MARAMING NILALANG ang Diyos sa mundong ito. Subalit sa lahat ng Kaniyang nilikha, ang tao ang niloob Niyang maging para sa Kaniya at magsagawa ng tunay na paglilingkod sa Kaniya (Awit 95:6). Ang tao rin ang nilikha ng Diyos na maging kalarawan Niya—sa pag-ibig at kabanalan (Gen. 1:26; Efe. 4:24, 1:4). Dito ay makikitang maliwanag, na sa panukala ng Diyos ay napakahalaga para sa Kaniya ng tao na Kaniyang nilalang.
Sa kabila nito, hindi nakapamalagi sa gayong kalagayan ang tao. Ano kaya ang dahilan? At paano muling magkakaroon ng kabuluhan ang tao sa Diyos?
Nawalan ng kabuluhan o halaga ang tao sa Diyos dahil sa kasalanan:
“Tulad ng nasusulat: ‘Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakauunawa, walang humahanap sa Dios. Silang lahat ay tumalikod, pare-pareho silang nawalan ng kabuluhan. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.’ … pagkat lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” (Roma 3:10–12, 23 New Pilipino Version)
Ang sabi ng Biblia tungkol sa tao, “pare-pareho silang nawalan ng kabuluhan” o nawalan ng halaga sapagkat lahat ay nagkasala (Roma 5:12). Kung gayon, bagaman sa panukala ng Diyos sa paglalang ay mahalaga sa Kaniya ang tao, subalit dahil sa kasalanang nagawa ng tao ay nawalan siya ng kabuluhan o halaga sa Kaniyang paningin.
Ipinasiya ng Diyos na pagbayaran ng tao ang kaniyang kasalanan ng kamatayan (Roma 6:23), at ang kahustuhang bayad ay ang ikalawang kamatayan:
“Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8)
Kaya, ang tao na dating mahalaga sa Diyos nang Kaniyang lalangin ay hindi lamang nawalan ng halaga o kabuluhan sa Kaniya nang mahulog ito sa pagkakasala, kundi pinasiyahan pa ng Diyos na parusahan ng ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy.
Gayunman, wala na bang pag-asa na makatakas sa parusang ito ang tao? Paano kaya magkakaroong muli ng kabuluhan o halaga sa Diyos ang tao?
Noong unang panahon ay may pinatutunayan ang Biblia na mga taong nagkaroon ng kabuluhan sa Diyos—ang bayang Israel:
“Kayo ang bansang banal sa PANGINOON ninyong Dios. Hinirang kayo ng PANGINOON ninyong Dios sa gitna ng mga bansa upang maging kanya bilang mahalagang ari-arian. Minahal kayo at itinangi ng Panginoon …” (Deut. 7:6–7 npv)
Ang mga Israelita ay naging mahalaga sa Diyos dahil ang sabi sa kanila, “Hinirang kayo ng Panginoon ninyong Dios … upang maging kanya bilang mahalagang ari-arian.” Samakatuwid, dahil sa pagkahirang o sa kahalalan, ang Israel ay naging mahalaga sa Diyos. Minahal at itinangi sila ng Diyos. Sila ang itinuring Niyang mga anak at binigyan ng mga dakilang kaloob:
“Sila ay bayan ng Diyos; ginawa niya silang kaniyang mga anak at inihayag niya ang kaniyang kaluwalhatian sa kanila; nakipagtipan siya sa kanila at ibinigay niya sa kanila ang Batas; nasa kanila ang tunay na pagsamba; tinanggap nila ang mga pangako ng Diyos.” (Roma 9:4 Good News Bible)*
Kung gayon, isang dakilang kapalaran at napakahalaga na ang tao ay mapabilang sa mga hinirang ng Diyos o sa mga may kahalalan mula sa Kaniya upang magkaroon ng kabuluhan at halaga sa Kaniyang harapan.
Gayunman, sa kabila ng dakilang kapalarang kanilang tinamo, hindi naingatan ng bayang Israel ang kanilang tipan sa Diyos at nilimot nila ang mga ginawa Niya (Awit 78:10–11). Hindi na sila nagtiwala sa Kaniya at sa Kaniyang pagliligtas (Awit 78:19, 21–22). Dumating ang panahon na tinalikdan ng Israel ang Panginoon at tumalikod sa Kaniya (Huk. 2:7–17).
Sa panahong Cristiano, may itinuturing din ang Diyos na Kaniyang bayan kaya naging makabuluhan at mahalaga sa Kaniya:
“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan.” (I Ped. 2:9)
Ang bayang hinirang ng Diyos sa panahong Cristiano ay ang mga taong tinawag “mula sa kadiliman” at dinala “sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan.” Sila rin ang mga inilipat sa kaharian ng Anak na kinaroroonan ng katubusan kaya sila’y nagtamo ng kapatawaran ng kasalanan:
“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:12–14)
Alalahaning dahil sa kasalanan ay nawalan ng halaga ang tao sa Diyos. Kaya kapag ang tao ay natubos at napatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo o ng kamatayan ni Cristo ay magkakaroon na siya ng halaga sa paningin ng Diyos.
Dahil ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12), marapat lamang na hangarin at pagsikapan ng tao na mapabilang siya sa mga taong tinubos. Ang pinatutunayan ng Biblia na tinubos ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo ay ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*
Samakatuwid, ang mga taong kabilang sa Iglesia Ni Cristo ang nagkaroon ng halaga sa Diyos, sila ang bayang hinirang Niya, at itinuturing Niya na Kaniyang mga anak. Nagkaroon na sila ng kabuluhan sa harap ng Diyos, katunaya’y napawalang-sala na sila, binigyan Niya ng karapatan na makapaglingkod sa Kaniya, at sila’y “mga tinawag” upang “magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan” (Heb. 9:14–15).
Dahil dito ay ibinabahagi nila sa mga hindi pa kabilang sa Iglesia Ni Cristo ang kahalagahan nito sa kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom para sila man ay magsikap na maging kaanib nito. Sapagkat sa gayong paraan lamang sila magkakaroon ng kabuluhan sa Diyos at magtatamo ng pagmamahal na inilalaan Niya lamang sa Kaniyang mga hinirang (Awit 4:3). ❑
* Isinalin mula sa Ingles