SA BUHAY NA ITO, maraming pinahahalagahan ang tao—mga bagay na pinaniniwalaan niyang makapagdudulot sa kaniya ng kaligayahan. Maaaring ito ay kapayapaan ng pag-iisip, edukasyon, ari-arian, propesyon, pamilya, estado sa buhay, karangalan, karangyaan, at marami pang iba. Upang makamit at maingatan ang mga ito, ginagawa ng tao ang buo niyang makakaya at patuloy na binibigyang prayoridad ang mga bagay na lubhang mahalaga sa kaniya.
Subalit, sa mga bagay ba rito sa mundo matatagpuan ng tao ang tunay na kasiyahan? At kung masaya man siya sa buhay na ito, iyon kaya ay magtatagal? Sino ang itinuturo ng Biblia na mga taong magkakaroon ng kagalakang walang katulad at walang hanggan?
May ipinakilala si Apostol Pablo na mga taong tatanggap ng mga pagpapala ng Diyos:
“Ang katotohanan nahayag ngayon ay ito: ang mga Gentil ay maaaring maging kapuwa mga tagapagmana ng Diyos, kasama ng Israel. Sila ay karapat-dapat na ipakipag-isa sa iisang katawan—ang Iglesia ni Cristo. Silang lahat ay makatatanggap na ngayon ng mga pagpapalang ipinangangako ng Diyos sa Dakilang Balita tungkol kay Cristo.” (Efe. 3:6 Last Days Bible)*
Tinawag ni Apostol Pablo ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na “mga tagapagmana ng Diyos.” Dahil dito, sila ay “makatatanggap na ngayon ng mga pagpapala na ipinangangako ng Diyos.”
Tinitiyak ng Biblia na totoong mapalad ang mga kaanib ng tunay na Iglesia Ni Cristo sapagkat sila ang may bahagi sa “Bagong Jerusalem—ang makalangit na lungsod ng Diyos na buhay” (Heb. 12:22 The Remedy New Testament)* o ang Bayang Banal. Sila ang pinangakuan ng pagpapala ng Diyos, higit sa lahat, ang makapaninirahan sa langit kapiling ang Diyos at si Cristo.
Inilarawan ng Panginoon Diyos ang magiging uri ng pamumuhay ng mga taong makararating sa Bayang Banal:
“Tandaan ninyo ito: Balang araw ako ay lilikha ng bagong langit at bagong lupa. Ang mga ito ay magiging lubos na kamangha-mangha na hindi na ninyo maiisip ang dati ninyong mga paghihirap. Maging masaya at laging magalak dahil sa aking gagawin: Ang Jerusalem ay magiging isang lugar kung saan magagalak ang mga tao; laging magiging masaya ang mga mamamayan doon. Ako ay magagalak tungkol sa Jerusalem at magsasaya ako kasama ng aking bayan. Ang mga tao ay hindi na mananangis o iiyak dahil sa kanilang pagdurusa.” (Isa. 65:17–19 Unlocked Dynamic Bible)*
Tinitiyak ng Panginoon sa mga taong makapaninirahan sa “bagong langit at bagong lupa” na sila ay “laging magiging masaya.” Idinagdag pa ng Diyos na ito ay “magiging lubos na kamangha-mangha” sapagkat doon ay “hindi na [nila] maiisip ang dati [nilang] mga paghihirap.” Kung sa mundong ito, pawang kalungkutan ang nadarama ng tao dahil sa bigat ng pagdadala ng buhay, sa Bayang Banal, ang “mga tao ay hindi na mananangis o iiyak dahil sa kanilang pagdurusa.”
Kaya lubos na pinahahalagahan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kahalalang ibinigay ng Diyos sa Iglesia. Hindi sila aalis dito anuman ang mangyari. Bakit? Ano ang kasamaan kapag hindi nakapamalagi sa loob ng Iglesia Ni Cristo? Inilahad ni Apostol Pablo ang kanilang sasapitin:
“Sapagkat wala akong pananagutang hatulan ang mga nasa labas ng iglesia ni Cristo. … Ang Diyos ang Siyang hahatol sa mga nasa labas ng iglesia. Iniutos sa atin ng mga kasulatan na, ‘Dapat ninyong alisin ang masamang tao sa gitna ninyo!’” (I Cor. 5:12(a)−13 UDB)*
Kaawa-awa ang kalagayan ng mga taong aabutan ng Araw ng Paghuhukom na wala sa loob ng Iglesia Ni Cristo sapagkat ang “Diyos ang Siyang hahatol sa mga nasa labas ng iglesia.” Kahit pa natamo nila ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanila rito sa mundo, mawawalan lamang ng kabuluhan ang lahat ng iyon kung hindi naman sila maliligtas pagdating ng takdang panahon.
