'Ang papasok at lalabas at makasusumpong ng pastulan'

Sinulat ni MARLEX C. CANTOR

Share on facebook
Share on twitter
Share on email
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

ANG ISA SA MGA TALATA ng Biblia na nagpapatotoong mahalaga at kailangan ang pagpasok sa Iglesia upang matamo ang pagliligtas ng Panginoong Jesucristo ay ang nakasulat sa Juan 10:9. Sa unang bahagi ng talata—na roo’y sinabi ni Cristo na, “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas”—ay isinasaad ang pangako Niya na maliligtas ang mga nagsipasok sa Kaniya, samakatuwid baga’y, ang mga napaloob sa kawan, na walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo (Juan 10:7; 10:9 Revised English Bible; Gawa 20:28 Lamsa Translation).

Gayunman, hindi malinaw sa iba ang kahulugan ng huling bahagi ng talatang Juan 10:9—“… at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.” May iba na ang pakahulugan dito ay may halong pamimilosopo: kaya raw sinabing “papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan” ay dahil nasa loob ng kulungan ang mga nagsipasok kay Cristo at kinakailangang ilabas upang mapastulan, kagaya raw ng ginagawa sa literal na kawan ng tupa. Sinasabi naman ng ibang nanunuligsa sa Iglesia Ni Cristo: kung ang pagpasok na tinutukoy sa unang bahagi ng talata ay ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo, kung gayon, ang paglabas daw na tinutukoy ay ang paglabas din sa Iglesia Ni Cristo para makasumpong ng pastulan. Ang konklusyon nila: ang mga pumasok sa Iglesia Ni Cristo ay dapat daw na lumabas dito para maligtas.

Ano ang kamalian ng gayong pakahulugan? Lilitaw na sinasalungat ng Panginoong Jesucristo ang mismong ipinahayag Niya. Sa isang banda’y sinasabi Niyang ang pumasok sa Kaniya’y maliligtas; sa kabilang dako naman ay pinalilitaw ng iba na sinasabi Niyang ang kailangan ay pumasok at pagkatapos ay lumabas. Imposible! Si Cristo ay hindi kailanman magsasalita ng daya o ng kasinungalingan (I Ped. 2:21). Wala rin Siyang itinuro na dapat lumabas sa Iglesia upang maligtas. Bagkus, sinabi pa nga Niya na ang mahiwalay sa Kaniya o sa Kaniyang katawan o Iglesia (Col. 1:18) ay gaya ng sanga na nahiwalay sa puno—matutuyo, titipunin, at ihahagis sa apoy o sa kaparusahang walang hanggan (Juan 15:5; Apoc. 21:8).

Ano, kung gayon, ang ibinibigay ng Biblia na kahulugan ng huling bahagi ng Juan 10:9? Ayon sa Panginoong Jesucristo, ang mga taong nagsipasok sa Kaniya na pinangakuan Niyang maliligtas ay may papasukan, at paglabas nila roon ay makasusumpong sila ng pastulan.

Saan ba nakatakdang pumasok hindi lamang ang mga umanib sa Iglesia Ni Cristo kundi maging ang lahat ng tao? Sa Isaias 38:10 ay ganito ang sinasabi:

“Sinabi ko sa pagkapugto ng aking mga kaarawan, Ako’y papasok sa mga pintuan ng libingan: Ako’y napagkaitan ng nalalabi ko pang mga taon.” (King James Version, isinalin mula sa Ingles)

Ang lahat ng tao ay nakatakdang pumasok sa libingan o mamatay. At kung paanong itinakda ng Diyos sa mga tao ang kamatayan, “pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Heb. 9:27). Gayunman, ang kahigitan ng mga nagsipasok kay Cristo o umanib sa Kaniyang Iglesia ay tiyak na lalabas sila sa libingan at makasusumpong ng pastulan sapagkat tiniyak ni Cristo na ang Kaniyang Iglesia ay hindi pananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18 Magandang Balita Biblia)

Ito ang kahulugan ng sinabi ng Panginoong Jesucristo sa Juan 10:9. Ang mga nagsipasok sa Kaniya o ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang pinangakuan Niya ng kaligtasan, “papasok” man sila sa libingan ay “lalabas” din sila roon o muling mabubuhay. Magaganap ito sa Kaniyang Ikalawang Pagparito:

“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli.” (I Tes. 4:16)

Bakit naman sinabi na ang mga nasa kawan o Iglesia Ni Cristo na papasok at lalabas sa libingan ay “makasusumpong ng pastulan”?

May dalawang uri ang pagkabuhay na muli—ang una’y sa buhay na walang hanggan at ang isa pa ay sa paghatol o walang hanggang kaparusahan: “… sapagka’t dumarating ang oras na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol” (Juan 5:28-29).

Ang mga kay Cristo ay kasama sa unang pagkabuhay na muli at sila ang dadalhin Niya upang manirahan sa Bayang Banal, sa bagong langit at lupa (I Tes. 4:16-17; Apoc. 21:1-4). Kaya, sa muling pagkabuhay ay hindi na sila magugutom, mauuhaw, o mamamatay man sapagkat si Cristo, na magiging pastor nila, ay papatnugutan o papastulan sila sa mga bukal ng tubig ng buhay (Apoc. 7:16-17). Ito ang pastulang masusumpungan nila sa Bayang Banal na ipinangako ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang.

Samakatuwid, malinaw na sa Juan 10:9 ay nakasaad ang pangakong kaligtasan ni Cristo sa mga nagsipasok sa Kaniya o umanib sa Iglesia Ni Cristo. Papasok sila at lalabas sa libingan—mamamatay ngunit muling mabubuhay—at maninirahan sa Bayang Banal na roo’y pinapatnugutan sila sa tubig ng buhay—ang  “sariwang pastulan” (Awit 23:2) na kanilang pinakaaasam.

Share on facebook
Share on email
Share on twitter
Share on pinterest
Share on linkedin
Share on telegram

The official website of Pasugo: God’s Message magazine of the Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ), contains religious articles, Church news, and photos

Terms and Privacy Policy

We process and collect personal data based on our Terms and Privacy Policy to improve and analyze our service.