Na kay Cristo ang kaligtasan

Upang ang tao’y maligtas, ipinag-utos ng Tagapagligtas na pumasok sa Kaniyang kawan o Iglesia sapagkat ito ang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Jesucristo.

Ni EZZARD R. GILBANG

SA PAKSANG UKOL SA RELIHIYON, nakaugnay sa tuwina ang tema sa kaligtasan ng kaluluwa ng tao. May halos iisa ngang nilalayon ang mga relihiyon sa paghikayat ng mga tao—ang kaligtasan. Gayunman, magkakaiba ang kaparaanan sa ikaliligtas ang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon. May nagsasabing ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo. Marami pang kaparaanan ang binabanggit ng iba sa ikaliligtas. Subalit ang tanging makapagtuturo sa ikaliligtas ng tao ay ang mismong Tagapagligtas, si Cristo. Ganito ang sinasabi Niya upang maligtas ang tao:

“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible)*

Hindi sapat ang sumampalataya lamang. May kailangang gawin ang isang sumasampalataya upang maligtas. Dapat siyang pumasok sa kawan sa pamamagitan ni Cristo. Tinukoy din sa Biblia kung alin ang kawan na kinapapalooban ng mga maliligtas. Ganito ang sinasabi:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*

Iglesia Ni Cristo ang tinutukoy na kawan. Kung gayon, kailangan ng tao na umanib sa Iglesia Ni Cristo upang maligtas.

Kapahamakan sa di maliligtas

Ang lahat ng tao ay nangangailangan ng kaligtasan sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala:

“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)

Lahat ng tao, maliban kay Cristo, ay nagkasala (I Ped. 2:21–22). Ang kasalanan ang dahilan kaya ang tao ay nagkaroon ng kamatayan. Ang kamatayang ganap na kabayaran ng kasalanan ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang-apoy:

“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:14)

Inilarawan ng Biblia kung gaanong paghihirap at pagdurusa ang daranasin ng taong hahatulan ng ikalawang kamatayan:

“Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.” (Apoc. 14:10–11)

Ang parusang daranasin sa ikalawang kamatayan ang pinakamalaking kasawiang kahahantungan ng mga nagkasala. Sa kasawiang ito na dulot ng kasalanan ililigtas ni Cristo ang tao. Subalit kailangang malunasan muna ang kasalanang nagawa ng tao. Upang ang tao’y maligtas, ipinag-utos ng Tagapagligtas na pumasok sa Kaniyang kawan o Iglesia. Kailangang nasa Iglesia Ni Cristo ang tao upang maligtas sapagkat ang Iglesia ang tinubos ng dugo ni Cristo. Ang pagtubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ang ikalilinis o ikapagpapatawad ng kasalanan:

“Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso’t isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.” (Heb. 9:14 Magandang Balita Biblia)

Ang taong nagnanais ng kaligtasan ay kailangang mapabilang sa tinubos o pinatawad sa kasalanan. Ang mga tinubos din ang nagkaroon ng karapatang maglingkod sa Diyos na buhay. Maliban dito, wala nang ibang kaparaanan upang matamo ang kapatawaran sa kasalanan (Heb. 9:22).

“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. ...”

Juan 10:9

Revised English Bible *

Mapalad ang tinubos

Hindi matutumbasan ng anumang bagay ang natamong kapalaran ng mga taong kabilang sa tinubos. Ang kahulugan ng katubusan ay kaligtasan. Ipinagugunita ni Apostol Pedro kung alin ang nagbigay sa tao ng karapatang maglingkod sa Diyos at ng pinakadakilang kapalarang matatamo ng tao sa Araw ng Paghuhukom:

“Na inyong nalalamang kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid bagay ang dugo ni Cristo.” (I Ped. 1:18–19)

Kailangang sundin ang sinabi ni Cristo upang masakop ng katubusan—kailangang pumasok o umanib ang tao sa Iglesia Ni Cristo. Dahil ang Iglesia Ni Cristo ang nasasakop ni Cristo, ito ang inibig at pinaghandugan ni Cristo ng Kaniyang buhay:

“Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya.” (Efe. 5:25)

Ang katuwiran sa pagliligtas

Napakahalaga ng Iglesia Ni Cristo. Ito ang iniibig at pinaghandugan ni Cristo ng Kaniyang buhay at ang tinubos Niya sa pamamagitan ng Kaniyang dugo. Kailangang masakop muna ng pagtubos ni Cristo ang tao upang makabilang sa ililigtas sapagkat may katuwiran ang Diyos sa pagliligtas:

“Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios.” (II Cor. 5:21)

