HINDI MAIKAKAILA NA sa itinakdang panahon, ang tao ay nalalagutan ng hininga at namamatay. Maaari itong mangyari sa malao’t madali—dahil sa karamdaman, aksidente, pagtanda at iba’t ibang trahedya o kalamidad sa daigdig. Ito’y isang katotohanang hindi matatakasan ni maiiwasan ninuman.
Pagkatapos ng kamatayan, ano ang mangyayari sa tao? Saan siya patutungo kapag nalagot na ang kaniyang hininga? Ano ang paniniwala ng iba’t ibang relihiyon tungkol sa kamatayan at iba pang isyung nakapaloob dito? Higit sa lahat, ano ang itinuturo ng Biblia tungkol dito?
Inilarawan ng mga apostol kung gaano karupok at kaikli ang buhay ng tao:
“Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi.” (Sant. 4:14)
“Araw-araw ay nabibingit ako sa kamatayan, mga kapatid. … At kami, bakit namin isinasapanganib pa ang buhay namin oras-oras?” (I Cor. 15:31, 30 New Pilipino Version)
Gusto man ng taong pigilin ang kamatayan, siya ay walang kapangyarihan dito (Ecles. 8:8). Ito ay darating saanman at kailanman—madalas ay bigla, masakit, at di-inaasahan. Walang pinipili ang kamatayan.
Ang lima sa pinakamalalaking relihiyon sa buong mundo ay may magkakaibang paniniwala tungkol sa kamatayan at iba pang isyung nakapaloob dito:
Katolisismo. Naniniwala ang mga Katoliko na ang katawan ay namamatay, ngunit ang kaluluwa ay namamalagi magpakailanman; at ang impiyerno ay ang dako kung saan parurusahan ng walang katapusan ang makasalanan. Ang kaluluwa ng namatay na kinaawaan ay pupunta sa purgatoryo upang sumailalim sa paglilinis ng mga kapintasan at kasalanan upang maihanda sa pagpasok sa langit. Kung gaano katindi at katagal ang parusa ay maaaring mabawasan ng mga kaibigan at pamilya, kung sila ay magsasagawa ng mga misa at panalangin at iba pang gawa ng kabanalan at debosyon (library.thinkquest.org).
Judaismo. Sa Judaismo, ang kamatayan ay hindi isang trahedya kundi isang natural na proseso. Katulad ng buhay, ito ay may kahulugan at bahagi ng plano ng Diyos. Naninindigan din ang Judaismo sa buhay na darating. Ang kanilang ginagawa sa pagluluksa ay malawak at ito ay upang ipahayag ang paggalang sa namatay at sa mga naulila. Isinasagawa rin sa Judaismo ang mga panalangin sa patay (jewfaq.org).
Islam. Itinuturo naman ng Islam ang pamamalagi ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan. Ang mga mandirigma na namatay sa pakikipaglaban dahil sa pananampalataya ay kaagad dinadala sa piling ng Diyos. At ang mga “kaaway ng Islam” ay kaagad namang hinahatulan ng kaparusahan sa impiyerno kapag sila ay namatay (religionfacts.com).
Hinduismo. Ayon sa Hinduismo, ang tao pagkamatay ay sasailalim sa maraming incarnations bago magtamo ng kaligtasan. Gayundin, ang pagtakas sa walang katapusang pag-inog ng pagsilang, kamatayan, at muling pagsilang ang siyang maghahatid sa tao sa kaligtasan (library.thinkquest.org).
Budismo. Sa Budismo, ang kamatayan ay hindi wakas ng buhay kundi ng katawan na ating tinatahanan sa mundong ito. Mamamalagi ang espiritu at ito ay maghahanap ng makakapitang bagong katawan at buhay. Saan man ito magaganap ay resulta ng nakaraan at pagsasama-sama ng positibo at negatibong gawa at ang resultang karma ay dahilan ng mga nakalipas na mga gawa. Ito ay maghahatid sa isang tao upang muling ipanganak sa iba’t ibang realms batay na rin sa bigat ng kaniyang nakaraang gawa (urbandharma.org).
Bagaman iba’t iba ang paniniwala tungkol sa mangyayari sa tao kapag siya ay namatay ay ang Panginoong Diyos lamang ang dapat nating paniwalaan ukol dito sapagkat Siya lamang ang makapagsasabi ng susunod na pangyayari kapag ang tao ay pumanaw na (Ecles. 10:14). Tiniyak ng Biblia ang mangyayari sa espiritu, kaluluwa, at katawan na bumubuo sa tao (I Tes. 5:23). Ang kaniyang pisikal na katawan ay nagbabalik sa alabok kung saan ito nagmula:
“Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka’t diyan ka kinuha: sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Gen. 3:19)
Ang espiritu naman ng tao kapag siya ay namatay ay bumabalik sa Diyos na nagbigay nito (Ecles. 12:7 Magandang Balita Biblia). At kapag namatay ang tao ay namamatay din ang kaniyang kaluluwa—hindi ito imortal (Ezek. 18:4). Kaya taliwas sa itinuturo ng Biblia ang paniniwala na ang kaluluwa ng taong namatay ay pupunta sa isa sa tatlong istasyon—sa langit, kung banal; sa impiyerno, kung makasalanan; o sa purgatoryo, kung hindi pa nalilinis na lubos sa kasalanan. Wala ring itinuturo ang Biblia tungkol sa purgatoryo at reincarnation.
