Ang tunay na Diyos
na dapat kilalanin at sambahin

Kapag nagkamali ang tao ng pagkilala kung sino ang tunay na Diyos ay mali rin ang paraan ng paglilingkod at pagsamba na kaniyang magagawa kahit pa iukol niya iyon sa Diyos.

Ni RUBEN C. SANTOS

MAHALAGA ANG SUMAMBA at maglingkod sa Diyos, subalit dapat matiyak muna ng tao na ang Diyos na kaniyang kinikilala at pinaglilingkuran ay ang tunay na Diyos. Sapagkat kapag ang tao ay nagkamali ng pagkilala kung sino ang tunay na Diyos, tiyak na mawawalan ng kabuluhan ang anomang gagawin niyang pagsamba at paglilingkod. 

Ang tunay na Diyos na dapat kilalanin

Ang Ama na nasa langit ang dapat kilalanin ng tao na iisang tunay na Diyos. Ito ang maliwanag na ipinahayag ng Panginoong Jesucristo sa Kaniyang panalangin:

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak … At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1, 3)

Pansinin nating maliwanag ang sinabi ni Cristo sa Ama: “Ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay.”

Kaya, ang iisang tunay na Diyos ay walang tatlong persona na tulad ng pinaniniwalaan ng iba. Hidwang pananampalataya ang paniniwala sa tinatawag na Trinidad.

Napakahalagang maunawaan ng tao ang katotohanang ito, sapagkat ayon din kay Cristo ang pagkilala sa Ama bilang Siyang iisang tunay na Diyos ay ikapagkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa panahon ng pangangaral ng mga apostol ay hindi nabago ang aral tungkol sa iisang tunay na Diyos:

“Iisa lamang talaga ang Dios—ang Ama na lumalang ng lahat. At iisa lamang ang Panginoon—si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan Niya tayo nilalang at dahil sa Kanya kaya tayo nabubuhay.” (I Cor. 8:6 Salita ng Buhay)

Nagkakaisa sa pagtuturo si Cristo at ang Kaniyang mga apostol na iisa lamang talaga ang tunay na Diyos at Siya ay ang Ama na pinagmulan ng lahat ng bagay.

Maging sa panahon ng bayang Israel ay ito na ang pananampalataya ng mga tunay na lingkod ng Diyos:

“Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas, Si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat! Sa bingit ng kamataya’y hinahango tayo agad.” (Awit 68:20 Magandang Balita Biblia)

Ang Ama rin ang iisang tunay na Diyos na kinilala at ipinakilala ng mga propeta, gaya ni Propeta Malakias:

“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? …” (Mal. 2:10 mb)

Ito ang katotohanang dapat munang tanggapin at sampalatayanan ng tao bago niya isagawa ang kaniyang paglilingkod at pagsamba sa Diyos: iisa ang tunay na Diyos, ang Ama na lumalang at wala nang iba pa.

“Iisa lamang talaga ang Dios—ang Ama na lumalang ng lahat. At iisa lamang ang Panginoon—si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan Niya tayo nilalang at dahil sa Kanya kaya tayo nabubuhay.”

I Corinto 8:6

Salita ng Buhay

Ang tunay na Diyos ay Espiritu

Tungkol sa likas na kalagayan ng Diyos, ganito ang itinuro ng ating Panginoong Jesucristo:

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:24)

Ang espiritu ay “walang laman at mga buto” (Lucas 24:39).

Kaya, ang tunay na Diyos ay hindi maaaring igawa ng larawan o rebulto.

Ganito ang sinasabi sa Gawa 17:29:

“Yamang tayo nga’y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.”

Dahil dito, hindi dapat sumamba ang tao sa larawan o rebulto. Bawal ito ng Diyos. Kapag nagkamali ang tao ng pagkilala kung sino ang tunay na Diyos ay mali na rin ang paraan ng paglilingkod at pagsamba na kaniyang magagawa kahit pa iukol niya ito sa Diyos.

Ang tunay na pagsamba

Ang paraan ng tunay na pagsamba sa Diyos, ayon sa Panginoong Jesucristo ay sambahin Siya sa espiritu at katotohanan:

“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23–24)

Ayon sa Panginoong Jesucristo, ang hinahanap ng Ama ay ang mga tunay na mananamba. Sila yaong sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.

Itinuro rin ng Panginoong Jesucristo na ang pagsamba sa Ama sa espiritu ay sa pamamagitan ng pagsamba sa Kaniyang pangalan. At ang marapat na pagsamba naman sa Kaniya sa katotohanan ay sa pamamagitan ng pagganap sa Kaniyang kalooban (Mat. 6:9–10).

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Juan 4:24

Ang pananagutan ng tao sa Diyos

Iniutos ng Diyos sa lahat ng mga tao na Kaniyang nilalang na sila’y dapat kumilala at maglingkod sa Kaniya (Awit 100:2–3). Kaya, ang pagkilala at paglilingkod sa Diyos ay pananagutan ng tao.

Itinuturo rin ng Banal na Kasulatan ang tamang paraan ng pagkilala sa tunay na Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagtupad ng Kaniyang mga utos:

“At sa ganito’y nalalaman natin na siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.” (I Juan 2:3)

Sa pamamagitan din ng pagtupad sa utos mapatutunayan ng tao ang kaniyang pag-ibig sa Diyos (I Juan 5:3). Kaya, kahit pa paulit-ulit na sabihin ng tao na siya ay kumikilala at umiibig sa Diyos, ngunit kung hindi naman niya tinutupad o sinusunod ang Kaniyang mga utos ay hindi pa rin niya napatutunayan ang kaniyang pagkilala at pag-ibig sa tunay na Diyos.

Ang paghihigantihan

Masamang hindi tugunan ng tao ang kaniyang pananagutan sa Diyos sapagkat paghihigantihan Niya ang mga taong hindi kumikilala o kikilala sa Kaniya:

“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatangap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (II Tes. 1:8–9)

Ang Iglesia Ni Cristo ay sumasampalataya sa aral na itinuturo ng Biblia na ang Ama na lumalang ng lahat ng mga bagay ang iisang tunay na Diyos. Walang tatlong persona sa iisang Diyos na tunay. Ipinagbabawal din ng Biblia ang pagsamba sa diyus-diyusan. Ngunit hindi sapat na humangga lamang dito ang pagkilala ng tao sa Diyos, kundi dapat sundin ng tao ang mga utos Niya sapagkat iyon ang katunayan ng tunay na pagkilala at pag-ibig sa Kaniya. At sa paglilingkod ng tao sa Diyos ay dapat panatilihin ng tao na nagagawa niya ang hinahanap ng Diyos na uri at paraan ng marapat o tamang pagsamba sa Kaniya.