2:3–4). Sinungaling at wala sa katotohanan ang nagsasabing nakikilala niya ang Diyos ngunit hindi tumutupad ng Kaniyang mga utos.

“Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

Juan 6:38

Ang kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao

Papaano makararating ang tao sa tunay na paglilingkod at pagkilala sa Diyos? Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao?

“Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko.” (Efe. 1:9–10)

Ang kalooban, minagaling, at ipinasiya ng Diyos ay tipunin o pagsama-samahin ang lahat ng tao sa Panginoong Jesucristo.

Upang matipon sa Kaniya ang lahat ng tao, kailangang sila ay maging “mga sangkap na samasama” sa “iisang katawan ni Cristo” (Roma 12:4–5). Hindi sila nakakalat sa iba’t ibang katawan. Ang tinutukoy na iisang katawan ay ang Iglesia na pinangunguluhan ni Cristo (Col. 1:18)—ang Iglesia Ni Cristo (Roma 16:16).

Ito ang katuwiran at kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao upang kanilang maisagawa ang tunay na paglilingkod sa Kaniya. Hindi dapat magtayo o gumawa ang sinuman ng sariling pamamaraan sa paglilingkod sa Diyos (Roma 10:2–3 Magandang Balita Biblia).

Ang kalooban ng Diyos kapag nasa tunay na Iglesia na

Ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay “nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa” (Efe. 2:10). Ang mabuti ay ang mga utos ng Diyos (Roma 7:12) at ang tanging makapangangaral nito ay ang sugo ng Diyos (Roma 10:15). Kaya sa loob ng tunay na  Iglesia  Ni  Cristo  dapat  umanib  ang  tao  sapagkat  naroon ang sugo ng Diyos na sa pamamagitan nito ay malalaman ng tao ang dalisay na mga salita ng Diyos na dapat lakaran sa ikababanal at ikaliligtas (Juan 17:17; Roma 1:16–17).

Dahil dito, ano ang dapat na maging uri ng bawat kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” (II Cor. 5:17)

Ang mga kay Cristo ay bagong nilalang na sapagkat iniwan na nila ang dating masamang paraan ng pamumuhay at ang kanilang ibinihis ay ang bagong espiritu ng pag-iisip at bagong pagkatao na ayon sa katuwiran at kabanalan (Efe. 4:21–24).

Ang mga ito ay dapat matupad ng sinumang naghahangad na maglingkod sa Diyos. Dapat niyang tiyakin na ang magagawa niya ay pawang kalooban ng Diyos. Dito lamang dapat masalig ang paglilingkod niya upang ito ay magkaroon ng kabuluhan sa Diyos at kaniyang ikaligtas sa Araw ng Paghuhukom