Ang kinakailangan upang tunay
na matanggap si Cristo at maligtas

Kailangang tugunin ng tao ang pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pagsusugo na sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo.

Ni SIEGFRED T. GOLLAYAN

MARAMI SA MGA NANGANGARAL upang ibahagi ang umano’y mensahe ng Panginoon para sa kaligtasan ay may paniniwala na ang Biblia ay isang “bukas na aklat” na maaaring ipaliwanag o bigyan ng sariling pakahulugan ng sinumang bumabasa nito. Hindi sila naniniwalang nagsusugo ang Diyos ng tagapangaral ng Kaniyang kalooban. Manapa, ang sinasabi nila’y, “Noon iyon. Ngayon ay lipas na ang katotohanang iyon. Hindi na kailangan ang pagsusugo sa panahong ito.”

Tama kaya ang pagmamatuwid nilang ito?

Hindi sapat ang tumawag sa Panginoon

Marami sa mga nangangaral ngayon ay sumisitas din ng talata ng Biblia upang patunayan ang kanilang paniniwala na hindi na raw kailangan ang pagsusugo. Isa rito ang nasa Gawa 2:21, na ganito ang sinasabi:

“At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas.”

Binibigyang-kahulugan ng iba ang talatang ito na sapat na raw ang pagtawag sa Panginoon upang maligtas ang tao. Gayunman, hindi ang kahit sino na lamang ang binabanggit dito. Bilang katunayan, tungkol sa pangungusap na sinitas ay ganito ang ipinaliwanag ng mga apostol:

“Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.’ Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, ‘O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng mabuting balita!’” (Roma 10:13–15 Magandang Balita Biblia)

Batay rito, hindi makatatawag o walang karapatang tumawag sa Panginoon ang hindi sumasampalataya. Ang pananampalataya ay nagmumula sa pakikinig ng mga aral ng Diyos. Ngunit hindi mapakikinggan ang aral ng Diyos kung walang tagapangaral. Ayon sa mga apostol, hindi makapangangaral o walang karapatang mangaral ang hindi sugo ng Diyos.

“‘At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, ‘O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng mabuting balita!’”

Roma 10:15

Magandang Balita Biblia

Ang pinagtiwalaan ng salita

Ang isa pa sa mga katunayang hindi lahat ng tumatawag sa Panginoon ay maliligtas ay ang mismong pahayag ng Panginoong Jesucristo na hindi lahat ng tumatawag sa Kaniya ay papasok sa kaharian ng langit:

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:21)

Kahit pa kumikilala o sumasampalataya sa Panginoon ang tumatawag sa Kaniya, kung hindi naman ginaganap ang kalooban ng Ama sa langit, ay itataboy rin sa Araw ng Paghuhukom (Mat. 7:22–23). Kaya, mali ang pagkaunawa sa Gawa 2:21 ng mga nagsasabing hindi na kailangan ang pagsusugo. Sa sugo ng Diyos ipinagkatiwala ang Kaniyang salita na siyang dapat isakatuparan ng tao (II Cor. 5:18–20).

Dapat ay tawagin ng Diyos

Higit kaninuman, ang Panginoong Diyos mismo ang nagpapatunay na may mga taong kahit tumawag sa Kaniya ay hindi Niya sasagutin at hindi maliligtas:

“Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; … Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan.” (Kaw. 1:24, 28)

May pagtawag na ginagawa ang Diyos sa mga tao. Masamang tanggihan ito sapagkat ang tumanggi sa pagtawag Niya ay hindi sasagutin kapag sila naman ang tumawag.

Ang pagtawag ng Diyos na tinanggihan ng mga taong hindi Niya sasagutin kapag sila naman ang tumawag sa Kaniya ay ang pagtawag upang ipakisama kay Cristo (I Cor. 1:9).

