Ang pagrerelihiyon na may kabuluhan

Kapag ang isang relihiyon ay hindi ang Ama ang kinikilalang iisang tunay na Diyos, walang kabuluhan ang isinasagawa roong paglilingkod sa Diyos, at huwad ang relihiyong iyon.

Ni JERICK S. DELA CRUZ

SA PANAHONG ITO ay di maikakaila na pabigat na nang pabigat ang pagdadala ng buhay. Anupa’t tila ang lahat ng pagsisikap, kahit na ng mga kilalá at makapangyarihang tao ay hindi makapagbibigay ng lunas sa lahat ng ating pinagdaraanan. Upang lubos nating maunawaan ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo na ating ginagalawan, makabubuti na Biblia ang sangguniin tungkol sa dahilan at kahulugan ng lahat ng nangyayaring ito.

Ang ipinagpauna ni Cristo

Inisa-isa ng Panginoong Jesucristo ang mga mangyayari sa panahon nating ito:

“Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila, Ang bansa ay mag-aalsa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng malalakas at matitinding mga paglindol, at sa iba’t ibang mga dako ng pag-kakagutom at mga salot (mga peste: nakamamatay at nakakahawa o mabilis na lumaganap na mga sakit na kumikitil ng buhay at ganap na lumuluray); at magkakaroon ng mga nakatatakot na pangyayari at mga dakilang tanda mula sa langit … At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa ulap na may dakilang (higit sa mailalarawan at napupuspos na) kapangyarihan at [ng lahat ng Kaniyang makaharing] kaluwalhatian (kamahalan at kaningningan). Ngayon, kapag ang mga bagay na ito ay nagsisimulang mangyari, tumingala kayo at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan (kaligtasan) ay malapit na.” (Lucas 21:10−11, 27−28 Amplified Bible)*

Ang mga ipinagpaunang ito ni Cristo ang siya mismong nasasaksihan nating nagaganap sa kasalukuyan. Kaya, ito ay nagbabadya na napakalapit na ng Araw ng Paghuhukom. Kung sinisikap man natin na hanapan ng lunas ang mga suliranin at kakapusan sa pangangailangan, lalong dapat nating pagsikapan na makamit ang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.

Ang pagrerelihiyon na walang kabuluhan

Maaaring sabihin ng sinuman na nakatitiyak na siya ng kaligtasan sapagkat may relihiyon naman na siyang kinabibilangan. Subalit, lahat kaya ng relihiyon ay may kabuluhan at siyang daan tungo sa kaligtasan? Ganito ang tugon ng Biblia:

“Ang relihiyon nila ay walang kabuluhan! Pumuputol sila ng puno, nilililok ang kahoy upang maging diyus-diyusan, tatakpan ito ng pilak at ginto, at pagkatapos ay pinapakuan ito upang huwag maitumba. Ang isang diyus-diyusan ay walang ipinagkaiba sa isang panakot ng ibon. Hindi ito makapagsalita, at kinakailangan itong buhatin, sapagkat hindi ito makalakad. Bakit sasamba sa isang diyus-diyusan na hindi kayo kayang tulungan o saktan? Ang ating Panginoon, na dakila at makapangyarihan, Ikaw lamang mag-isa ang Diyos.” (Jer. 10:3−6 Contemporary English Version)*

May relihiyon na walang kabuluhan. Ang Biblia na rin ang may sabi na ang ganito ay pagsamba sa diyus-diyusan—hindi tunay na Diyos ang kanilang sinasamba.

Kaya, upang magkaroon ng kabuluhan ang ating pagrerelihiyon, ang dapat nating sambahin at paglingkuran ay ang Panginoon na dakila na Siyang iisang tunay na Diyos—walang iba kundi ang Ama sa langit (Juan 17:1, 3).

“Bakit sasamba sa isang diyus-diyusan na hindi kayo kayang tulungan o saktan? Ang ating Panginoon, na dakila at makapangyarihan, Ikaw lamang mag-isa ang Diyos.”

Jeremias 10:5–6

Contemporary English Version *

 

Kapag sa isang relihiyon ay hindi ang Ama ang kinikilalang iisang tunay na Diyos, walang kabuluhan ang isinasagawa roong paglilingkod sa Diyos, at huwad ang relihiyong iyon. Tinitiyak sa Biblia kung gaano kasama ang maling pagkilala sa tunay na Diyos:

“Sila ay nagpapanggap na kilala [nila] ang Diyos [na kumikilala, may kaalaman, at may kabatiran sila sa Kaniya], subalit itinatanggi at itinatatuwa at itinatakuwil nila Siya sa pamamagitan ng kanilang ginagawa; sila ay kasuklam-suklam at nakamumuhi, walang pananampalataya at masuwayin at hindi tapat at mapaghimagsik, at [sila ay] hindi akma at hindi karapat-dapat para sa anumang uri ng mabuting gawa (gawain …)” (Tito 1:16 amp)*

Ang maling pagkilala sa Diyos ay nauuwi sa pagpapanggap o huwad o pekeng paglilingkod sa Kaniya—wala itong kabuluhan. Ang ginagawa ng iba na pagluhod sa mga larawan o rebulto at pagkilalang may iba pang Diyos liban sa Ama ay pagtatanggi, pagtatatuwa, at pagtatakwil sa Diyos.

