‘Ngayon ang panahong ukol …
ngayon ang araw ng kaligtasan’

Maikli lamang ang buhay ng tao sa mundo. May higit na mahalagang bagay na hindi dapat ipagwalang-bahala—
ang kaligtasan ng kaniyang kaluluwa.

Ni JENSEN DG. MAÑEBOG

PAGKAKAABALAHAN KO PA ba naman iyan? Sa bigat ng mga suliranin ngayon, na halos hindi ko na alam kung papaano ko bubu­hayin ang aking pamilya, iyan pa ba naman ang uunahin ko?”

Ang kalagayan ng buhay sa mundo ay lalo pang pinalulubha ng mga kalamidad. May mga naiipit din at namamatay sa mga digmaan o paglalabanan ng mga bansa. Kaya, maraming mga tao ang wala nang panahon sa pagrerelihiyon. 

Dapat paglaanan ng panahon

Sa harap ng mga banta sa buhay, dapat maunawaan ng tao na lalo niyang dapat asikasuhin at unahin ang ukol sa espirituwalidad, kabanalan, at ang kaugnayan niya sa Maylikha. Ito ay sapagkat tangi sa mga suliranin ngayon at pagkalagot ng hininga, may mas mabigat, o ang pinakamabigat na suliraning kinakaharap ang tao—ang kaparusahan, na walang hanggang kapahamakan (II Tes. 1:9) na daranasin sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14) o impiyerno.

Ganito ang masaklap na sasapitin ng mga ibubulid sa dagat-dagatang apoy:

“… Siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi … .” (Apoc. 14:10–11)

Marahil ay wala nang mas kahabag-habag pa kaysa sa taong nagdusa na nga sa buhay na ito, maparurusahan pa sa impiyerno pagdating ng araw. Sa kabilang banda, kahit na ang tao’y nakaranas ng hirap sa mundo, kung siya naman ay maliligtas sa “walang hanggang pagkapahamak” (Dan. 12:2), maituturing na siya ay mapalad. Ganito ang tatamasahin ng mga magtatamo ng kaligtasan:

“… Ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” (Apoc. 21:3–4)

Bakit kailangan ang kaligtasan

Maliban sa Panginoong Jesucristo (I Ped. 2:22), “ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Roma 3:23). Dahil sa kasalanang ginawa ng tao, naging kaaway siya ng Diyos (Col. 1:21) at tinakdaan ng kamatayan (Heb. 9:27), sapagkat “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23).

“… Ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”

Roma 3:23

 

Ang kamatayang tinutukoy ay hindi lamang ang pagkalagot ng hininga kundi maging ang parusa sa “dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan” (Apoc. 21:8). Ang lahat ng nagkasala, kung gayon, ay nangangailangan ng kaligtasan—upang huwag danasin ang pait ng “walang hanggang kaparusahan” bagkus ay matamo ang kagalakan “sa walang hanggang buhay” (Mat. 25:46).

Kung paano maliligtas

Purihin ang Panginoong Diyos sapagkat may itinuro Siyang paraan upang maligtas ang tao sa parusa sa impiyerno. Isinugo Niya ang Panginoong Jesus para sa kaligtasan ng tao (Juan 3:16). Bilang itinalagang Tagapagligtas (Gawa 5:31), itinatag ni Cristo ang Kaniyang Iglesia:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18 Magandang Balita Biblia)

Tunay na hindi makapananaig sa Iglesia ang kapangyarihan ng kamatayan sapagkat nangako ang Tagapagligtas sa mga kaanib nito na “Bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya” (Juan 11:25)—upang magtamo ng maluwalhating buhay na walang hanggan sa Bayang Banal (Apoc. 21:1–4).

Ang Iglesiang itinayo ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na binili o tinubos Niya ng Kaniyang mahalagang dugo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Sapagkat “inihandog [ni Cristo] ang kanyang buhay para [sa iglesya]” (Efe. 5:25 mb), ang mga kaanib nito ay natubos, nalinis, o pinatawad na sa kanilang kasalanan (Heb. 9:22). Sila, kung gayon, ang nakatitiyak ng kaligtasan:

“At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Roma 5:9 mb)

Ang imbitasyon ni Cristo

Kaya upang maligtas ang tao, may ganitong paanyaya ang Panginoong Jesus:

“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

Ang tinutukoy na kawan kung saan dapat pumasok ang tao ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa). Kaya, ang tunay na nakapasok kay Cristo ay ang nasa loob ng kawan o umanib sa Iglesia Ni Cristo. Hindi sapat, kung gayon, na sumampalataya lamang sa Diyos at kay Cristo (Mat. 7:21; Sant. 2:24).

“At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.”

Roma 5:9

Magandang Balita Biblia

Hindi dapat ipagpaliban

Maikli lamang ang buhay ng tao sa mundo. At ang kamatayan ay walang pinipiling edad. Wala nang pagkakataon ang tao na asikasuhin ang ukol sa kaniyang kaligtasan at maglingkod sa Diyos kapag siya ay namatay na. Pagkatapos ng pagpanaw, ang natitira na lamang para sa mga nasa labas ng Iglesia ay ang hatol at parusa ng Diyos (I Cor. 5:13; Apoc. 20:14–15).

Kaya, kailan nga ba dapat maglingkod ang tao sa Diyos at kumilos para sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa? Ganito ang pahayag ng Diyos na sinitas ni Apostol Pablo:

“… Sa panahong ukol kita’y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita’y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.” (II Cor. 6:2)

Ang “ngayon” na tinutukoy ay nilinaw sa Hebreo 3:15:

“… Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso …”

Kaya, “ngayon” na inyong naunawaan ang kalooban ng Diyos tungkol sa kaligtasan, nawa ay “Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.” Ang pag-anib sa tunay na Iglesia upang magtamo ng kaligtasan ay marapat simulan hindi bukas o saka na lamang, kundi “ngayon ang panahong ukol.” ❑