Kailangan ba sa kaligtasan
ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo?

Dapat tiyakin ng tao kung sang-ayon ba ang kaniyang mga paniniwala sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia.

Ni GERSON S. NONATO

SA HARAP NG kasalukuyang napakabigat na sitwasyon ng mundo, abalang-abala ang maraming tao sa pagtugon sa kanilang mga materyal na pangangailangan sa buhay. Halos sa mga bagay ukol sa buhay na ito na lamang ginugugol ng marami ang kanilang buong panahon at lakas, anupa’t hindi na nila napag-uukulan ng pansin ang pangunahing dahilan kung bakit nilalang ang tao—ang kumilala at maglingkod sa Diyos na lumalang at may-ari sa kaniya (Ecles. 12:13; Awit 100:2–3).

Bagama’t may mga taong nagrerelihiyon ay hindi naman lubos na sinisiyasat at tinitiyak ng marami kung tunay ang kanilang relihiyon. 

Dahil ang nakataya ay ang kaligtasan ng kaniyang kaluluwa sa Araw ng Paghuhukom, dapat sana ay tiyakin muna ng tao kung sang-ayon ba ang kanilang mga paniniwala sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Sapagkat, ang dapat sampalatayanan at sundin ng tao sa kaniyang ikaliligtas ay walang iba kundi ang itinuro mismo ng Panginoong Jesucristo, ang Tagapaligtas na itinalaga ng Diyos.

Ang dapat pagsikapang sundin

 

Itinuro ni Cristo ang dapat gawin ng sinumang tao na nagnanais magtamo ng kaligtasan. Sinabi Niya:

“Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka’t sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.” (Lucas 13:24)

Maliwanag na hindi sapat na ang mga tao ay sumampalataya lamang kay Cristo—mayroon pa silang kinakailangang gawin. Dapat silang “magpilit [na] magsipasok sa pintuang makipot” sapagkat, ayon sa Tagapagligtas, “marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.” Ang pintuan kung saan dapat pumasok ang mga taong nagnanais na maligtas ay walang iba kundi si Jesucristo Mismo, gaya ng Kaniyang ipinahayag:

“Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

Ang pumasok kay Cristo ay ang nasa loob ng Kaniyang kawan. Ang nasa labas o wala sa loob ng kawang ito ay hindi pumasok kay Cristo o kung pumasok man ay hindi nakapanatili.

Ang tinutukoy ni Cristo na Kaniyang kawan ay ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Ipinag-utos ni Cristo na pumasok ang tao sa Iglesia Ni Cristo upang maligtas dahil ito ang “binili niya ng kaniyang dugo.” Ang taong nalinis ng Kaniyang dugo ay napawalang-sala kaya may karapatang magsagawa ng tunay na paglilingkod sa Diyos (Heb. 9:14) at nakatitiyak ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom (Roma 5:8–9).

Kung gayon, ang kailangang gawin para maligtas ay hindi lamang ang sampalatayanan, kilalanin o tanggapin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Hindi rin kahit saang relihiyon kabilang ang tao ay pagiging dapatin ng Diyos ang kaniyang paglilingkod, kinakailangan ay naaayon sa katuwiran ng Diyos (Roma 10:2–3). Kaya, kailangang pumasok ang tao kay Cristo sa pamamagitan ng pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Sa labas nito ay hindi maisasagawa ng tao ang tunay na paglilingkod sa Diyos at tiyak na walang kaligtasan bagkus ay may paghatol o parusa (I Cor. 5:13; Efe. 2:12).

“Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka’t sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.”

Lucas 13:24

Ang sasapit sa hindi susunod

Inilarawan ni Cristo ang kahihinatnan ng mga hindi sumunod sa Kaniyang ipinagagawa na pumasok sa makipot na pintuan:

“Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsi-tuktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya’y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo’y taga saan.” (Lucas 13:25)

Ayon sa talinghaga ni Cristo, kung makatindig na ang puno ng sangbahayan sa mga hindi sumunod kay Cristo, hindi na nila magagawa pang umanib sa Kaniyang Iglesia.

Mahalagang maunawaan ng tao na upang maligtas siya sa Araw ng Paghuhukom, ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo ay hindi optional kundi required para makamit ang kaligtasan. 

Hindi na dapat ipagpaliban pa

Bagama’t mabigat ang pagdadala ng buhay sa kasalukuyan ay may itinuturo ang Biblia na dapat munang ipagpauna ang tao. Sa Lucas 12:31, ganito ang pahayag ni Cristo:

“Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian, at ang mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.” (New Pilipino Version)

Ayon kay Cristo, “hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian.” Kaya, iyon ang dapat munang ipagpauna at pagsumakitan ng tao. Hindi masama na tugunan ng tao ang kaniyang mga pangangailangan sa buhay na ito subalit hindi niya dapat dito ubusin ang kaniyang buong lakas at panahon. Dahil higit pa sa mga ito ay ang kaharian na siyang unang ipinahahanap ni Cristo sa tao.

Ang kaharian ay ang Kaniyang kawan o ang Iglesia Ni Cristo (Col. 1:13– 14; Gawa 20:28 Lamsa). Samakatuwid, ang tinutukoy ni Cristo na dapat ipagpaunang gawin ng tao nang higit sa lahat ng bagay ay ang pag-anib sa tunay na Iglesia.

Napakadakilang kapalaran ang naghihintay sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Kung mahalaga man ang mag-aral, maghanapbuhay, o magkaroon ng kayamanan sa buhay na ito, higit o lalong dapat pahalagahan at hangarin ng tao ang mapabilang sa Iglesia Ni Cristo. Kaya, hindi dapat mag-atubili bagkus ay dapat magpilit ang tao na pumasok sa pintuan (sa paraang umanib sa Iglesia Ni Cristo)—makipot man o mahirap gawin dahil may mga sakripisyong dapat tuparin—lalo na ngayon na napakalapit na ng Araw ng Paghuhukom. ❑