Dapat pagsikapan ng tao, kung gayon, na mapabilang sa tunay na Iglesia. Dito matatagpuan ang tunay na kagalakan sapagkat ang mga kaanib nito ang magtatamo ng buhay na walang hanggan.
Paano kung sa gitna ng kanilang paglalakbay sa mundo ay makasagupa ng napakabigat na pagsubok at suliranin ang mga kaanib ng Iglesia? Ipinayo rin ni Apostol Pablo na:
“Lahat tayong kabilang sa iglesia ni Cristo, dapat natin Siyang purihin magpakailan-kailanman. … Ang Diyos ang may kapangyarihang gumawa nang higit pa sa mahihiling natin! Hindi natin mahuhulaan kung ano ang kayang gawin ng Diyos upang tulungan tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan Niya.” (Efe. 3:21, 20 Traducción en Lenguaje Actual, isinalin mula sa Kastila)
Sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, magtatagumpay ang mga lingkod Niya sa anumang hadlang sapagkat Siya ay “may kapangyarihang gumawa nang higit pa sa mahihiling” nila. Ang totoo, hindi nila lubos na maiisip “kung ano ang kayang gawin ng Diyos” sa buhay nila.
Kaya, hindi dapat mawalan ng pag-asa o masiraan ng loob ang mga kabilang sa bayan ng Diyos. Anuman ang mangyari, dapat nilang ipagpatuloy ang pagbibigay kapurihan sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad sa Kaniyang mga kalooban. Yayamang sila ang inibig at hinirang ng Diyos na taglay ang “kapayapaang ibinibigay ni Cristo,” (Col. 3:12, 15 Expanded Bible)* marapat lamang na sila ay “magpakatapang, manalig, magpakatotoo, lakasan ang loob” sa kabila ng “pagkabalisa at kabiguan” (Juan 16:33 Amplified Bible).*
Upang makatiyak na tatanggapin ang lahat ng mabubuting bagay mula sa Diyos, higit sa lahat ang Kaniyang pagliligtas, ang mga lingkod Niya ay dapat na lubos na magtiwala sa Kaniya:
“Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ng mabubuting bagay. Manirahan ka sa lupain, at magsanay sa pagiging tapat. Maging masaya na kasama ang Panginoon, at ibibigay Niya sa iyo ang mga hangarin ng iyong puso. Ipagtiwala mo ang iyong mga gawain sa Panginoon. Pagtiwalaan Siya, at Siya ang kikilos para sa iyo. Gagawin Niyang maliwanag ang iyong katuwiran tulad ng ilaw, ang iyong makatuwirang layunin tulad ng araw sa katanghaliang-tapat. Isuko mo ang iyong sarili sa Panginoon, at matiyagang maghintay sa Kaniya …” (Awit 37:3–7 God’s Word)*
Ang mga lingkod ng Diyos ay pinapayuhang magtiwala sa Panginoon, “gumawa ng mabubuting bagay,” at “magsanay sa pagiging tapat.”
Nangako rin ang Panginoong Diyos na “Siya ang kikilos” para sa Kaniyang mga hinirang. Anuman ang hangarin ng kanilang puso ay ibibigay Niya sa kanila kung hahanapin nila ang kasiyahan sa piling ng Panginoon.
Nakadarama man ng labis na kalumbayan dulot ng iba’t ibang intindihin sa buhay, sinasampalatayanan ng mga tunay na kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ito ay panandalian lamang. Hindi ang mga bagay sa mundong ito ang tunay na nakapagpapasaya sa kanila. Kaya, kung may mga kabiguan man, hindi nila iisipin na sila ay kahabag-habag. Matibay ang pananalig nila na sila ang tunay na mapalad sapagkat sa kanila ipinagkaloob ng Diyos ang pag-asa sa kaligtasan. Ito ang maghahatid sa kanila sa tunay na kaligayahang walang katulad. ❑
*Isinalin mula sa Ingles