Walang mapapakinabang ang patay sa anumang ginagawa ng buhay sapagkat wala na silang malay o pag-iisip (Awit 146:4). Gaano man kataimtim at kadalas ang pagdarasal ng mga naulila ay hindi ito pakikinabangan ng yumao sapagkat hindi nila nalalaman ang anumang bagay at wala silang anumang bahagi sa anomang bagay na ginagawa para sa kanila (Ecles. 9:5–6). Ito ang dahilan kaya walang padasal o panalangin na isinasagawa ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo para sa pumanaw na mahal nila sa buhay—ito ay hindi ayon sa Biblia. Labag din sa aral ng Biblia ang paniniwala na ang patay ay nagpapakita, nakakausap, at nagpaparamdam (Gen. 3:19; Ecles. 3:19–20).
Binabanggit din sa Biblia na ang patay ay nakahiga sa libingan at natutulog lamang (Awit 88:5; Lucas 8:52). Ito ay mananatili sa libingan at “di na nagbabangon; hanggang sa mawala ang kalangitan. …” (Job 14:10–12 npv). Mawawala ang langit sa Araw ng Paghuhukom na siyang panahon ng pagbangon ng mga patay (II Ped. 3:10, 7, 12). Kaya, labag sa aral ng Biblia ang paniniwala na pagkamatay na pagkamatay ng tao ay agad siyang haharap sa hukuman ng Diyos. Ang kagantihan ay sa pagparito pa ng Panginoong Jesucristo o sa Araw ng Paghuhukom—hindi kaagad-agad (Mat. 25:31–34, 41).
Dahil hindi maiiwasan ang kamatayan, mahalagang matupad ng tao ang layunin ng Diyos sa pagbibigay sa kaniya ng buhay:
“… Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos pagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Ecles. 12:13 mb)
Hindi dapat gugulin ng tao ang panahon sa mga bagay na walang kabuluhan: sa mga kalayawan at makasariling pangarap at ambisyon. Na saka lamang magugunita ng iba na bumaling sa Diyos at maglingkod sa Kaniya (isang bagay na dapat ay ginawa nila nang mas maaga) kapag kumupas na ang lakas at mapagod na sa paglipas ng panahon. Maliwanag ang itinuturo ng Banal na Kasulatan na dapat ay alalahanin ang Diyos sa “panahon ng iyong kabataan” bago “makubli ang sikat ng araw” at bago “humina ang iyong katawan” (Ecles. 12:1–3). Magiging huli na ang lahat upang matupad ng tao ang layunin ng pagkakalalang sa kaniya—na ito ang maglingkod sa Maylalang—kapag napugto na ang kaniyang hininga. Ganito ang paalaala ng Biblia:
“Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito.” (Ecles. 12:7 mb)
Katulad ng iba’t ibang panahon, ang “panahon ng kamatayan” ng tao ay tiyak na daratal (Ecles. 3:1–8). Ang tao ay papanaw sa iba’t ibang kaparaanan o kadahilanan; kung panahon na ng kamatayan, ito ay hindi kayang lupigin o panaigan. Subalit may pangako ang Panginoong Jesucristo tungkol sa Iglesia na Kaniyang itinayo:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18 mb)
Ang mga kaanib sa Iglesiang ito, na tinawag na Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28, salin ni Lamsa), ay ginagarantiyahan ni Cristo na hindi pananaigan ng kamatayan. Hindi ito nangangahulugang hindi na sila mamamatay; papanaw din sila katulad ng kanilang kapuwa-tao. Subalit, mapugto man ang kanilang hininga, gayunman ay bubuhayin silang mag-uli sa Araw ng Paghuhukom, hindi upang hatulan, kundi upang magmana ng buhay na walang hanggan (I Tes. 4:16–17; Apoc. 20:6). Ang pagpanaw ng isang kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay pagtulog lamang, sapagkat pagdating ng takdang panahon, siya ay muling babangon o muling mabubuhay. Sa gayon, matutupad ang itinuro ni Apostol Pablo na napagtagumpayan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kamatayan (I Cor. 15:51–54).
Ang kamatayan ay isang malungkot na karanasan sa mga naulila—nagdudulot ito ng pangungulila at mga pagluha, at pinaghihiwalay ang magkakapamilya at magkakaibigan. Subalit sa panig ng mga tunay na hinirang, ang ating kaaliwa’y ang pagdating ng takdang araw na makakasama natin sa Bayang Banal ang ating mga mahal sa buhay na pinapagpahinga na ng Diyos. Sa Bayang Banal o sa Bagong Jerusalem ay wala nang kamatayan (Apoc. 21:1–4).
Ang mga katotohanang itinuturo ng Biblia ay dapat magbigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa. Ang pagkalumbay at pagluha ay hindi natin mapipigil sa pagpanaw ng ating minamahal subalit ito’y pansamantala lamang. Alam nating sa araw ng muling pagparito ni Cristo, matutupad ang Kaniyang pangako:
“… tatangis kayo at magdadalamhati … nalulumbay kayo ngayon, ngunit muli akong makikipagkita sa inyo at mag-uumapaw sa puso ninyo ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.” (Juan 16:20, 22 mb)