Ang paglilingkod na may kabuluhan
Itinuturo ng Biblia kung paano magkakaroon ng kabuluhan ang pagrerelihiyon o paglilingkod sa Diyos:
“Hangad ninyong mabuhay, mabuhay nang mahaba at maging maligaya? … Halikayo, makinig kayo sa akin, aking mga anak, tuturuan ko kayo ng tunay na relihiyon.” (Awit 34:11 Moffatt Translation)*
Ang makikinig sa turo ng Diyos ay makauunawa ng tunay na relihiyon at sila’y kikilanlin Niyang Kaniyang mga anak. Paano maririnig ang pagtuturo ng Diyos? Literal bang tinig Niya ang maririnig? Ang sabi sa Biblia:
“Hanapin ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin: wala isa man [sa mga detalyeng ito ng hula] ang mabibigo, wala isa man ang mangangailangan at magkukulang sa kaniyang katambal [sa katuparan]. Sapagkat ipinag-utos ng bibig [ng Panginoon], at tinipon ng Kaniyang Espiritu ang mga ito.” (Isa. 34:16 amp)*
Upang maunawaan ng tao ang tungkol sa pagrerelihiyong may kabuluhan at maghahatid sa kaligtasan, ang sabi ng Biblia, “Hanapin ninyo ang aklat ng Panginoon.” Ang aklat ng Panginoon na tinutukoy ay ang mga Banal na Kasulatan (II Tim. 3:15–17) o Biblia. Marapat lamang na panaligan ang mga salita ng Diyos na itinuturo ng Biblia. Kaya, sampalatayanan natin ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia na pawang katotohanan at hindi kuro-kuro o opinyon lamang. Napakahalaga, kung gayon, na unawain at sampalatayanan natin ang Kaniyang mga salita upang maisagawa natin ang makabuluhan at tamang pagsamba sa Kaniya o pagrerelihiyon na ikaliligtas natin.

“Hangad ninyong mabuhay, mabuhay nang mahaba at maging maligaya? … Halikayo, makinig kayo sa akin, aking mga anak, tuturuan ko kayo ng tunay na relihiyon.”

Awit 34:11

Moffatt Translation *

Ang makaaasa ng kaligtasan

Ipinakikilala ng Diyos kung sino ang Kaniyang mga lingkod na makaaasa ng kaligtasan:

“Subalit ipinakikita ng Diyos at maliwanag na pinatutunayan ang Kaniyang [sariling] pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng katotohanan na samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Cristo (ang Mesias, Siyang Pinahiran) ay namatay para sa atin. Kaya nga, yayamang tayo ngayon ay inaring-dapat (pinawalang-sala, ginawang matuwid, at dinala sa tunay na kaugnayan sa Diyos) sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, gaano pa kaya [katiyak na] ililigtas Niya tayo mula sa labis na pagkagalit at pagka-poot ng Diyos.” (Roma 5:8−9 amp)*

May binabanggit si Apostol Pablo na pinagpakitaan ng Diyos ng Kaniyang pag-ibig. Sila’y makasalanan, ngunit si Cristo ay namatay para sa kanila. Bunga nito, sila ay pinawalang-sala, inaring-dapat, ginawang matuwid, at dinala sa tunay na kaugnayan sa Diyos.

Samakatuwid, ang mga tinubos o o pinawalang-sala sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ang may kahalalan o karapatan na magsagawa ng paglilingkod sa Diyos, kaya hindi walang kabuluhan ang kanilang pagrerelihiyon. Gayundin, tiyak na sila ay magtatamo ng kaligtasan mula sa galit ng Diyos o sa hatol na parusa sa Araw ng Paghuhukom.

Ang tinubos at nakinabang sa kamatayan ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*

Ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Walang katotohanan ang sinasabi ng iba na kahit sa anong relihiyon kabilang ang tao o anuman ang pagkilala at paglilingkod na kaniyang ginagawa ay tinatanggap ng Diyos at ikapagtatamo niya ng kaligtasan sa nalalapit na Araw ng Paghuhukom. Ito ay pinatutunayan ng Biblia na ekslusibo lamang sa Iglesia Ni Cristo. ❑

*Isinalin mula sa Ingles