PINATUTUNAYAN ng mga apostol na sa dalawang uri lamang nahahati ang mga tao—ang sa Diyos at ang sa diablo (I Juan 5:19). Pansinin din na ang sa diablo ay ang buong sanlibutan. Ipinaliwanag ni Apostol Pablo kung sino ang tinutukoy na sanlibutan at kung bakit hindi sila sa Diyos:
“Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (Efe. 2:12)
Ang sanlibutan ay ang mga hiwalay kay Cristo at kaya hindi sila sa Diyos ay dahil tiniyak ni Apostol Pablo na “walang Dios sa sanglibutan.” Maaaring nagpapahayag din sila ng pagkilala sa Diyos subalit ang wala sa kanila ay ang karapatang dumiyos sa Diyos dahil wala silang kaugnayan kay Cristo na Siyang iisang Tagapamagitan sa Diyos.
Ganito inilarawan ng Panginoong Jesus ang mga nakaugnay sa Kaniya:
“Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.” (Juan 15:4–5)
Si Cristo ang puno ng ubas at ang mga nakaugnay sa Kaniya ay ang mga sanga. Masama na ang tao ay hindi kabilang sa mga sangang nakakabit sa puno sapagkat ang gayon ay walang magagawa.
Sa pagtuturo ng mga apostol, ang mga sanga ay ang iba’t ibang sangkap o kaanib ng iisang katawan ni Cristo (Roma 12:5) na siyang Iglesia (Col. 1:18)—ang Iglesia Ni Cristo (Roma 16:16 New Pilipino Version).
Samakatuwid, upang ang tao ay mawala sa kapangyarihan ng diablo at kilalanin siya ng Diyos na Kaniya ay dapat siyang umanib sa iisang tunay na Iglesia Ni Cristo.
Hindi maiiwasan ng tao ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo upang kilalanin ng Diyos at maligtas sapagkat kailangan siyang matubos at mapatawad sa kaniyang mga kasalanan:
“Magpasalamat kayo sa Ama pagkat minarapat niya kayo bilang mga tagapagmana ng kaharian ng liwanag, kasama ng mga banal. Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at dinala sa kaharian ng kanyang Anak na minamahal. Sa pamamagitan niya, tayo’y tinubos at pinatawad sa ating mga kasalanan.” (Col. 1:12–14 npv)
Dahil sa kasalanan, ang tao ay nahiwalay sa Diyos (Isa. 59:2) at itinuring Niya na Kaniyang mga kaaway (Roma 5:12, 10; Col. 1:21). Tangi rito, ang tao ay hinatulan ng kamatayan sa dagat-dagatang apoy bilang ganap na kabayaran sa kasalanan (Roma 6:23; Apoc. 20:14). Magagawang maipagkasundong muli ang tao sa Diyos at Kaniyang ariing-ganap sa pamamagitan lamang ng kamatayan ng Panginoong Jesucristo (Roma 5:8–10).
Pinatutunayan ng mga apostol na ang tanging tinubos ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation). At dahil sa katubusang tinamo ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, napakalaki ng ikinaiiba nila kung ihahambing sa kalagayan nila noong wala pa sila sa tunay na Iglesia (Efe. 2:1–3).
Bukod dito, pinatutunayan din ni Apostol Pablo na ang mga nakipag-isa kay Cristo o umanib sa Iglesia Ni Cristo ay nagtamo ng saganang habag at napakadakilang pag-ibig sapagkat sila ang nakatitiyak ng kaligtasan:
“Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob). Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan.” (Efe. 2:4–6 Magandang Balita Biblia)
Ang pinakadakilang biyayang dulot ng ginagawang paglilingkod ng tao sa Diyos ay ang kaligtasan. Kaya, tiyak na walang kaligtasan sa labas ng Iglesia Ni Cristo.
Dapat makaalis sa kalagayang tagasanlibutan ang tao kung nais niyang maligtas sa Araw ng Paghuhukom. Mangyayari ito kapag siya ay umanib sa Iglesia Ni Cristo. Kung iniisip ng iba na ipagpaliban ang pag-anib sa Iglesia upang higit na pagtuunan ang kanilang mga pangangailangan at mga ambisyon sa buhay na ito, ganito ang payo ng mga apostol:
“Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Dahil sa kasakiman sa salapi, ang iba ay tumalikod sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kasawian at paghihirap ng kalooban. Datapuwat ikaw, lingkod ng Dios, lumayo ka sa lahat ng ito, at sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.” (I Tim. 6:10–11 npv)
Kaya, para sa mga tunay na lingkod ng Diyos, ang higit na dapat pagsikapan at ipagpauna ay ang “mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pagibig, pagtitiis at kaamuan.” Tandaan na magagawa lamang ito kung ang tao ay nakaugnay kay Cristo o nasa Iglesia Ni Cristo (Juan 15:4–5). Sa mga kaanib nito nakalaan ang biyayang kaligtasan sa araw na mahayag si Cristo o sa Araw ng Paghuhukom (I Ped. 1:13). ❑