HANGAD NG LAHAT na maging matiwasay at masaya ang kanilang buhay. Upang ito ay matamo, buong sikap na sinusunod ng maraming tao ang mga prinsipyo o panuntunan na inaakala nilang makapagbibigay sa kanila ng ibayong pakinabang. Ang mga panuntunang ito, na maaaring natuklasan nila sa ganang sarili o natutuhan nila sa ibang tao, ang nagdidikta kung ano ang kanilang gagawin upang magtagumpay sila sa kanilang mga plano at makamit nila ang mga pinapangarap, tulad ng kayamanan at kasiyahan sa buhay.
Dahil dito, napakahalagang matiyak ng tao kung alin ang tamang panuntunang dapat niyang sundin na magsisilbing mapagtitiwalaang gabay niya sa araw-araw niyang pamumuhay at paghahanda para sa hinaharap.
Itinuturo ng Biblia na hindi ang naisip ng tao sa ganang kaniyang sarili, ni ang natutuhan niya sa ibang tao, ang panuntunan na dapat niyang ibuhay, kundi ang panuntunang galing sa Diyos:
“Ako’y nasasabik sa iyong mga panuntunan, bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.
“Mapalad silang sakdal ang landas, na sa kautusan ng PANGINOON ay lumalakad! Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo, na hinahanap siya ng buong puso, na hindi rin gumagawa ng kasamaan, kundi lumalakad sa kanyang mga daan.” (Awit 119:40, 1–3 Ang Bagong Ang Biblia)
Ang payo ng Biblia ay kilalanin ang mga kautusan ng Diyos bilang panuntunan sa buhay. Magiging mapalad ang taong buong ingat at buong pusong lumalakad sa daan ng Panginoon. Pinatunayan ng mga naunang lingkod ng Diyos na ang panuntunang galing sa Diyos ay siyang pinakamabuti at dapat na sundin:
“Itinuro niya sa akin at kanyang sinabi: ‘Sa aking mga aral buong puso kang manangan, Sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.’ “Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi, Kaya’t huwag na di mo pansinin, huwag ilayo sa paglimi.” (Kaw. 4:4 at 2 Magandang Balita Biblia)
Kung gayon, ang paniniwala, prinsipyo, o panuntunan na salungat sa panuntunan at kautusang ibinigay ng Diyos ay dapat tanggihan o itakwil. Hindi ito makatutulong manapa’y makasasama pa.
Kung ang hangad ng tao ay maligaya at panatag na buhay, hindi niya dapat ipag walang-bahala ang aral at kautusan ng Diyos. Ang pumipili sa paglakad sa mga utos ng Diyos ang siyang magkakamit ng tunay na kasiyahan at katiwasayan:
“Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: Sapagka’t kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos. Kaya’t ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: Ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.” (Awit 16:8–9)
Nag-iwan si Haring David, isang tapat na lingkod ng Diyos noon, ng mabuting mapagtutularan. Ginawa niyang una ang Diyos sa kaniyang buhay. Dahil ito ang kaniyang panuntunan sa buhay, namuhay siya nang masaya at tiwasay. Ang susi, kung gayon, sa buhay na masaya at tiwasay ay ang gawing pangunahin ang Diyos sa ating buhay.
Hindi ba magiging kalugihan para sa sinumang inuuna ang Diyos kung ang isasantabi naman niya ay ang para sa kaniyang mga “pangunahing pangangailangan” o prime necessities? Hindi ba ang mga pangangailangan ang dapat unahin, at saka na ang pagtatalaga ng para sa Diyos? Ganito ang itinuro ng Panginoong Jesucristo:
“Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:31–33)
Ayon sa Panginoong Jesucristo, alam ng Ama ang pangangailangan ng tao at ibibigay Niya ang lahat ng mga bagay na ito. Iyon ay kung ang hahanapin muna ng tao ang kaharian ng Diyos. Kung gayon, ang itinuturo ni Cristo na tunay na pangunahing kailangan ng tao ay ang kaharian ng Diyos. Dito niya dapat ituon ang kaniyang atensyon. Sa paghanap nito dapat niyang ibuhos ang lahat ng kaniyang makakaya.
Ang kaharian na ipinahahanap muna ay ang kaharian ng Kaniyang Anak, ang Panginoong Jesucristo (Col. 1:13–14). Narito ang katubusan at kapatawaran ng kasalanan. Ayon din sa mga apostol, ang may katubusan o binili ng dugo ng Panginoong Jesucristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo. Ito ang mababasa sa Gawa 20:28:
‘Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Kung ang panuntunan na bigay ng Diyos ang susundin ng tao, ihahatid siya nito na hanapin muna ang Iglesia Ni Cristo na siyang kinaroroonan ng katubusan at kapatawaran ng kasalanan. Ito kung gayon ang makapagbibigay sa kaniya ng kapanatagan dahil malalayo na siya sa kapahamakan ng kaniyang kaluluwa o sa walang hanggang kaparusahan.
Nangangahulugan ba na kapag natagpuan ng tao ang Iglesia Ni Cristo at umanib siya rito, hindi na niya puproblemahin ang paghanap sa iba pa niyang pangangailangan sa buhay? Hindi pa rin siya makaiiwas sa mga problema sa buhay na ito sapagkat “mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw” (II Tim. 3:1 mb). Magkagayunman, ano pa rin ang dapat niyang gawin? Ang patuloy na sundin ang panuntunan ng Diyos, tulad ng ginawa ng Kaniyang lingkod na si Job:
“Nguni’t nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; Pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto. Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko. Ako’y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; Aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.” (Job 23:10–12)
Nagdanas si Job ng sunud-sunod na masasakit na karanasan: namatay ang lahat ng kaniyang anak, nawala ang lahat ng kaniyang kayamanan, at nagkasakit siya. Subalit nanindigan pa rin siya na lubos na sumunod sa mga utos ng Diyos.
Nalugi ba siya nang pinanindigan niyang lakaran ang panuntunan ng Diyos? Hindi, dahil ang sabi sa Biblia, “Sa gayo’y pinagpala ng Panginoon, ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula” (Job 42:12).
Sa ganito dinadala ng panuntunan ng Diyos ang mga taong pinipili na sundin ito—sa isang mabuti at maligayang wakas. Ginagarantiyahan nito hindi lamang ang pagkakaroon ng kapanatagan at kaligayahan sa buhay na ito kundi ang lubhang higit pa—ang pagtanggap ng maluwalhating buhay na darating. Kaya, kailangang matibay na panindigan ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa harap ng anumang sitwasyon. ❑