Ang makadadaig sa kamatayan

Ang kamatayan na hindi kayang daigin ng tao sa ganang kaniyang sarili ay magagawa niyang daigin kung siya’y nasa Iglesia na itinayo ni Cristo.

Ni LLOYD RUBEN I. CASTRO

WALANG PINIPILI ang kamatayan. Araw-araw at oras-oras ay nanganganib ang tao sa kamatayan, anuman ang kalagayan niya sa mundo (Job 21:23, 25–26).

Pagdating ng kamatayan ay magkakatulad ang sasapitin ng lahat, mayaman man o mahirap. Ang lahat ay uuwi sa alabok—at ito ay hindi mapipigilan ng sinumang tao (Ecles. 8:8).

Malaki na ang iniunlad ng kabihasnan at isinulong ng karunungan ng tao, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuklasan kung paano mapipigil ang pagdating ng kamatayan.

Ang Paghuhukom

Bukod sa kamatayang pagkalagot ng hininga ay mayroon pang lalong hindi kayang pigilin ng tao:

“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27)

Ang kamatayan at Araw ng Paghuhukom ay kapuwa itinakda ng Diyos kaya hindi mapipigil ng tao ang mga ito. Kapuwa darating ang mga ito sa tao, hindi niya maiiwasan o matatakasan.

“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.”

Hebreo 9:27

Bakit itinakda ng Diyos sa tao ang kamatayan?

“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)

Itinakda ng Diyos na mamatay ang tao dahil sa kasalanan niya. Ito rin ang dahilan kaya siya nahiwalay sa Diyos (Isa. 59:2). Dahil dito, ang pagtuturing ng Diyos sa mga taong nagkasala ay patay:

“Noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan.” (Efe. 2:1 Magandang Balita Biblia)

Sa ganitong kalagayan ng tao sa harap ng Diyos, tanggapin kaya Niya ang gagawing paglilingkod ng tao sa Kaniya? Hindi, sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, gaya ng sinasabi sa Mateo 22:32 (mb).

Ang pakikipag-isa kay Cristo

Ang tao, na itinuturing ng Diyos na patay dahil sa kasalanan, ay muling magkakaroon ng karapatan sa buhay kung makikipag-isa siya kay Cristo:

“Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob). Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan.” (Efe. 2:4–6 mb)

Kailangan ng tao si Cristo, ngunit hindi sapat na maniwala o sumampalataya lamang sa Kaniya. Ang kailangan ay makipag-isa ang tao sa Kaniya. Ito ang paraan upang matamo ang habag at pag-ibig ng Diyos. Paano magiging isa kay Cristo ang mga tao? Sa Efeso 2:14–15 ay ganito ang itinuturo ng Biblia:

“Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay, Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan.”

Upang maging isa kay Cristo ang mga tao, kailangang mapabilang sila sa isang taong bago na ginawa ni Cristo. Ang kabalangkasan ng taong bago ay ulo at katawan—si Cristo, bilang ulo, at ang Iglesia, bilang katawan (Col. 1:18).

“Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan.”

Efeso 2:6

Magandang Balita Biblia

Ang pangako ni Cristo sa Iglesia

Sa Mateo 16:18 ay ganito ang sinasabi:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (mb)

Ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi makapananaig sa Iglesia na itinayo ni Cristo. Sa Gawa 20:28 ay nilinaw ng mga apostol kung aling Iglesia ang itinayo ng Panginoong Jesus:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Ang kamatayan na hindi kayang daigin ng tao sa ganang kaniyang sarili ay magagawa niyang daigin kung siya’y nasa Iglesia Ni Cristo. Si Cristo mismo ang nangako na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi makapananaig sa Kaniyang Iglesia. Kung totoo ito, bakit may mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na namamatay? Nangangahulugan ba ito na nadaig sila ng kamatayan?

“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16–17)

Ang mga kay Cristo o mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, bagaman malagutan ng hininga, ay hindi pa rin mapagtatagumpayan ng kamatayan sapagkat sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, sila ang unang bubuhaying mag-uli. Sa dakilang araw na yaon, silang mga makakasama sa unang pagkabuhay ay hindi lamang makapagtatagumpay sa kamatayang pagkalagot ng hininga, kundi maging sa ikalawang kamatayan (Apoc. 20:6, 14). ❑