ANG MGA KALAMIDAD sa iba’t ibang panig ng mundo at pumipinsala ng maraming ari-arian, at malaking halaga ng imprastraktura ay literal na nagpapaguho sa buhay at kabuhayan ng maraming tao. Sinasabayan pa ito ng pagtindi ng kahirapan at banta ng kaguluhan sa paligid.
Lahat ng ito ay nakapagdudulot sa marami ng pangamba at panghihina ng loob. Kapag dumarating sa tao ang ganito at nagkasunod-sunod ang mga suliranin, ang iniisip niya agad ay lapitan ang kaniyang kapuwa na sa akala niya’y may kapasidad na makatulong upang makaahon siya sa kagipitan.
Huwag sanang mawaglit sa gunita ng tao ang Panginoong Diyos na laging handang tumulong sa kaniya. Ganito ang paanyaya ng isang lingkod ng Diyos:
“Subukin ninyo at tikman ang kabutihan ng PANGINOON, mapalad ang taong nanganganlong sa kanya.” (Awit 34:8 New Pilipino Version)
Sinumang naghahangad na mapabuti ang kaniyang buhay ay dapat lumapit sa Ama sa langit, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat na Siyang pinagmulan ng buhay, lakas, at ng lahat ng ating pangangailangan. Kaya’t napakahalaga na ang tao ay manalangin upang hingin sa Diyos ang lahat niyang kailangan.
Nasubukan na ng iba na lumapit sa kanilang kapuwa ngunit nabigo lamang. Bakit hindi nila subukin na manganlong sa Diyos? Subok na natin kung paanong ipinaranas ng Diyos ang Kaniyang mga kabutihan at pagpapala. Kaya naman sinasabi sa atin ng lingkod ng Diyos na ang nanganganlong o lumalapit sa Diyos ay mapalad. Bakit? Ano ba ang handang ipagkaloob ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang? At paano natin magagawa ang panganganlong o paglapit sa Diyos? Narito ang kasagutan:
“Kung magkagayon, tatawag kayo at didinggin naman kayo ng PANGINOON. … sisilay ang inyong liwanag sa gitna ng kadiliman, at ang inyong gabi ay matutulad sa katanghaliang tapat. Lagi kayong papatnubayan ng PANGINOON. Tutugunin niya ang lahat ng inyong pangangailangan sa isang tigang na lupain, at bibigyan niya kayo ng kalakasan. Matutulad kayo sa isang hardin na laging dinidilig, tulad ng bukal ng tubig na hindi natutuyuan ng agos.” (Isa. 58:9–11 npv)
Sa pamamagitan ng pagtawag o pananalangin ay naihahayag natin ang ating panganganlong sa Diyos. Mapalad ang tumatawag sa Diyos na dinirinig Niya sa pananalangin. Kahit sa isang tigang na lupa, o sa gitna man ng matinding kahirapan, ay ipagkakaloob ng Diyos ang lahat ng kanilang pangangailangan. Kaya’t ang tunay na lingkod ng Diyos ay laging nananalangin.
Matangi sa Diyos, sino pa ang nag-aalok din ng tulong at papaano ito matatamo ng tao? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesucristo:
“Hanggang ngayon, hindi pa kayo humihiling ng anumang bagay sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo’y bibigyan, at malulubos ang inyong kagalakan. … ibibigay sa inyo ng aking Ama ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.” (Juan 16:24, 23 npv)
Mababakas sa pahayag ng Panginoong Jesus ang Kaniyang pananabik na marinig ang paghingi ng kaniyang mga hinirang ng kanilang mga pangangailangan. Nangako Siya na anumang hihilingin nila sa pamamagitan ng Kaniyang Pangalan ay ibibigay ng Ama. Ang pangakong tulong ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo ay itinuro rin ng mga apostol sa mga Cristiano:
“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, idulog ninyo sa Dios ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. … At ang aking Dios ang magbibigay sa inyo ng lahat ng inyong pangangailangan ayon sa maluwalhati niyang kayamanan kay Cristo Jesus.” (Filip. 4:6, 19 npv)
Hinihikayat tayo ng mga apostol na umasa sa kahalagahan at dakilang magagawa ng pananalangin.
