MAY MGA HINDI naniniwala sa Araw ng Paghuhukom at tahasang sinasabi na hindi ito totoo. Sabi-sabi lamang daw ito at mahirap itong paniwalaan, o panakot lamang daw ito. Mayroon namang naniniwala sa Araw ng Paghuhukom, subalit iba ang kanilang paniniwala kaysa itinuturo ng Biblia. Pero bakit nga ba tinitindigan ng Iglesia Ni Cristo na may itinakda ang Diyos na Araw ng Paghuhukom at ito’y magaganap sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo?
Natitiyak natin na muling paririto ang Panginoong Jesucristo sapagkat ito’y ipinangako Niya mismo bago pa man Siya umakyat sa langit:
“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” (Juan 14:2–3)
Walang dahilan upang ito ay pag-alinlanganan sapagkat ang Panginoong Jesucristo mismo ang may pahayag. Subalit, kung totoo raw ang sinasabing Ikalawang Pagparito ni Cristo o Araw ng Paghuhukom, bakit daw hanggang ngayon ay hindi pa ito nagaganap? Ipinalalagay tuloy ng iba na hindi na marahil ito matutuloy. Ganito ang sagot ng mga apostol:
“Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (II Ped. 3:9)
Kung hindi pa man nagaganap ang Araw ng Paghuhukom, hindi nangangahulugan na hindi na ito matutuloy. Bagkus, ito’y dahil sa binibigyan pa ng Diyos ng pagkakataon ang lahat na magsipagsisi upang maligtas sa Araw ng Paghuhukom. Kaya sa halip na pag-alinlanganan ang Araw ng Paghuhukom, dapat kilalanin ng mga nag-aalinlangan na kung hindi pa ito nagaganap sa ngayon, ito’y dahil na rin sa pag-ibig ng Diyos sa mga tao.
Ang totoo, kaunting panahon na lamang ang ipaghihintay at babalik na ang Panginoong Jesucristo. Ang Biblia mismo ang nagpapatotoo, “Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat” (Heb. 10:37). Kaya dapat tiyakin na ating nagagawa ang mga kaukulang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo at makatiyak ng kaligtasan.
Ano ang ipinagagawa ni Cristo sa lahat ng tao bilang paghahanda upang maligtas sa Araw ng Paghuhukom? Sinabi ba Niya na kilalanin lamang Siya at tanggapin bilang Tagapagligtas? Ganito ang buong katotohanang sinalita ni Jesus:
“Ako ang mabuting pastor; nakikilala Ko ang sariling Akin at nakikilala nila Ako.
“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; Ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas.’” (Juan 10:14, 7, 9 Revised English Bible) *
Mahalagang mapabilang ang tao sa mga kinikilala ni Cristo na Kaniya. Sila ay ang mga sumunod sa ipinag-uutos Niya na pumasok sa Kaniyang kawan, at hindi basta kumikilala lamang sa Kaniya. Malinaw ang ipinagagawa ni Cristo para maligtas ang tao—kailangan niyang pumasok sa loob ng kawan. Ang kawang tinutukoy ay ang Iglesia Ni Cristo:
“lngatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation) *
Ang katumbas ng sinabing pumasok sa loob ng kawan ay pumasok sa Iglesia Ni Cristo. Samakatuwid, para maligtas, kailangang maging kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang nasa loob ng Iglesiang ito na tinubos ng dugo ni Cristo ang may karapatang maglingkod sa Diyos (Heb. 9:14).
Ano naman ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga nasa labas o hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya? … Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.’” (I Cor. 5:12–13 New Pilipino Version)
Hahatulan ng Diyos ang mga nasa labas ng Iglesia. Sila ay mapapahamak o hindi maliligtas. Kaya napakahalaga na ang tao ay nasa loob ng Iglesia Ni Cristo at namamalagi sa pagsunod sa mga utos ng Diyos upang maingatan ang karapatan sa pagtatamo ng kaligtasan (I Cor. 15:1–2).
Napakapalad ng mga tunay na naghihintay sa Ikalawang Pagparito ni Cristo, abutan man sila ng kamatayan. Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16–17)
Ang mga nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na mag-uli. Sino ang tinutukoy na mga nangamatay kay Cristo? Sila ang mga inabot ng kamatayan na kaanib sa Iglesiang itinayo Niya o sa Iglesia Ni Cristo (Mat. 16:18; Roma 16:16 npv).
Sa pagparito ni Cristo, sila ang unang mangabubuhay na mag-uli. At ang mga daratnan namang buhay na kaanib sa Iglesia na naghihintay sa pagparito ni Cristo ay “aagawing kasama nila” (ng mga unang binuhay) upang sumalubong sa Panginoon.
Paano mabubuhay ang mapapalad na daratnang patay ni Cristo sa Kaniyang muling pagparito? Ayon mismo sa Panginoong Jesucristo, “maririnig ang Kaniyang tinig at magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na mag-uli sa buhay” (Juan 5:28–29).
Kailan maririnig ang tinig ni Cristo na siyang hudyat ng pagkakaloob ng gantimpala sa mga maliligtas? Sa pagtunog ng pakakak. Ano ang magaganap sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo?
“Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin, Sa isang sangdali, sa isang kisapmata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin.” (I Cor. 15:51–52)
Sa pagbabalik ni Cristo, ang mga kay Cristo o Iglesia Ni Cristo ay babaguhin. Ang kanilang katawang may kasiraan at kapintasan ay papalitan ng katawang wala nang kasiraan at kapintasan. Sa gayong maluwalhating kalagayan, angkop na silang manirahan sa maluwalhating tahanang inihanda ni Cristo para sa kanila doon sa langit (Filip. 3:20–21 npv).
Ang mga tao na sumasampalataya at umaasa sa mga dakilang gantimpalang ipagkakaloob ni Cristo sa Kaniyang Ikalawang Pagparito, sa ganang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, sila ang tinitiyak ng Biblia na magtatamo ng lahat ng dakilang biyayang ito. Iniingatan nilang lubos at ipinagsasanggalang ang kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo at patuloy pang itinataguyod ito hanggang sa matapos ang takbuhin upang sa gayon ay huwag mabigo sa inaasahang kapalaran na malapit nang tamuhin.
* Isinalin mula sa Ingles