Hindi maaaring basta na lamang angkinin ng tao na siya ay may pakikisama kay Cristo dahil ang pagtawag ng Diyos ay sa pamamagitan ng ebanghelyo (II Tes. 2:14), na gaya ng binanggit sa unahan, ay sugo ng Diyos ang siyang magtuturo (II Cor. 5:19–20). Kaya, kalooban ng Diyos ang sinasalungat ng mga nagsasabing hindi na kailangan ang pagsusugo.

Idagdag pa, kung ang nangangaral sa tao ay hindi sugo ng Diyos, hindi rin sila maipakikipagkasundo sa Diyos. Kaya kahit tumawag sila nang tumawag ay hindi sila sasagutin, at lalong hindi sila maliligtas.

May pagtawag sa panahong Cristiano

Ang mga tunay na may karapatang tumawag sa Diyos ay Kaniyang ibinubukod:

“Nguni’t talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako’y tumawag sa kaniya.” (Awit 4:3)

Maging sa panahong Cristiano ay nananatili ang katotohanang ang ibinukod o inihalal ang may karapatang humingi at bigyan (Juan 15:16). At ang ibinukod o tinawag ng Diyos sa panahong Cristiano ay may “panatag na salita ng hula” (II Ped. 1:19).

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”

Mateo 7:21


Ang mga hinirang sa panahong Cristiano ay may kahalalang nakabatay sa mga hula ng Biblia. Kaya hindi maaaring basta angkinin ng tao na siya ay hinirang o inihalal. Kailangang patunayan niya na may hula ng Biblia na nagpapatotoo sa kaniyang kahalalan.

Ang pagtanggap kay Cristo

Kahit pa imatuwid ng iba na tinanggap na raw nila si Cristo bilang kanilang pansariling Tagapagligtas, hindi nila tunay na magagawa iyon nang hiwalay sa pagsusugo. Sinasabi mismo ni Cristo:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.” (Juan 13:20)

Ang pagtanggap kay Cristo at sa Panginoong Diyos ay sa paraang tanggapin ang Kanilang isinugo. At ang pagtatakuwil sa sugo ay katumbas naman ng pagtatakuwil kay Jesus at sa Diyos (Lucas 10:16).

Upang tanggapin ng Diyos at ni Cristo ang paglilingkod ng tao ay kailangan niyang umugnay sa sugo. Ang katotohanang ito ay pinatunayan ng karanasan ni Cornelio:

“At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano. Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios.

“Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio. At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon?  At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.” (Gawa 10:1–4)

Kung pamantayan ng tao ang pagbabatayan, pasado si Cornelio upang makapaglingkod sa Panginoon—mabait siya at masipag sa kabanalan o isang taong relihiyoso, kasama ng kaniyang pamilya. Pero hindi naging sapat ang mga iyon, bagkus ang mga ginawa niya ay “nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.”

Kaya, upang tanggapin ang kaniyang paglilingkod, tinagubilinan siya ng anghel ng Diyos na umugnay kay Apostol Pedro, na isang sugo ng Diyos (Gawa 10:5–6), upang mapakinggan ang mga utos ng Diyos (Gawa 10:30–33). At gayon nga ang nangyari sa kaniyang pag-ugnay kay Apostol Pedro—tinuruan siya nito ng mga salita ng Diyos (Gawa 10:34).

Kung gayon, napakahalaga ng pagsusugo ng Diyos. Hindi magagawa ng tao ang tunay na pagtanggap kay Cristo kung hindi siya uugnay sa sugo. Hindi pakikinggan ng Diyos ang pagtawag ng tumatanggi sa Kaniyang pagsusugo. At hindi maipakikipagkasundo sa Kaniya ang nagtatakuwil sa sugo.

Kaya, upang tunay na matanggap ng tao si Cristo at maligtas, kailangang tugunin muna ng tao ang pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pagsusugo. May sugo ang Panginoong Diyos sa mga huling araw na ito na pinagkatiwalaan na mangaral ng dalisay na ebanghelyo. Kilalanin siya at alamin ang mga hula ng Biblia na nagpapatotoo sa kaniyang pagiging sugo sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuri sa mga aral na sinasampalatayanan sa Iglesia Ni Cristo. ❑