Hindi lahat ng tumatawag o dumudulog sa Diyos at sa Panginoong Jesus ay dinirinig at pinagkakalooban. May kondisyon ang Diyos na dapat matugunan ng tao upang siya’y Kaniyang dinggin:
“Kapag sinabihan ko ang kalangitan, anupat hindi umulan, o inutusan ang mga balang para kanin ang mga tanim sa lupain o pinadalhan ko ng salot ang aking bayan, kung ang aking bayan na tinawag sa aking pangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikdan ang kanilang masasamang gawain, diringgin ko sila mula sa langit, patatawarin ang kanilang mga kasalanan at pagagalingin ko ang kanilang lupain. Magiging bukas ang aking paningin at pandinig para dinggin ang mga dalanging inihandog sa lugar na ito.” (II Cron. 7:13–15 npv)
Upang dinggin ng Diyos ang tao sa panalangin ay kailangang mapabilang muna sa kinikilala Niyang bayan o magkaroon muna ng banal na kahalalan. Kailangan din sa mga hinirang ay nagbabagong-buhay at lumalagi sa dakong pinili ng Diyos pagkat doon ay laging bukas ang Kaniyang paningin at pandinig sa dalangin ng Kaniyang bayan. Kaya’t mahalaga na lumagi sa Kaniyang templo na doon isinasagawa ang tunay na pagsamba sa Kaniya. Bakit kailangan pang nasa bayan ng Diyos? Ano ba ang katangian ng bayan ng Diyos? Ganito ang sagot sa atin ng Biblia:
“Sapagka’t anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo’y tumawag sa kaniya?” (Deut. 4:7)
Napakapalad ng mga taong kabilang sa bayan ng Diyos—napakalapit ng Diyos sa kanila at laging handa ang Diyos na makinig sa kanilang mga pagtawag sapagkat sa kanila ipinagkaloob ang karapatang humingi at tumanggap ng anumang kanilang pangangailangan (Juan 15:16 npv). Sa bayan ng Diyos din nakalaan ang pangakong ipinahayag ng Diyos mismo sa pamamagitan ng Kaniyang propeta:
“Bago pa sila tumawag ay sasagutin ko na sila; nagsasalita pa sila ay didinggin ko na.” (Isa. 65:24 npv)
Ngunit sino ba ang ipinakikilalang bayan ng Diyos sa mga huling araw? Sa pahayag ng propetang si Zacarias ay may binabanggit na bayan ng Diyos na kapag tumawag ay Kaniyang tiyak na diringgin:
“At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila’y dadalisayin ko na parang pilak na dalisay, at sila’y susubukin ko na parang pagsubok sa ginto. Sila’y magsisitawag sa aking pangalan, at akin silang didinggin: aking sasabihin, Siya’y bayan ko; at kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay aking Dios.” (Zak. 13:9)
Batay naman sa kaugnay na hula ng mga apostol, ang ikatlong bahagi na pinangakuan ng Diyos na Kaniyang diringgin ay ang ikatlong grupo na tumanggap ng pangakong Espiritu Santo (Gawa 2:39) na siyang katibayan ng kanilang pagiging sa Diyos at tagapagmana ng Kaniyang mga pangako (Efe. 1:13–14). Sila rin ang ipinakilala ng Panginoong Jesucristo na Kaniyang ibang mga tupa (Juan 10:16) na magmumula sa Malayong Silangan sa panahong mga wakas ng lupa (Isa. 43:5–6). Ang kinatuparan nito ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914 kaalinsabay ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig na pagsisimula ng panahong mga wakas ng lupa (Mat. 24:3, 33, 6–8).
Mapalad kung gayon ang makabilang sa Iglesia Ni Cristo. Sa mga kaanib nito nakalaan ang mahalagang pangako ng Diyos na kapag tumawag ay Kaniyang diringgin. Gamitin nawa at huwag sayangin ang karapatang ito ng mga kabilang sa tunay na Iglesia Ni Cristo.
Upang ganap na pakinabangan ang tinamong karapatan na tumawag at tumanggap ng kanilang mga pangangailangan, kailangang taglayin din ang katangiang itinuro ng mga apostol:
“Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang ating mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin.” (Heb. 10:22–23 Magandang Balita Biblia)
Mahalagang bulayin muna ng mananalangin ang kaniyang layunin sa pagtawag sa Diyos. Kailangang inaakay ng tapat at matibay na pananalig sa Diyos upang matanggap niya ang kaniyang kahilingan (Mat. 21:21–22 npv). Dapat ding nilalakipan niya ito ng pagbabagong-buhay.
Ang may matibay na pananalig sa Diyos ay hindi natatakot sa mga nangyayari sa paligid. Ganito ang paninindigan ng mga unang hinirang ng Diyos:
“Sa aking paghihinagpis dumaing ako sa PANGINOON, at pinalaya niya ako bilang kanyang tugon. Kasama ko ang PANGINOON, hindi ako matatakot. Anong magagawa sa akin ng tao? Kasama ko ang PANGINOON siya ang katulong ko. Pagmamasdan ko ang kaaway sa aking pagtatagumpay. … Naitulak ako at halos bumagsak, ngunit tinulungan ako ng PANGINOON. Ang PANGINOON ang aking kalakasan at awit; siya ang naging kaligtasan ko.” (Awit 118:5–7, 13–14 npv)
Ito rin ang dapat na maging uri ng pananalig ng mga lingkod ng Diyos na dumadalangin sa Kaniya sa mga huling araw na ito. Dapat nilang panghawakan ang pangako ng Diyos:
“… pagkat sinabi ng Dios, ‘Hindi kita iiwan ni pababayaan man.’ Kaya masasabi natin nang buong pagtitiwala, ‘Ang Panginoon ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.’” (Heb. 13:5–6 npv)