May ‘lisensiya’ ba siya?

Ang binigyan ng Diyos ng karapatang mangaral
ng Kaniyang mga salita ay ang Kaniyang mga sugo
na inilagay Niya sa Iglesia Ni Cristo.

Ni JENSEN DG. MAÑEBOG

MAGING METIKULOSO at maingat.

Ganito ang karaniwang ipinapayo at ibinababala ng pamahalaan sa publiko sa pagpili ng pagtitiwalaang doktor, abogado, therapist, contractor, real estate agent, at iba pang mga nag-aalok ng serbisyo. Marami na kasi ang nalugi, naperhuwisyo, o napahamak dahil ang napagkatiwalaan ay hindi naman pala kwalipikado o walang kaukulang lisensiya.

Ang lisensiya ay opisyal na dokumentong nagpapatunay na ang may-ari nito ay may permiso, awtorisasyon, o karapatan mula sa gobyerno o awtorisadong ahensiya na makapagsagawa ng isang uri ng aktibidad. Upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, hinihingi ng batas na magkaroon ng lisensiya ang mga kinauukulan, gaya sa larangan ng health care services, kung saan ang practicing without a license ay may karampatang parusang sibil o kriminal.

Ang pagsasagawa ng isang gawain o propesyon nang walang kaukulang karapatan o kredensiyal ay maaaring ikapahamak ng mga tao at maging ng mismong gumagawa ng ganitong illegal na gawain.

Sa pangangaral ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia o Banal na Kasulatan, kailangan din ba ng kredensiyal o awtorisasyon? Mayroon bang mga nagtuturo tungkol sa Panginoon na kapag pinaniwalaan ay ikapapahamak, sa halip na ikabubuti?

Ang babala ng Biblia

Ang Banal na Kasulatan mismo ang nagbababala na hindi lahat ng nangangaral ng salitang nasusulat doon ay dapat paniwalaan:

 “Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nila’y mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo.” (I Juan 4:1 Ang Salita Ng Dios)

Nakatala rin sa Biblia ang payo ng Panginoong Jesus na “Mangagingat … sa mga bulaang propeta” (Mat. 7:15) o sa mga mangangaral na magliligaw sa marami sa pananampalataya (Mat. 24:11, 10).

“Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nila’y mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila.”

I Juan 4:1

Ang Salita ng Dios

Ipinagpauna rin ng mga apostol ang pagdating ng mga mangangaral na magtuturo ng “ibang evangelio” o aral na hindi nila ipinangaral (II Cor. 11:3−4) at ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang marinig ng mga tao (II Tim. 4:3).

Pansinin na kung ang lahat ng mangangaral ay totoong may karapatang mula sa Diyos, hindi sana nagbabala si Cristo na: “magsisibangon ang maraming bulaang propeta … Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman” (Mat. 24:11, 4).

Ang paggamit ng Biblia at paggawa ng himala

Ang paggamit ng Biblia at kakayahang gumawa ng mga kababalaghan ay hindi depinitibong batayan ng pagiging sa Diyos ng isang mangangaral. Tandaan na si Satanas man ay sumisitas ng nakasulat sa Banal na Kasulatan (Mat. 4:6) at nakagagawa ng mga himala (II Tes. 2:9) subalit hindi nangangahulugan na dapat siyang paniwalaan.

Hindi dapat ikamangha, kundi dapat pag-ingatan, ang paglitaw ng mga mangangaral na gumagawa ng mga himala sapagkat ibinabala ni Jesus na kapag malapit na ang Kaniyang pagbabalik (Mat. 24:3–4), ay may “magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang” (Mat. 24:24).

Kahit na gamitin nila ang Pangalan ni Cristo sa pangangaral at paggawa ng himala ay hindi rin sila makapapasok sa kaharian ng langit, bagkus ay itataboy pa sila ng Panginoon (Mat. 7:22−23). Gayon din ang sasapitin ng mga nailigaw nila sa kanilang kabulaanan.

Ang may awtoridad na mangaral

Sino, kung gayon, ang mangangaral na dapat pakinggan upang magkaroon ng tunay na pananampalataya? Ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:

“Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa [Panginoon]? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo?” (Roma 10:14(b)–15(a) Bagong Magandang Balita Biblia)

Samakatuwid, ang kredensiyal na dapat hanapin sa mga mangangaral ay ang patunay na sila ay may karapatang mula sa Panginoon. Dapat sila ay tunay na mga sugo ng Diyos, “Sapagka’t ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios” (Juan 3:34).

Nang may kumwestiyon sa kanilang awtoridad na mangaral, binanggit ng Panginoong Jesucristo at ni Apostol Pablo ang mga talata sa Banal na Kasulatan na nagpapatunay ng kanilang pagiging sinugo ng Diyos (Lucas 4:18−21; Isa. 61:1−2; Gawa 13:47; Isa. 49:6).

“Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa [Panginoon]? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?”

Roma 10:14

Bagong Magandang Balita Biblia

Ang panganib ng pakikinig sa hindi sugo ng Diyos

Ang pagkabigo ng mga di-sugong mangangaral na maunawaan ang buong katotohanan ng Diyos na nasa Banal na Kasulatan ay hahantong sa pagtuturo at pagpapalaganap ng sinsay o baluktot na mga aral. Kaya, magiging kalunus-lunos ang kanilang wakas:

“Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo’y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo’y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.” (II Ped. 3:16)

Ang masaklap, hindi lamang ang ganitong mga mangangaral ang mapapahamak kundi maging ang mga taong naniwala sa kanila, sapagkat “kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mat. 15:14).

Kung gayon, ang mangangaral na walang karapatang buhat sa Diyos—kumbaga sa karaniwang serbisyo ay walang lisensiya—at ang sumampalataya sa kaniyang itinuro ay kapuwa patungo sa kakila-kilabot na wakas: ang walang hanggang pagdurusa sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14).

May lisensiya ba siya?

Kaya, kaibigan, may “lisensiya” ba o awtorisasyong mula sa Diyos ang pinakikinggan mong mangangaral? Tandaan na ang binigyan ng Panginoon ng karapatang mangaral ng Kaniyang mga salita ay ang Kaniyang mga sugo (Roma 10:14–15), gaya ng mga apostol (II Cor. 5:20) na inilagay Niya sa Iglesia Ni Cristo (I Cor. 12:28; Roma 16:16 npv).

Maging sa ating panahon, ang mga mangangaral sa loob ng tunay na Iglesia ang dapat pakinggan, sapagkat kalooban ng Panginoon na “sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala … ang kapuspusan ng karunungan ng Dios” (Efe. 3:10).