May binanggit si Apostol Pablo na upang tayo’y maging katuwiran ng Diyos, ang hindi nagkasala ay inaring may kasalanan. Natatamo ang katuwiran o katarungan kung naipatutupad ang batas. Di maikakailang makatuwiran o makatarungan ang Panginoong Diyos. Kaya naman, mahigpit ang pagpapatupad sa Kaniyang batas ukol sa nagkasala. Ganito ang sinasabi:

“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa’t tao’y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deut. 24:16)

Ang taong nagkasala mismo ang dapat managot. Ang kaparusahan o kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). At yamang ang lahat ay nagkasala (Rom. 5:12), ang lahat ay nakatakda sa kaparusahan. Kaya nga, ang lahat ay nangangailangan ng kaligtasan. Hindi maaaring iligtas ng tao ang kaniyang sarili sapagkat bawat isa ay may nagawang kasalanan na dapat pagbayaran. Kailangan ng tao ng Tagapagligtas. Kailangan ng tao ng tutubos sa kaniyang kasalanan—isang tao na hindi nakakilala ng kasalanan na siyang aariing may sala upang may maligtas nang ayon sa katuwiran ng Diyos. Ang bukod tanging hindi nagkasala ay si Cristo. Siya ang inaring may sala upang matubos at mailigtas ang tao:

“Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya: Na siya’y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.” (I Ped. 2:21–22)

Si Cristo na hindi nagkasala ay inaring may sala—Siya ay nagbata ng kamatayan dahil sa mga taong ililigtas Niya. At upang huwag masira ang batas ng Diyos ukol sa nagkasala, ginawa Niyang katawan ang mga taong ililigtas Niya upang maging ayon sa katuwiran o katarungan ng Diyos ang Kaniyang pagliligtas:

“Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23)

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia …” (Col. 1:18)

Iglesia Ni Cristo ang ililigtas ni Cristo sapagkat bilang katawan, ito ang nasasakop Niya. Si Cristo ang pangulo ng Kaniyang Iglesia. Kaya nga, ang pagiging isa ni Cristo at ng Iglesia ay itinulad ni Apostol Pablo sa pagiging isa ng lalake at babae na pinagsama ng Diyos bilang mag-asawa. Si Cristo at ang Iglesia sa paningin ng Diyos ay isang taong bago:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)

Makatuwiran o makatarungang panagutan ni Cristo bilang pangulo ang kasalanan ng mga nasa katawan Niya o ng nasa Iglesia Ni Cristo. Ang mga kay Cristo o ang Iglesia Ni Cristo ang ipinakilala ni Apostol Pablo na naging katuwiran ng Diyos sa pagliligtas:

“Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago. … Kami nga’y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo’y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo’y makipagkasundo sa Dios.” (II Cor. 5:17, 20)

“Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.”

EFESo 5:23

Mapapahamak ang nasa labas

Malalabag ang batas ukol sa nagkasala kung ililigtas ang hindi naman kabilang sa katawan ni Cristo. Hindi makatuwiran na iligtas ang hindi nakipag-isa sa Tagapagligtas. Kailangang sampalatayanan at sundin ng tao ang ipinag-utos ng Tagapagligtas na kaparaanan sa ikaliligtas—ang pumasok sa loob ng kawan o Iglesia ni Cristo. Ang ayaw sumunod ay nakatakda sa kaparusahan sapagkat may hatol ng Diyos ang mga nasa labas ng Iglesia Ni Cristo:

“Sapagkat wala akong karapatang humatol sa mga di Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan, hindi ba? Ganito ang sabi ng Kasulatan, ‘Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo.’” (I Cor. 5:12–13 mb)

Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Kamatayan ang hatol ng Diyos sa mga nagkasala na nasa labas ng Iglesia Ni Cristo. Hindi pananagutan o babayaran ni Cristo ang kasalanan ng wala sa Kaniyang katawan dahil hindi Niya lalabagin o sisirain ang batas ng Diyos ukol sa nagkasala. Ang nagkasala mismo ang mananagot sa kanilang kasalanan. Ipinagpauna ni Cristo:

“Sinabi ko nga sa inyo, na kayo’y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka’t malibang kayo’y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” (Juan 8:24)

Hindi maliligtas ang tao na mananagot sa kaniyang sariling kasalanan. Parurusahan ang gayon sa dagatdagatang apoy. Kung gayon, hindi dapat tanggihan ng sinoman ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Ang pag-anib dito ang tanging kaparaanan sa ikaliligtas na itinuro ng Tagapagligtas.

Na kay Cristo ang kaligtasan, kaya inaanyayahan Niya ang tao na pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan Niya. Ang pagtanggi rito ay pagtanggi sa kaligtasang na kay Cristo. Sa loob ng Iglesia Ni Cristo, masusumpungan ng tao ang kaligtasan ng kaluluwa sa Araw ng Paghuhukom.


* Isinalin mula sa Ingles