MAY MGA NAGPAPAKILALANG sila diumano’y mga Cristiano na ang paniniwala’y sapat na ang pananampalataya kay Cristo para ang tao ay maligtas. Ayon pa sa kanila, “Hindi ka maliligtas sa pamamagitan ng pag-anib sa alinmang Iglesia, ni ng matuwid na pamumuhay, kundi ng pagtitiwala kay Jesucristo lamang bilang Panginoon at Tagapagligtas” (Witnessing to the Cults, p. 123).*
Tungkol sa tamang paraan ng pagtatamo ng kaligtasan, ang makapagtuturo nito at siyang dapat panghawakan ng tao ay ang nasusulat sa Banal na Kasulatan (II Tim. 3:15−17). Sang-ayon ba sa Biblia ang paniniwalang sapat nang sumampalataya lamang upang ang tao ay maligtas? Ganito ang pahayag sa Santiago 2:14:
“Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya?” (Magandang Balita Biblia)
Binigyang-diin ni Apostol Santiago na ang pananampalatayang hindi pinatutunayan sa pamamagitan ng gawa ay hindi makapagliligtas sa tao. Nilinaw niya na “walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kalakip na gawa” (Sant. 2:20 mb). Ito ay dahil sa “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Sant. 2:26).
Totoong kailangan ang pananampalataya para maligtas, subalit kung hindi ito mapatutunayan sa pamamagitan ng gawa, hindi ito makapaghahatid sa tao sa kaligtasan. Kung gayon, ang paniniwala na sapat na ang pananampalataya lamang para ang tao ay maligtas ay labag sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia.
Ipinaliwanag ni Apostol Santiago ang kahalagahan ng pananampalataya na nilalakipan ng gawa:
“Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya. … Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa’y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” (Sant. 2:21−22, 24)
Kaya, hindi lamang pinabubulaanan ng Biblia ang paniniwala na sapat nang sumampalataya lamang para maligtas ang tao kundi, sa kabilang dako, ay inihahayag naman nito na inaaring-ganap ang tao kapag ang kaniyang pananampalataya ay may kalakip na gawa. Kung gayon, kailangang lakipan ng tao ng gawa ang kaniyang pananampalataya para siya’y maligtas.
Hindi basta kung aling gawa ang dapat ilakip sa pananampalataya para ito’y maging sakdal at ikaligtas. Ganito ang ipinahayag ng Panginoong Jesucristo sa mga kumikilala na o sumasampalataya sa Kaniya bilang kanilang Panginoon:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Pinuna ni Cristo ang mga kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon subalit hindi naman ginagawa ang Kaniyang sinasabi na gawin nila. Itinuro pa ni Cristo kung ano ang dapat gawin ng mga kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon at sumasampalataya sa Kaniya. Ganito ang Kaniyang pahayag:
“Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko.” (Juan 8:31)
Hindi sinabi ni Cristo sa mga Judiong sumasampalataya na sa Kaniya na sapat na ang kanilang pananampalataya. Malinaw na ipinahayag Niya na dapat din silang magsipanatili o sumunod sa Kaniyang mga salita. Samakatuwid, dapat matiyak ng tao na ang kanilang pananampalataya ay nilalakipan nila ng mga gawa na ayon sa mga aral ng Diyos na itinuturo ni Cristo—hindi ang mga sariling gawa na inisip lang ng tao.
Ang mga tunay na sumasampalataya kay Cristo ay ang mga sumusunod sa mga aral ng Diyos na Kaniyang itinuturo. Kaya, mahalagang matiyak ng tao na nasusunod niya ang mga ito dahil ito ang mga gawa na dapat niyang ilakip sa kaniyang pananampalataya. Ano ba ang itinuturo ni Cristo na dapat gawin ng mga tunay na sumasampalataya sa Kaniya upang sila ay maligtas? Ito ang pahayag ni Cristo:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible)*
Ipinag-uutos ni Cristo sa sinumang nais maligtas na “pumasok sa loob ng kawan” sa pamamagitan Niya. Ito ay gawang dapat gawin ng mga sumasampalataya sa Kaniya at kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ang mga papasok sa kawan ni Cristo ay may garantiya na maliligtas sa Araw ng Paghuhukom.
Subalit maaaring angkinin ng iba na sila raw, bagaman hindi sila pumasok sa kawan ni Cristo, ay tunay na sumampalataya sa Kaniya at tinanggap na nila Siya bilang personal na Tagapagligtas at Panginoon. Taliwas sa kanilang paniniwala, sinabi ng Panginoong Jesus ang ganito:
“Ngunit hindi kayo sumasampalataya sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking kawan.” (Juan 10:26 Living Bible)*
Ayon sa Panginoong Jesus, ang mga nag-aangkin na sila raw ay sumasampalataya sa Kaniya at kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon at Tagapagligtas—ngunit wala naman sa loob ng Kaniyang kawan—ang gayon ay hindi tunay na sumasampalataya.
Mapatutunayan ng tao na siya ay tunay na sumasampalataya sa Panginoong Jesus kung siya ay sumusunod sa ipinag-uutos Niya—na ang isa sa mga ito ay ang pagpasok sa Kaniyang kawan. Alin ba ang kawan na dapat aniban ng mga tunay na sumasampalataya kay Cristo? Ganito ang pahayag ng Biblia:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*
Malinaw na itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang kawan, na siyang kinaroroonan ng mga tunay na sumasampalataya kay Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo. Kung gayon, ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo ay isa sa mga gawa na dapat ilakip sa pananampalataya.
Samakatuwid, ang hindi kailangan ay ang pagpasok o pag-anib sa hindi tunay na Iglesia. Ngunit sa ganang tunay na Iglesia Ni Cristo, pinatunayan ng Panginoong Jesucristo na ito ay mahalaga sapagkat inihandog Niya ang Kaniyang buhay para rito (Efe. 5:25 mb). Pinatutunayan din mismo ng Panginoong Diyos ang kahalagahan ng pag-anib sa tunay na Iglesia para sa kaligtasan, sapagkat dito Niya idinaragdag ang mga tiyak na maliligtas. Ganito ang nakasulat sa Biblia:
“Na nangagpupuri sa Diyos, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (Gawa 2:47 King James Version)* ❑
*Isinalin mula sa Ingles